“Pagtatanong, Paghahanap ng mga Sagot: Ang Huwarang Itinakda ni Joseph Smith,” Liahona, Ene. 2025.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26
Pagtatanong, Paghahanap ng mga Sagot: Ang Huwarang Itinakda ni Joseph Smith
Isang Haligi ng Liwanag, ni Dan Burr, hindi maaaring kopyahin
Noong 1820, natanggap ni Joseph Smith, na inorden noon pa man na 14-na-taong-gulang na batang magsasaka sa upstate New York, ang mahimalang Unang Pangitain na magiging tanda ng isang bagong simula para sa buong mundo. Narito ang tatlong tanong at sagot tungkol sa pagpapalakas ng ating patotoo tungkol sa Unang Pangitain.
Ano ang matututuhan natin mula sa huwaran ng pagtatanong ni Joseph Smith?
Humihingi noon ng kapatawaran si Joseph para sa kanyang mga kasalanan at ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Ninais niyang malaman kung aling simbahan ang aaniban. Dumalo siya sa iba’t ibang simbahan at bumaling sa Biblia para sa mga sagot. Ang Santiago 1:5 ay nagbigay-inspirasyon sa kanya na magtanong sa Diyos, ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–13.)
Habang naghahandang manalangin si Joseph, nakakita siya ng isang tahimik at panatag na lugar. Sa kabila ng oposisyon na naranasan niya sa simula ng kanyang panalangin, ginamit ni Joseph ang “lahat ng [kanyang] lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas [siya]” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16) at tumanggap siya ng sagot sa kanyang tanong (tingnan sa mga talata 18–19).
Mula sa karanasan ni Joseph, marami tayong matututuhan tungkol sa pananampalataya, panalangin, at pagtanggap ng mga sagot. Mahalagang pansinin na bagama’t nakatanggap ng mga sagot si Joseph sa mga una niyang tanong sa kanyang pangitain sa Ama at sa Anak, sa buong buhay niya ay patuloy siyang humingi ng mga sagot mula sa Diyos sa panalangin. Ang mga sagot na ito ay dumating sa loob ng maraming taon habang patuloy siyang naghahanap, sumusunod, at nananalig na sasagutin siya ng Diyos.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nagbigay si Propetang Joseph Smith ng huwaran na susundan natin sa paglutas ng ating mga tanong”:
Mahalaga ba ang Unang Pangitain sa aking patotoo?
Ang Unang Pangitain ang nagpasimula sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo na nagpapatuloy sa panahong ito. Sa araw ng tagsibol na iyon noong 1820, kinausap ng Diyos si Joseph, sinagot ang kanyang panalangin, at nagbigay Siya ng patnubay na humantong sa muling pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa.
Kung naniniwala tayo na kinausap ng Panginoon si Joseph, maaari tayong maniwala na kinakausap Niya tayo. Kung nagtitiwala tayo na muli Niyang itinatag ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph, maaari tayong magtiwala na patuloy Niya tayong ginagabayan sa pamamagitan ng ating kasalukuyang propetang si Pangulong Russell M. Nelson.
Tulad ni Joseph Smith, ang mga buhay na propeta ay tumatanggap ng paghahayag para gabayan ang Simbahan. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung may anumang naituro ang kagila-gilalas na karanasan ni Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan, ito ay ang katotohanang bukas ang kalangitan at ang Diyos ay nangungusap sa Kanyang mga anak.”
Taglay ang patotoo tungkol sa Unang Pangitain, tumitibay ang ating pananampalataya sa Panginoon, sa Kanyang Simbahan, at sa patuloy na paghahayag na ibinibigay Niya sa ating mga propeta at apostol ngayon.
Paano tayo magkakaroon ng patotoo tungkol sa Unang Pangitain?
Bagama’t magkakaiba ang paglalakbay ng bawat tao tungo sa pagbabalik-loob, sa huli ay kailangan ng lahat ang pagpapatunay ng Espiritu Santo upang magtamo ng patotoo sa Unang Pangitain at iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Tapat na kilalanin ang inyong mga tanong at alalahanin, ngunit pag-alabin muna ang inyong pananampalataya, dahil lahat ng bagay ay posible sa kanila na sumasampalataya.”
Panalangin ang susing nagbubukas sa pintuan tungo sa personal na paghahayag tungkol sa Unang Pangitain—at sa iba pang tanong. Magtanong sa Diyos. Itanong sa Kanya kung talagang nakita ni Joseph ang Ama at ang Anak. Hangarin ang Espiritu, magtiwala sa Panginoon, at patuloy na magsikap. Masasabi mo tulad ni Joseph na: “Ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:25).