Digital Lamang: Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan mula sa Social Media
Mga Pagpapala ng Templo
Alamin kung ano ang itinuro ng mga buhay na propeta, at iba pang mga lider ng Simbahan sa social media tungkol sa kahalagahan ng mga templo.
Sa panahon ng kaguluhan at kalituhan, makakahanap tayo ng kapayapaan at kanlungan sa templo na tutulong sa atin na malinaw na makaunawa. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang paggugol ng oras sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal at maunawaan kung sino talaga kayo, ano ang maaari ninyong kahinatnan, at ano ang uri ng magiging buhay ninyo magpakailanman. Ang palagiang pagsamba sa templo ay magpapahusay sa paraan kung paano ninyo nakikita ang inyong sarili at kung paano kayo naaakma sa dakilang plano ng Diyos. Pangako ko iyan sa inyo.”
Nagsalita ang mga lider ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa mga templo at mga tipan. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang ang mga sumusunod:
Wala nang Mas Mahalaga Pa Kaysa sa Pagtupad sa Inyong mga Tipan sa Templo
“Noong unang araw na pumasok ako sa Salt Lake Temple noong binatilyo pa ako, nadama ko na nakapunta na ako roon noon. Sa isang iglap, pumasok sa isipan ko na ang nadarama ko ay kapayapaan na hindi ko pa nadama noon sa buhay na ito, pero tila nakilala ko at halos maalala ko mula sa panahong bago ako isinilang.
“Kilala natin ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak bago tayo pumarito sa Mundo. Kapag dumadalo tayo sa templo, madarama natin ang kapayapaan na nakasama natin Sila sa buhay bago ang buhay na ito, at mapapaalalahanan tayo ng walang-hanggang katangian ng ating espiritu at ng ating pinakamatinding hangaring makabalik sa ating tahanan sa langit.
“Gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa pagtupad sa inyong mga tipan sa templo.”
Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, Facebook, Mayo 31, 2024, facebook.com/henry.b.eyring.
Inilalapit Tayo ng mga Templo kay Jesucristo
“Pagkatapos lisanin ni Cristo ang Kanyang mga disipulo at ‘dinala siya paitaas sa langit’ (Lucas 24:51), bumalik ang mga disipulo sa Jerusalem ‘na may malaking kagalakan’ (Lucas 24:52) at ‘sila’y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos’ (Lucas 24:53).
“Ngayon, pinagpapala ng Diyos ang matatapat na miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa buong mundo sa pamamagitan ng banal na tagubilin sa Kanyang propeta na magtayo ng mga templo. Ang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga sagradong lugar kung saan madarama ng isang tao na lalo siyang napapalapit sa langit at nagagalak sa impluwensya ng Espiritu Santo.
“Sa aming mga paglalakbay kamakailan sa iba’t ibang panig ng mundo, binisita namin ni Harriet ang mga templo sa iba’t ibang yugto ng pagtatayo ng mga ito. Bawat pagbisita ay nagpala sa amin ng kapayapaan at kagalakan—naroon man kami sa loob ng bahay ng Panginoon o nasa bakuran sa paligid nito. Kapag bumibisita kami sa mga lider ng gobyerno o relihiyon sa mga bansang ito, laging may paggalang, paghanga, at pasasalamat sa doktrina natin na pag-isahin ang mga pamilya sa pamamagitan ng pagpapala ng mga templo.
“Ang pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo ay tumutulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo. Siya ang nasa sentro ng bawat templo. Si Jesucristo ang magiging gabay at punong arkitekto natin upang muling itayo, ipanumbalik, at baguhin ang ating sariling buhay ayon sa plano ng kaligayahan ng Diyos.
