2025
Paano Ako Magtatakda ng Mabubuti at Makatotohanang mga Mithiin?
Enero 2025


Digital Lamang

Paano Ako Magtatakda ng Mabubuti at Makatotohanang mga Mithiin?

Ang tatlong alituntuning ito ay makatutulong sa iyo na magawa ang iyong mabubuting hangarin sa pamamagitan ni Jesucristo.

ang Tagapagligtas na pinapanatag ang isang dalaga

Ni Jen Tolman

Ang pagsisimula ng isang bagong taon ay isang panahon para magsikap na magsimula nang panibago at magtakda ng mga mithiin. Pero kung minsan ang mga problema sa pamilya, pisikal na karamdaman, problema sa pag-iisip, o iba pang mga hamon ay nagpapahirap sa pagkakamit ng ating mga mithiin.

Sa harap ng mga balakid na ito, ginawang posible ni Jesucristo para sa atin na “gumawa [tayo] ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27). Sa panahong ito ng pagpapanibago, ang tatlong alituntuning ito ay makatutulong sa iyo na magtakda ng mabubuting mithiin sa pamamagitan ni Cristo.

1. Bumaling kay Cristo

Sa panahon ng paghihirap, maaari mong isipin kung makabuluhan bang magtakda ng mga mithiin o kung posible bang makamit ang mga ito. Ganito rin ang tanong ng propetang si Mormon: “Paano mangyayari na kayo ay makakapananganan sa bawat mabuting bagay?” (Moroni 7:20). Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung paanong ang mga tao sa lahat ng panahon ay “[na]nampalataya kay Cristo; at sa gayon sa pamamagitan ng pananampalataya, sila ay nananganan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:25).

Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, magagawa at matatamo natin ang mabubuting bagay. Ang Kanyang kapangyarihan, pagmamahal, at mga turo ay nagbibigay-kakayahan sa atin na maisakatuparan ang ating mabubuting hangarin. Noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik, sinabi ng Panginoon sa kanyang mga lingkod, “Kung iyong nanaisin, ikaw ang magiging daan upang makagawa ng maraming kabutihan sa salinlahing ito” (Doktrina at mga Tipan 6:8).

Ano ang ibig sabihin para sa iyo ng “makagawa ng maraming kabutihan”? Maraming paraan na maaaring gamitin ng Diyos ang iyong natatanging mga talento at katangian upang itayo ang Kanyang kaharian. Habang iniisip mo ang mga mithiing nais mong itakda, humingi ng inspirasyon at tulong sa Kanya. “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan” (Alma 37:37).

2. Gumawa ng Maliliit at mga Simpleng Pamamaraan

Natutuhan natin sa Aklat ni Mormon na, “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Ang turong ito ay nagpapadama sa atin na hindi naman mahirap ang pag-abot sa ating mga mithiin at mas kayang gawin ito. Kung minsan ay gumagawa ang Diyos “sa pamamagitan ng napakaliit na pamamaraan” (Alma 37:7) at ibinibigay sa atin ang kanyang salita nang “taludtod sa taludtod, [nang] tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30).

Maaari mo ring isakatuparan ang iyong mithiin nang “taludtod sa taludtod” at sa “napakaliit” na pamamaraan. Narito ang ilang halimbawa ng pagtatakda ng mga mithiin na gumawa ng mabuti, kasama ang maliliit na pamamaraan na gagawin tungo sa tagumpay:

Mga Mithiin

“Maliliit at mga karaniwang” pamamaraan (Alma 37:6)

Mag-minister sa mga maralita, maysakit, o nahihirapan.

Maglaan ng kaunting oras para makinig sa isang taong nahaharap sa pagsubok.

Magpakita ng pagmamahal sa mga taong nalulumbay.

Umupo sa tabi ng isang tao na nakaupo nang mag-isa sa simbahan.

Pagmalasakitan ang mga bata, matatanda, o mga may kapansanan.

Mag-iskedyul ng oras na bisitahin ang isang matandang kakilala o ang isang lugar na nangangalaga sa matatanda.

Magtrabaho para matustusan ang iyong sarili o ang iyong pamilya.

Humingi ng payo sa isang tao na iginagalang mo para sa propesyong kukunin mo.

Gampanan ang iyong tungkulin sa Simbahan.

Manalangin na patnubay ka tungkol sa iyong tungkulin.

Magboluntaryo sa mga proyekto ng komunidad o magbigay ng serbisyong sibiko.

Gumugol ng 10–15 minuto sa pagsasaliksik para sa mga pagkakataong maglingkod nang boluntaryo.

Pangalagaan ang iyong katawan, isipan, at espiritu sa pamamagitan ng mabubuting materyal at aktibidad.

Gumawa ng listahan ng masusustansyang pagkain na maaari mong kainin sa buong linggong ito.

Pagbutihin ang mga personal na gawi o gawain ng pamilya sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, pagsisimba, at pagsamba sa templo.

Mag-set ng alarm o paalala araw-araw na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.

Paglingkuran ang mga yumao sa pamamagitan ng paggawa ng family history.

Mag-log in sa FamilySearch.org at matutong gumamit ng isang hindi pamilyar na feature.

Ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba.

Sabihin sa isang kaibigan ang tungkol sa paborito mong talata sa banal na kasulatan o mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Matuto ng mga bagong kasanayan na makatutulong sa iyo na itayo ang kaharian ng Diyos.

Maghanap ng isang video na nagtuturo ng isang skill na nais mong matutuhan.

Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag sinusuri natin ang ating buhay at nakikitang napakarami pa nating dapat gawin, tayo ay napanghihinaan-ng-loob. Kapag tinitingnan natin ang isang bagay—ang pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak, sa maraming iba’t ibang paraan—magagawa natin ang mga bagay na iyon nang may kagalakan.”

3. Magpatuloy sa Paglakad

Kung mabagal ang iyong pag-unlad o ikaw ay natitisod sa daan, huwag panghinaan-ng-loob. Itinuro ni Nephi sa atin na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20). Si Jesucristo ay handang suportahan ka at tulungan ka na sumubok muli.

Natutuwa ang langit sa bawat pagsisikap natin na makamit ang ating mga mithiin, kahit hindi ito perpekto. Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter: “Lahat tayo ay nakararanas ng mga cycle ng pag-unlad at mga pagkakataong nilalabanan natin ang mga di-maiiwasang hamon na pagbabalik sa dati. Ang malalaking pagpapala ng Panginoon ay tumutulong sa pagsisikap nating umunlad.”

Alam ng iyong Ama sa Langit ang iyong mga hangarin at hamon. Gagabayan at tutulungan ka Niya sa iyong mabubuting mithiin. Manalangin sa Kanya, at ilalaan Niya ang nagawa mo, gaano man ito kaliit, upang “maging para sa kapakanan ng [iyong] kaluluwa” (2 Nephi 32:9).