“Nahayag ang mga Gawa ng Diyos,” Liahona, Ene. 2025.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Nahayag ang mga Gawa ng Diyos
Hindi ko alam kung gagaling ako o mananatiling bulag. Alam ko lang na matutupad ang kalooban ng Diyos at na bubuhatin Niya ako para malampasan ang aking pagsubok.
Mga larawang kuha ni Christina Smith
Noong Enero 7, 2023, nagising ako na ganap na bulag ang aking kanang mata at mga 10 porsiyento lang ang nakikita ko sa aking kaliwang mata. Biglang naging kulay-abo ang mundo—nang literal. Wala na ang kulay at liwanag. Naiwan ako sa kadiliman, takot, at pagdududa.
Bilang isang artist, ang gusto ko lang gawin ay dagdagan ang kagandahan ng mundo sa pamamagitan ng sining—na halos buong buhay ko nang ninanasa. Ano ang gagawin ko kung hindi ko na makita, masalihan, o mapasalamatan ang kagandahan sa mundo?
Ilang araw bago iyon, naging sensitibo sa liwanag ang mga mata ko, at nagsimulang kumislap ang matatalim na liwanag sa paningin ko. Nag-aalala, nakipagkita ako sa isang optometrist. Matapos akong suriin, sinabi niya na nagkakaroon ng cerebrospinal fluid buildup na nagsasanhi ng presyon sa aking bungo, na lumilikha ng mga sintomas na ginagaya ang isang tumor sa utak, pati na ang pagkawala ng paningin.
Sinabi niya sa akin na unti-unting lalabo ang aking paningin sa susunod na ilang buwan kung hindi ito magagamot. Gayunman, tiniyak niya sa akin na marami akong panahon para humanap ng isang neurologist, na makakagamot sa fluid buildup.
Nag-aalala, humingi ako ng basbas ng pagpapagaling at kapanatagan mula sa aking ama, na naglilingkod bilang bishop. Nang ako ay basbasan nila ng isa sa kanyang mga counselor, naisip ko ang paborito kong kuwento sa Biblia:
“Tinanong siya ng kanyang mga alagad, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya’y ipinanganak na bulag?
“Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos” (Juan 9:2–3).
Paulit-ulit kong naisip, “Mahahayag ang kapangyarihan ng Diyos dito.” Hindi ko alam kung ang ibig sabihin niyon ay gagaling ako o mananatiling bulag. Alam ko lang na matutupad ang Kanyang kalooban at na bubuhatin Niya ako para malampasan ang aking pagsubok.
“Ilang Daliri ang Nakikita Mo?”
Gumawa ako ng appointment sa isang neurologist ilang araw pagkaraan niyon, pero noong umaga ng Enero na iyon, nahiwatigan ng ate kong si Kylie na dapat akong dalhin ng aking pamilya sa emergency room sa isang kalapit na ospital. Mabilis na nag-utos ang mga doktor ng computed tomography (CT) scan at ng una sa ilang spinal tap para mabawasan ang cerebrospinal fluid pressure. Kinabukasan, dalawang MRI (magnetic resonance imaging) ang ginawa sa akin. Pagkatapos ay sinuri ako ng isang ophthalmologist.
“Ilang daliri ang nakikita mo?” tanong niya, na nakataas ang ilang daliri sa harap ko mismo. Wala akong makita.
Pagkatapos ng kanyang pagsusuri, sinabi niya na may mga sintomas ako kapwa ng pseudotumor cerebri at ng optic neuritis. Walang isa man sa dalawang kundisyong ito ang tila talagang dahilan ng kalagayan ng mata ko. Ipinaliwanag niya na sa tindi ng pagkawala ng paningin ko, maaaring umabot nang mahigit isang taon ang paggaling ko at baka hindi lubos na bumalik ang paningin ko. Nagrekomenda siya ng mataas na dosis ng intravenous steroids at iba pang mga gamot.
Pagkaalis niya, nagsimula akong umiyak. Tiniyak sa akin ng aking ina, “Kung hindi mo kayang manampalataya ngayon, umasa ka sa pananampalataya namin.”
“Panatagin N’yo Sana Ako”
Sa ikatlong araw ko sa ospital, humiling ng MRV (magnetic resonance venography) ng spinal column at utak ko ang aking neurologist, na naghahanap ng tumor o bara. Alas-4:00 n.u. dalawang araw matapos akong magising na bulag, nagsimula ako ng limang-oras na MRV. Bilang paghahanda, nagplano ang pamilya ko na ipagdasal at ipag-ayuno ako nang umagang iyon. Ang aking ama, na natulog sa tabi ko sa isang upuan bawat gabi sa aking silid sa ospital, ay binigyan ako ng isa pang basbas—ang pangalawa sa ilang basbas na tinanggap ko.