“Ang mga tipang ginawa at mga alituntuning itinuro sa mga banal na templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang praktikal na pagsasabuhay ng pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Ang pagtanggap sa pagmamahal na ito sa ating buhay araw-araw—kahit sa maliliit na hakbang araw-araw—ay maghahantid sa atin sa isang kanlungan at pagiging kabilang sa mahihirap na panahon.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Hunyo 15, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Isang Kawing na Nag-uugnay sa Langit at Lupa
“Ang templo ay isang kawing na nag-uugnay sa langit at lupa. Ito ay dinisenyo ng ating Ama sa Langit upang turuan at tulungan tayo sa ating paglalakbay pabalik sa Kanyang piling. Kung tayo ay magiging tapat sa mortalidad, sa pamamagitan ng pagpasok at pagtupad sa tipan ng ebanghelyo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.
“Ang templong ito—at lahat ng templo sa mga huling araw—ang bumubuo sa ating nakikita at nahahawakang patotoo tungkol sa buhay na katotohanan ng Manunubos dahil kung wala ang Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, ang templo ay walang layunin.
“Ginagamit ng Panginoon ang Kanyang mga templo upang ipagkaloob sa atin at sa ating mga henerasyon—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—ang mga pagpapalang ipagkakaloob lamang sa isang bahay na Kanyang inorden para sa layuning iyon.”
Elder D. Todd Christofferson, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Ene. 21, 2024, facebook.com/dtodd.christofferson.
Ang Oras Natin sa Templo ay Nagpapadalisay sa Atin
“Kapag pumapasok tayo sa templo, inaalis natin ang ating sarili sa mundo at sa mga impluwensya nito. Isinasantabi natin ang ating mga problema at hamon kapag pumapasok tayo sa templo at itinutuon ang ating isipan sa mga bagay ng Diyos, sa mga ordenansa at tipan ng kaligtasan at kadakilaan. Muli nating itinutuon ang ating isipan at hangarin sa banal na pananaw.
“Mas nadarama natin ang kapayapaan at pagmamahal na nagmumula sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Nadarama natin ang pagmamahal na iyon sa ating mga ina at ama sa mga nakaraang henerasyon noon at nananabik na makasama sila magpakailanman. Napapanibago tayo sa pagpapahalaga sa ating sariling walang-hanggang kahalagahan at sa ating determinasyong kumilos ayon dito.
“Sa paglabas natin ng templo, matatanto natin na naroon pa rin ang mga problema at hamon na isinantabi natin sa pagpasok natin sa templo. Obligado tayong pasaning muli ang mga ito. Hindi nagbago ang mga ito, pero taglay ang pasasalamat, binabago tayo ng oras natin sa templo. Ang ating pananaw ay mas tiyak at mas tumpak. Nakikita natin ngayon na ang tila napakalaki at imposible noon, sa tulong ng Panginoon, ay nahahanapan ng solusyon, at mas nakatitiyak tayo sa Kanyang tulong.
“Sa kabilang banda, ang ilang maliliit na bagay na tila hindi mahalaga ay napagtatanto natin na kailangang pagtuunan ng pansin ngayon upang hindi na lumala ang mga ito na may mga nakapipinsalang resulta para sa atin o sa iba pa sa mga panahong darating. Sa madaling salita, ang oras natin sa templo ay nagpapadalisay sa atin, kahit sa maliit na antas lamang, at ang langit ay ganoon kalapit.”
Elder D. Todd Christofferson, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Ene. 15, 2023, facebook.com/dtodd.christofferson.
Pinagkakaisa ng Templo ang mga Pamilya sa Magkabilang Panig ng Tabing
“Noong nakaraang buwan, nagpapasalamat ako na naging bahagi ako sa ordenasyon ng priesthood ng tatlo sa aking mga apo mula sa iisang pamilya sa parehong araw—si John bilang priest, si David bilang teacher, at si Will bilang deacon. Nang sumunod na linggo, sama-sama kaming dumalo sa templo. Nagawa ni John na binyagan ang kanyang mga kapatid, kasama ang kanyang kuya na si Jason, na naghahanda para magmisyon. Unang pagkakataon ito ni Will na makapasok sa templo. Napakagandang pagpapala na magkaroon ng priesthood sa aming pamilya! Napakagandang pagpapala na magkaroon ng templo para sa aming mga apo! Ang dalawang kaganapang ito ng pamilya ay mahahalagang alaala na hindi ko malilimutan.
