“Ito ang Iyong Kaloob,” Liahona, Enero 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ito ang Iyong Kaloob
“Ama sa Langit,” dasal ko, “anong kaloob ang malilinang ko na magpapala sa Inyong mga anak?”
Noong dalaga pa siya, nabigyang-inspirasyon si Yanina na malaman na ang pagkanta ay isang kaloob na magagamit niya para mapagpala ang iba. Kalaunan, napili siya bilang isa sa mga internasyonal na miyembro na kakantang kasama ng Tabernacle Choir sa pangkalahatang kumperensya (larawang kuha sa Salt Lake Tabernacle).
Nang bumisita si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa Ecuador noong 1999, narinig kong sinabi niya, “Anuman ang ipasiya mong gawin, gawin ang lahat ng makakaya mo.”
Noong bata pa ako, nalaman ko na binibigyan tayo ng Diyos ng mga kaloob na nagtutulot sa atin na mapagpala ang iba (tingnan sa Moroni 10:8–18). Nagdasal ako, “Ama sa Langit, anong kaloob ang malilinang ko na magpapala sa Inyong mga anak?”
Sa edad na 16, nagsimula akong mag-aral ng pagkanta sa panghihikayat ng direktor ng local conservatory. “Ang ganda ng boses mo,” sabi niya sa akin.
Nang pumalakpak ang mga manonood matapos ang una kong vocal performance, malinaw na pumasok sa aking isipan ang mga katagang ito: “Ito ang iyong kaloob.” Napaiyak ako dahil nasagot ang aking panalangin. Gayunman, sa aking bansa, mahirap kumita ng ikabubuhay bilang musician. Pero alam ko na naghahanda ng daan ang Panginoon. Kaya, patuloy akong nag aral ng pagkanta, na naghahangad na maging pinakamagaling sa abot-kaya ko.
Noong 19 anyos ako, binigyan ako ng scholarship para makapag-aral sa ibang bansa. Gayunman, hindi dumating ang pagkakataong iyon at ang iba pang mga pagkakataong katulad niyon. Pagkatapos niyon, naunawaan ko na gusto ng Panginoon na manatili ako sa Ecuador.
Sinabi sa akin ng mga tao na wala akong kinabukasan sa musika dahil wala akong mataas na pinag-aralan sa ibang bansa, hindi ako mayaman, o hindi ako kilala. Pero alam ko na may plano ang Diyos para sa akin, kaya ibinuhos ko ang talento ko sa paglilingkod sa Simbahan, kung saan bumuo ako ng mga koro, naging tagakumpas, at nagsikap na hikayatin ang iba na linangin ang kanilang mga kaloob at talento.
Kalaunan, nang may mag-alok ng trabaho sa akin sa isang istasyon ng telebisyon, nag-alala ako tungkol sa mga tukso sa entertainment industry. Pero ang sagot sa aking mga panalangin ay, “Tanggapin mo ang trabaho at ipakita mo na kaya mong maging artist nang hindi inilalagay sa alanganin ang iyong mga pamantayan.”
Nakapagtrabaho ako bilang television artistic production assistant, bilang assistant choral director para sa Symphonic Choir ng Guayaquil, at sa board ng Ecuadoran House of Culture para sa lalawigan ng Guayas.
Pinatototohanan ko na posibleng matupad ang ating mga pangarap nang hindi isinasakripisyo ang ating mga prinsipyo. Ngayo’y kinikilala ang pangalan ko sa aking bansa at sa aking propesyon—salamat sa pangako kong ipamuhay ang ebanghelyo at linangin ang mga kaloob na naibigay sa akin ng Ama sa Langit.
Kapag sinunod natin ang kalooban ng ating Ama, nagiging posible ang imposible (tingnan sa Mateo 19:26). Alam ko na mahal Niya tayo at nais Niya tayong tulungan na malinang ang ating mga kaloob para mapagpala ang iba.