“Sina Ann at Newel Whitney at ang Landas ng Tipan,” Liahona, Ene. 2025.
Sina Ann at Newel Whitney at ang Landas ng Tipan
Tulad nina Ann at Newel Whitney, tumatahak din tayo sa landas ng tipan sa pamamagitan ng pagsisisi, paglilingkod, pagsasakripisyo, at pagsasaya habang daan.
Pinondohan ng tindahan ng mga Whitney sa Kirtland (na ipinapakita rito noong 1907) ang halos buong paglago ng Simbahan sa Ohio at Missouri noong 1830s.
Larawang kuha ni George Edward Anderson, 1907
Nang lumipat sa Ohio ang 18-anyos na si Elizabeth Ann Smith, nakilala niya ang isang guwapong negosyanteng nagngangalang Newel K. Whitney. Inilarawan niya ito bilang “isang binata [na] nagpunta sa Kanluran para ‘hanapin ang kanyang kapalaran.’ Matipid siya at masigla, at nakaipon ng mga ari-arian nang mas mabilis kaysa sa karamihan ng kanyang … mga kasamahan.” Ikinasal sila noong Oktubre 1822 at “masayang nagsama, na may malaking pag-asa sa tindahan.”
Nanirahan sila sa Kirtland, Ohio, kung saan nagpatakbo si Newel ng isang matagumpay na kumpanya sa kalakalan.
Makikita natin ang mga huwaran ng pakikitungo ng Panginoon sa Kanyang mga anak sa pagtingin sa mga karanasan ng mga Whitney at ng napakarami pang iba. Halimbawa, makikita natin kung paano nila nakilala ang Tagapagligtas at kung paano Niya sila tinulungang ituring ang kanilang sarili bilang mga anak ng tipan. Ang kaalaman tungkol sa mga ito ay nagbibigay ng mas malalalim na kaalaman tungkol sa mga paghahayag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan.
Paghahandang Matanggap ang Salita ng Panginoon
Pinili ng mga magulang ni Ann na palakihin siya nang walang relihiyon. Nakapako ang isipan ni Newel sa pagnenegosyo. Ngunit nang magpatayo sila ng bahay sa Kirtland, naramdaman ni Ann na may kulang sa buhay nila. Nagsimula silang maghanap ng isang simbahan na sumusunod sa ebanghelyo ayon sa itinuro ni Jesucristo sa Bagong Tipan. Pansamantala silang sumamba sa Disciples of Christ ni Alexander Campbell.
“Isang gabi,” paggunita ni Ann, “… habang nagdarasal kaming mag-asawa sa Ama, sa bahay namin sa Kirtland, na ipakita sa amin ang daan, sumaamin ang Espiritu at nilukuban ng ulap ang bahay namin. … Binalot kami ng taimtim na pagkamangha. … Pagkatapos ay narinig namin ang isang tinig … na nagsasabing, ‘Maghandang tanggapin ang salita ng Panginoon, sapagkat ito ay darating.’”
Sa New York, na daan-daang milya ang layo, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na magsugo ng mga missionary para ipangaral ang ebanghelyo. Nang ang mga missionary na iyon—sa pangunguna nina Oliver Cowdery at Parley P. Pratt—ay nangaral sa Kirtland, nakinig si Ann at kalauna’y isinulat niya, “Alam ko na ito ang tinig ng Mabuting Pastol.” Ang pagsaksi ng mga missionary, ng iba pang mga mananampalatayang tulad nina Lucy at Isaac Morley, at higit sa lahat, ng Espiritu Santo, ang nagtulak sa kanila na gumawa ng mga sagradong tipan. Nabinyagan sina Ann at Newel sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Nobyembre 1830.
Pagdating sa Kirtland noong 1831, ipinakilala ni Joseph Smith ang kanyang sarili kay Newel, na nagsasabing, “Ako si Joseph, ang Propeta. … [Ipinagdasal mong] pumarito ako.”