“Ang pagsasagawa ng gawain sa templo at pagtupad sa mga sagradong tungkulin ng priesthood ay magbubuklod sa mga pamilya sa magkabilang panig ng tabing—tulad ng ginawa ng dalawang kaganapang ito sa aking pamilya. Sa templo, nakadarama tayo ng lakas mula sa kaitaasan na harapin ang mga hamon sa ating personal na buhay at sa ating pamilya. Ang pagmamahal natin sa isa’t isa at sa Tagapagligtas ay lumalago kapag nakatuon tayo sa walang-hanggang katangian ng ating mga ugnayan.”
Elder Neil L. Andersen, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Peb. 2, 2023, facebook.com/neill.andersen.
Pumunta sa Templo
“Ang bahay ng Panginoon ay isang sagradong lugar sa pagitan ng langit at lupa kung saan mas nakikilala natin ang ating Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.
“Naipaalala ito sa akin ngayon nang magkaroon ako ng espesyal na pribilehiyong atasan ni Pangulong Russell M. Nelson na ilaan ang Brasilia Brazil Temple ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Napakagandang pagpapala para sa mga bumibisita sa templong ito na patuloy na lalago sa kanilang ugnayan sa Diyos at sa isa’t isa. Ito ay lalong makabuluhan sa mundong tinitirhan natin na puno ng kaguluhan at kalituhan.
“Inaanyayahan ko ang lahat na pumunta sa templo kapag nababagabag kayo sa mga hamon sa inyong pamilya. Pumunta sa templo kapag may mga desisyon na gagawin. Kapag ang mundo ay tila napakagulo na at naghahanap kayo ng kapayapaan. Kapag parang nadaig kayo at kailangan ninyo ng dagdag na lakas.
“Pumunta sa templo kapag kayo ay masaya at parang maayos ang lahat. Pumunta sa templo nang hindi na kailangang anyayahan pa. Pumunta sa templo kapag hindi kayo nagmamadali. Pumunta sa templo na nagpatawad na kayo sa nagkasala sa inyo. Pumunta sa templo nang naniniwala.
“Kapag ginawa natin ito, ang Espiritu ng Panginoon ay sasaatin at ang kagandahan ng kawalang-hanggan ay mapapasaatin.”
Elder Neil L. Andersen, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Set. 17, 2023, facebook.com/neill.andersen.
Tinutulungan Tayo ng mga Templo na Maisakatuparan ang Ating Banal na Potensyal
“Tinutulungan tayo ng mga templo na maisakatupran ang ating banal na potensyal. …
“Oo, sinusunod natin ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang magandang istraktura, tulad ng ginawa ni Solomon sa Lumang Tipan, pero lalo pa natin Siyang sinusunod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga sagradong ordenansa na maisasagawa lamang sa isang nailaang bahay ng Panginoon.
“Inaanyayahan namin ang lahat na lumapit kay Jesucristo at gumawa ng mga sagradong pangako sa Kanyang mga templo. Ang paanyaya ni Jesucristo ay para sa lahat:
“’Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan. … Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.’”
Elder Gary E. Stevenson, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Hunyo 18, 2023, facebook.com/stevenson.gary.e.
Maging Matibay na Kawing sa mga Henerasyon
Post: “Sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo, nawa’y maging matibay na kawing tayo sa ating mga henerasyon. Nawa’y kumonekta tayo sa ating mga ninuno at pagpalain ang ating kasalukuyan at magiging pamilya—mga pamilyang mayroon tayo at mga pamilyang nais natin.”
