Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Pinakamagandang Araw
Ginamit ng Panginoon ang pinagmulan ng mga katutubong ninuno ng aking ama para tulungan siyang makipagkasundo sa aming pamilya.
Ang yumao kong ama na si Claude Roy ay pumanaw noong 2015, hindi nagtagal matapos siyang mabinyagan. Noon, matagal-tagal na kaming miyembro ng Simbahan ng aking ina at mga kapatid, pero ilang dekadang ayaw maging miyembro ng aking ama.
Sa paglipas ng panahon, sinabi niya, “tumigas ang puso ko, at naiinis ako sa mga pagbisita ng mga anak at apo ko at ginusto kong ihiwalay ang sarili ko sa pamilya ko. Tumindi ang tensyon sa bahay namin, at hindi naging maganda ang relasyon naming mag-asawa.”
Sa mga panahong ito, sinimulan niyang balikan ang kanyang mga katutubong ninuno sa Canada, na mga inapo ng angkan ng mga Mi’kmaq at Huron-Wendat. Matapos makipag-ugnayan sa komunidad ng mga Mi’kmaq malapit sa kinalakhan niya, inanyayahan siya sa isang powwow, isang seremonya ng mga Katutubong Amerikano.
Sa gabi ng powwow, ibinuka ng mataas na pinuno ang kanyang mga bisig at pinalapit sa kanya ang mga bata upang mabasbasan niya sila. Naapektuhan nang husto ang tatay ko sa diskursong sumunod tungkol sa kahalagahan ng pamilya at mga inapo.
Sa sandaling iyon, sinabi niya, “Nakita ko ang aking pamilya na nakaunat ang mga bisig sa akin samantalang binalewala ko sila. Napuspos ako ng napakalaki at di-maipaliwanag na kalungkutan na para bang nadudurog ang puso ko. Nalaman ko sa sandaling iyon na ginamit ng Panginoon ang mga salita ng lipi ng aking mga ninuno para palambutin ang puso ko. Nalaman ko na kailangan kong bumaling sa aking Ama sa Langit at ayusin ang sakit na naidulot ko sa aking pamilya.”
Nagsimula si Itay na makipagkasundo sa aming pamilya, na humihingi ng tawad sa bawat miyembro ng pamilya. Sa halimbawa ng kanyang asawa’t mga anak, nagsimula siyang magdasal at magbasa ng Aklat ni Mormon. Dahil maraming kasaysayan ang nabasa niya tungkol sa kontinente ng Amerika, naakit siya sa Aklat ni Mormon. Agad niyang napatunayan na totoo ito.
“Napapaligiran ng aking pamilya, nabinyagan akong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi niya. “Iyon ang pinakamagandang araw sa buhay ko! Pinatototohanan ko ang bisa ng mapagmahal na halimbawa. Sa loob ng 36 na taon, pinanatili ng asawa ko ang kanyang pananampalataya at naging isa siyang halimbawa ni Cristo sa akin, bagama’t tumigas na ang puso ko. Pagkatapos, binago ng isang araw ng Linggo ang lahat para sa akin.”
Magandang paalaala sa atin ang kuwento ng aking ama na “ang mga bisig ng awa [ng Tagapagligtas] ay nakaunat sa [atin]” at kapag tayo ay nagsisi, talagang tatanggapin Niya tayo (tingnan sa Alma 5:33).