“Lahat ay Kailangan sa Katawan ni Cristo,” Liahona, Ene. 2025.
Mga Babaeng Nakipagtipan
Lahat ay Kailangan sa Katawan ni Cristo
Makakatulong tayong bumuo ng isang pandaigdigang kapatiran ng kababaihan na mas malusog, mas matatag, at mas konektado dahil sa ating pakikipagtipan sa Diyos.
Lahat tayo ay gustong madama na tayo ay may lugar at na tayo ay kabilang at kailangan sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Matutulungan natin ang bawat isa sa ating mga kapatid, anuman ang edad o sitwasyon, na madama na sila rin ay may lugar at kabilang at kailangan. Lahat tayo ay mga anak ng mga magulang sa langit at sa gayo’y espirituwal na magkakapatid. Ang mga koneksyong iyon sa isa’t isa ay napakahalaga.
Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, hindi lamang nito pinalalalim at pinatitibay ang ating relasyon sa Kanya kundi naaapektuhan din nito ang ating relasyon sa iba pa Niyang mga anak—ang ating mga espirituwal na kapatid. Likas sa mga tipang ginagawa natin sa Diyos, simula sa binyag, ang responsibilidad nating mahalin at alagaan ang isa’t isa.
Ang Problema ng Kalungkutan
Ibinahagi ng U.S. surgeon general, ang chief health educator para sa Estados Unidos, ang pahayag na ito tungkol sa kahalagahan ng mga relasyon: “Ang ating epidemya ng kalungkutan at pagkahiwalay ay isang krisis sa pampublikong kalusugan na hindi lubos na napapahalagahan na nakapinsala sa kalusugan ng indibiduwal at ng lipunan. Ang ating mga relasyon ay pinagmumulan ng paggaling at kagalingan na nakatago sa paningin. … Dahil sa malalaking bunga ng kalungkutan at pagkahiwalay sa kalusugan, kailangan nating unahing bumuo ng koneksyon sa lipunan sa parehong paraan ng pag-una natin sa iba pang mga kritikal na isyu sa pampublikong kalusugan. … Magkakasama, maaari tayong bumuo ng isang [lipunan] na mas malusog, mas matatag, di-gaanong malungkot, at mas konektado.”
Magkakasama tayong makakatulong na bumuo ng pandaigdigang kapatiran ng kababaihan sa lahat ng edad na mas malusog, mas matatag, di-gaanong malungkot, at mas konektado dahil sa ating pakikipagtipan sa Diyos at sa ating responsibilidad sa isa’t isa bilang mga disipulo ni Jesucristo.
Tulad ng sabi ng ating Tagapagligtas, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa” (Juan 13:35).
Mga Koneksyon sa Isa’t Isa
Makakatulong tayong pabagalin ang epidemya ng kalungkutan sa pamamagitan ng paglikha ng masasaya at ligtas na lugar sa loob ng ating mga kongregasyon at lalo na sa ating mga Relief Society, kung saan maaaring madama ng lahat ang pagmamahal ng Panginoon dahil napapaligiran sila ng ating pagmamahal.
Ang ating karanasan sa simbahan ay naglalayong ibigay ang mahahalagang koneksyong iyon sa Panginoon at sa isa’t isa na lubhang kailangan para sa ating pisikal, emosyonal, at espirituwal na kagalingan. May matinding lakas sa pagkakaisa at kagandahan sa pagkakaiba-iba; lahat ay kailangan sa katawan ni Cristo (tingnan sa 1 Corinto 12:12–27). Tulad ng mga higanteng puno ng redwood na magkakaugnay ang mga ugat at kayang paglabanan ang mga puwersa ng kalikasan dahil sama-sama silang nakatayo, kailangan tayong magkapit-bisig, tumayo, at palakasin natin ang isa’t isa sa kabila ng mga unos ng buhay.
Kapag talagang nakikilala natin ang mga tao na sa pakiramdam natin ay iba ang nadarama kaysa sa atin, natatanto natin na mas marami tayong pagkakatulad kaysa inakala natin. Bawat tao ay may napakalaking maiaambag, napakaraming magaganda at iba’t ibang karanasan sa buhay na maaaring magpala sa ating buhay. Ang pakikinig sa mga kuwento ng iba at paghahangad na maunawaan sila ay magpapabago sa ating puso, at ang paghusga at pangambang maaaring mayroon tayo sa ilan ay maaaring mapalitan ng damdamin ng pasasalamat na makasama sila sa ating buhay.
Matutulungan tayo ng Panginoon na tingnan ang ibang tao tulad ng pagtingin Niya sa kanila, at mapupuspos Niya ng pagmamahal ang ating puso, na nagbibigay-kakayahan sa atin na pasiglahin at panatagin sila, makitawa, makiiyak, at ipadama sa mga tao sa paligid natin na sila ay kabilang. Tutulungan Niya tayong malaman kung ano ang kailangan at kung paano maging pagpapala sa iba sa kanilang paglalakbay sa buhay.
Siyempre pa, Iisa lamang ang maaaring lubos na makaunawa at makikiramay. Bilang bahagi ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, dumanas Siya ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; … [at dinadala] niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao” (Alma 7:11) upang makatiyak tayo na hindi tayo kailanman tunay na nag-iisa.
Bawat isa sa atin ay inuutusang mahalin at paglingkuran ang mga anak ng ating Ama sa Langit tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Nakikipagtulungan tayo sa Kanya sa pagpapala sa iba upang mas lubos na madama natin at nila ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas. Magkapit-bisig tayo at masayang samahan ang isa’t isa pauwi. Pinatototohanan ko na ito ay isang sagradong gawain na lahat tayo ay inuutusang gawin.