Video: “Mahal kong mga kaibigan, mahal kong mga kapatid, tayo at ang ating pamilya ay nilayon na maging masaya at magpakailanman. Ang ating pinakamahalaga at natatanging ugnayan ay hindi nilayon na matapos sa kamatayan. Ang Diyos, ang ating Ama sa Langit, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay naghanda ng banal na plano ng kaligayahan, kabilang na ang mga sagradong ordenansa at tipan na matatanggap sa mga banal na templo na nagbibigay-daan sa mga indibiduwal na makabalik sa piling ng Diyos at magsama-sama ang mga pamilya magpakailanman. Ikinokonekta ng mga sagradong ordenansa at tipan sa templo sa langit ang mga pinahahalagahan natin sa lupa.”
Elder Gerrit W. Gong, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Mar. 21, 2023, facebook.com/gerritw.gong.
Matatagpuan ang Kapayapaan sa Bahay ng Panginoon
“Sa ating abalang mundo kung saan madalas nating matagpuan ang ating sarili na nagtatanong kung saan tayo makatatagpo ng kapayapaan, pinatototohanan ko na ang kapayapaang ito ay matatagpuan sa bahay ng Panginoon. Sa loob ng mga templo ng Diyos, natututuhan natin kung sino tayo at sino ang maaari tayong maging, salamat kay Jesucristo at sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala at sa plano ng pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit.”
Elder Ulisses Soares, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Ago. 13, 2023, facebook.com/soares.u.
Mabigkis sa Tagapagligtas sa Pamamagitan ng Tipan
Post: “Mahal tayo ng ating Ama sa Langit at nais Niya na magkaroon ng mas malalim at mas makabuluhang ugnayan sa atin. Sa pamamagitan ng pagdalo natin sa templo, mas mapapalapit tayo sa Kanya at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”
Reel: “Hi, mga kaibigan. Pag-aaralan nating muli ang mga awitin sa Primary ngayon, at nasa pahina 95 na tayo ng Aklat ng mga Awit Pambata. Ito ay ang ‘Templo’y Ibig Makita’ Talagang gustung-gusto ko ito dahil isa ito sa ilang awitin sa Primary na naaalala ko, mula pa noong mga unang taon ko na naging miyembro ako matapos akong mabinyagan.
“Gusto kong ibahagi sa inyo ang isang bahagi ng pangalawang talata. Sinasabi rito: ‘Templo’y ibig makita. Doon ay papasok. Sa Diyos ay mangangako, Sa kanya’y susunod. ‘Pagkat templo’y sagradong pook.’
“At nadarama ko iyan sa tuwing nagsisikap akong tuparin ang pangakong iyan na pumasok sa bahay ng Panginoon at makasama ang aking Tagapagligtas sa isang banal na lugar, kasama ang Ama sa Langit. Pakiramdam ko ay may ginagawa ako na mas nagpapalapit sa kanilang dalawa at nagbibigay-daan sa akin upang matuto at lumago sa mga paraan na mahalaga sa kanila.
“Pinag-iisipan ko ang talatang ito sa Doktrina at mga Tipan 124. Ito ay ang talata 40, at nakasaad dito, ‘At katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bahay na ito ay itayo sa aking pangalan, upang aking maihayag ang aking mga ordenansa roon sa aking mga tao.’
“At talagang pinag-iisipan ko kung paanong ang templo ay bahay ng Panginoon. At inaanyayahan Niya ang lahat ng Kanyang mga anak sa Kanyang bahay, at inaanyayahan Niya tayo na magkaroon ng kaugnayan sa pamamagitan ng mga ordenansang ito na matatagpuan lamang doon. Hinihiling ko sa inyo na isiping tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na pumunta sa Kanyang bahay at mabigkis sa Kanya sa pamamagitan ng tipan at matutuhan ang nais Niya na matutuhan ninyo para umunlad kasama Niya. Magkita tayo roon! Paalam sa ngayon, mga kaibigan!”
Sister Tracy Y. Browning, Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency, Facebook, Ene. 11, 2024, facebook.com/Primary2ndCounselor