Paglalarawan ni Paul Mann
Pakikiharap sa Propeta
Sinabi sa isa pang paghahayag sa mga Banal na “magtungo sa Ohio,” kung saan tatanggap sila ng “isang pagpapala na hindi pa nalalaman [ng] mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 39:14–15; tingnan din sa 37:1).
Dumating sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland noong Pebrero 1831, at pinatira sila nina Newel at Ann sa bahay nila sa loob ng isang buwan. Pagkaraan ng labingwalong buwan, muli silang naglaan ng tirahan para kina Joseph at Emma sa ipinaayos nilang tindahan.
Nagsimulang mas malinawan ng mga Whitney ang kanilang walang-hanggang identidad. Kalaunan sa taong iyon, inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph na maglilingkod si Newel bilang bishop sa Kirtland. Sabi ni Newel, “Hindi ko makita ang sarili ko bilang bishop, Brother Joseph; pero kung sinasabi mo na kalooban ito ng Panginoon, susubukan ko.”
Sumagot si Joseph, “Hindi mo kailangang maniwala sa salita ko lang. Humayo ka at itanong mo mismo sa Ama.”
Pagkatapos manalangin, narinig ni Newel ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Bibigyan kita ng lakas.”
Ito ay isang panahon ng paglago para kina Newel at Ann dahil nagtulungan silang tuparin ang kanilang mga tipan. Isinulat ni Ann ang tungkol sa isang paraan na naglingkod sila sa iba:
“Ayon sa huwaran ng ating Tagapagligtas … , nagpasiya kaming gumawa ng Kapistahan para sa mga Maralita … ; sa pilay, sa pingkian, sa bingi, sa bulag, sa matanda at maysakit.
“Ang kapistahang ito ay tumagal nang tatlong araw, kung kailan ay inanyayahan ang lahat ng nasa paligid ng Kirtland na gustong pumunta. … Para sa akin ito ay “isang kapistahan ng matatabang bagay” [Isaias 25:6] talaga; isang panahon ng pagsasaya na hindi malilimutan.”
Kalaunan ay naglingkod si Newel bilang missionary kasama si Joseph Smith at bilang partner sa United Firm, isang business cooperative para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Banal. Pinondohan ng kita mula sa kanyang tindahan ang halos buong paglago ng Simbahan sa Kirtland at Missouri, at naglingkod siya sa Simbahan sa maraming iba pang paraan. Marahil ang pinakamahalaga, sina Ann at Newel ay nagkaroon ng 14 na anak at napalaki ang 10 hanggang sa pagtanda nila.
Ang iba ay nagtipon upang itayo ang mga stake ng Sion. Ang mga Kimball, Young, Crosby, Tippet, at marami pang iba ay nagsikap na ituon ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat isa ay nagdala ng lakas at partikular na mga talento. Ginabayan, pinagsabihan, at pinatibay sila ng mga naunang paghahayag at pinamahalaan ang lumalawak na Simbahan.
Pagtatayo ng Bahay ng Panginoon
Para sa mga naunang miyembro ng Simbahan, nang sama-sama at indibiduwal, ang pagtanggap ng ipinangakong pagkakaloob ng kapangyarihan ang naging sentro ng kanilang temporal at espirituwal na pagpupunyagi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32).
Paulit-ulit na iniutos ng Panginoon ang pagtatayo ng mga templo sa Kirtland at Missouri. Sa Kirtland, nagtagumpay ang mga Banal sa magiting na pagsisikap na magtayo ng isang pambihirang gusali. Ito ang kanilang pinakamainam na pagsisikap na bumuo ng isang bagay na karapat-dapat sa Panginoong Jesucristo. Nakatayo pa rin ang templo hanggang ngayon. Ang tindahan ni Newel, pati na ang kanyang kalapit na gawaan ng abono, ay mahahalagang bahagi ng ekonomiya sa Kirtland na sumuporta sa proyektong magtayo ng templo.
Noong 1836, nagpakita ang Tagapagligtas sa templo at tinanggap ang kanilang mga pagsisikap. Nangako Siya na ang Kanyang mga tao ay “labis na magsasaya bunga ng mga pagpapalang ibubuhos, at sa endowment kung saan ang aking mga tagapaglingkod ay pinagkalooban sa bahay na ito” (Doktrina at mga Tipan 110:9). Pagkatapos ay dumating sina Moises, Elias, at Elijah at ibinigay nila ang mga susing mahalaga sa huling dispensasyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16).
Walang petsang paglalarawan kay Newel K. Whitney noong kabataan niya
Pag-uusig at mga Makamundong Alalahanin
Masusubukan ang mga Banal sa darating na mga araw, pati na ang mga Whitney. Nang bumagsak ang ekonomiya sa buong bansa at takot na inilabas ng mga tao ang pera nila sa bangko, maraming tumalikod sa Simbahan at sa Propeta. Nang utusan si Newel na lumipat sa Missouri, nag-atubili siya. Ibinuhos niya ang kanyang buhay sa kanyang tindahan sa Kirtland. Ang malaking bahagi ng kinita nito ang nagtaguyod sa Simbahan. Paano niya nagawang basta tumalikod na lamang?
Pinagalitan siya ng Panginoon dahil sa labis na pagtutuon ng pansin sa mga makamundong bagay at sa “kaliitan ng kaluluwa” (Doktrina at mga Tipan 117:11). Nagsisi at sumunod si Newel. Nanirahan siya sa Nauvoo, Illinois, kung saan patuloy siyang naglingkod bilang bishop at kalaunan bilang Presiding Bishop.
Mga Ordenansa sa Templo
Sa Nauvoo, ang templo ay muling naging sentro ng temporal at espirituwal na aktibidad. Nang simulang itayo ang mga pader ng templo, inorganisa ng Panginoon ang Relief Society sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Si Emma Smith ang naging unang pangulo, at sina Sarah Cleveland at Ann Whitney ang kanyang naging mga counselor o tagapayo. Binigyan ni Emma ng mahahalagang tungkulin si Ann at hiniling dito na pamunuan ang organisasyon kapag wala siya.
Nagpatuloy ang Panginoon na maghayag ng mga ordenansa sa templo sa Propeta. Noong 1842, dahil hindi pa tapos ang Nauvoo Temple, tinipon ni Joseph Smith ang mga pinuno ng Simbahan, kabilang na si Newel, sa itaas na palapag ng kanyang Red Brick Store at pinangasiwaan ang ordenansa ng endowment. Nang ilaan ang bahagi ng templo—ang kisame—pinangangasiwaan kapwa nina Ann at Newel ang endowment sa iba pang mga Banal bago sila umalis papuntang Salt Lake Valley.
Sa landas ng tipan, nakiusap sina Ann at Newel sa Tagapagligtas, nagsisi, naglingkod nang buong puso, naglaan, nagsakripisyo, at nagalak. Nakilala nila si Jesucristo at itinuring ang kanilang sarili na mga anak ng tipan. Milyun-milyon ang sumunod sa parehong huwaran na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at itayo ang kaharian ng Panginoon. Ang pagsisikap na malaman ang kanilang mga kuwento ay tumutulong sa atin sa mga panahon ng kapanatagan at mga pagsubok.
Walang petsang larawan ni Ann Whitney nang tumanda na siya
Nang malapit na siyang mamatay, isinulat ni Ann: “Para madama na nakakuha kayo ng kaunting kaalaman sa mga layunin ng Diyos sa paglikha sa inyo … nauunawaan ba ninyo na ang mga bagay na ito ay sulit na dahilan para mabuhay, na sulit itong pagdusahan? Maaari bang maging napakalaki ng anumang sakripisyo … kung susundin natin ang mga yapak ng ating Guro?”