Nang magtanong ang isang technician ng ospital kung gusto kong makinig sa musika habang sinusuri ako, humiling ako ng mga kanta mula sa aking paboritong mang-aawit. Naglagay ng isang set ng rubber earphones ang tech sa aking mga tainga at pinigilan ng isang facial mesh ang ulo ko para hindi ako makagalaw. Sa proseso, muntik nang matanggal ang headphones sa mga tainga ko nang mabunggo niya iyon. Halos wala akong marinig na tugtog nang magsimula ang MRV.
Habang tumatagal ang proseso, mas nainitan ako sa loob ng tubular imaging machine. Pagkaraan ng tila napakahabang oras, sinabi sa akin na maganda ang ginagawa ko at na magpatuloy pa ako nang kaunti. Pero natakot ako at nabalisa dahil sa init, malalakas na tunog, at mga gamit na pampigil para hindi ako makagalaw.
Sa tahimik na panalangin, nagsumamo ako: “Ama sa Langit, panatagin N’yo sana ako. Nag-iisa ako. Kailangan ko ang tulong N’yo. Kailangan ko ang pamilya ko.”
Agad na umalingawngaw sa mga tainga ko ang isang mahinang tugtog sa piyano. Mula iyon sa isa sa mga paborito kong kanta—isang kantang tinutugtog ng nakababata kong kapatid na si Morgan sa piyano. Hindi ko inaasahang marinig iyon mula sa maluluwag na earphones sa kabila ng ingay ng machine. Parang kasama ko si Morgan, at hindi ako nag iisa. Nawala ang ingay. Nawala ang init. Nawala ang claustrophobia.
Parang humiwalay ako sa katawan ko, na parang nakalutang ako sa dagat sa kalawakan. Nadama ko na napalibutan ako ng pagmamahal ng Diyos at ng pamilya ko. Ganoon lang, kumalma ako. Alas-7:30 n.u., ang oras na sinimulan akong ipag-ayuno ng pamilya ko. Dagliang lumipas ang natitira sa limang oras na MRV, pagkatapos ay narinig ko, “Tapos ka na.”
Naiyak ako sa pagmamahal na nadama ko mula sa karanasang iyon at naglaho ang kapaguran ko sa natitirang bahagi ng pananatili ko sa ospital. Hindi ko alam kung babalik ang aking paningin, pero alam ko na naroon ang Diyos at narinig Niya ang aking panalangin. Pagkaraan ng apat na araw sa ospital, pinalabas na ako.
“Himala Ito!”
Bawat araw sa sumunod na dalawang linggo, nagpabalik-balik ako sa ospital para sa mga gamot, at bawat araw ay naghanap ako ng mga pagbabago sa aking paningin—maitim na kulay-abo na nagiging mas mapusyaw na kulay-abo, mga aninong lumilitaw sa paligid ng aking mga daliri sa harap ng aking mukha, isang malabong kulay-orange sa TV na nagiging bulaklak. Natuwa siya sa bawat bahagyang pagbuti.
Dalawang linggo matapos akong palabasin, nakita sa isang pagsusuri na halos perpekto na ang paningin ko sa magkabilang mata.
“Bronwyn, ano ang nangyari?” tanong ng ophthalmologist ko.
“Ah, nagdarasal kami, at nakatanggap ako ng mga basbas,” sagot ko.
“Himala ito!” sabi niya. “Ngayon ko lang nakitang nangyari ito. Hindi tayo dapat magkaroon ng mga resultang malapit dito kahit sa loob man lang ng anim na buwan.”
Kalaunan ay sinabi niya sa akin na ang mga pasyenteng hindi makakita ay bihirang bumalik ang normal na paningin. Sa loob ng ilang linggo, ako ang naging pinakamagaling niyang kaso mula sa pagiging isa sa pinakamalala niyang mga kaso.
“Sundan ang Liwanag ni Cristo”
Sa pagtatapos ng 2022, pumili ng tema ng ward ang mga lider sa ward ng aking ama para sa 2023. Binigyang-inspirasyon ito ng mga turo ni Pangulong Russell M. Nelson, na nagsabi noong unang bahagi ng taon na iyon na, “Hangarin at asahang mangyayari ang mga himala.”
Noon, naisip ng aking ama na makakatulong ang tema sa mga miyembro ng ward na nagtitiis sa mahihirap na panahon. Wala siyang ideya na magiging napakapersonal nito sa aming pamilya.
“Sundan ang liwanag ni Cristo,” sabi sa tema. “Asahan ang mga himala! Asahang magalak!”
Makalipas ang dalawang taon, mas maganda na ang aking paningin ngayon kaysa noong bago ako mawalan nito. Araw-araw akong nagpapasalamat sa Ama sa Langit para sa aking himala at sa matibay na pananampalataya ng aking pamilya. Sa pamamagitan ng pagsubok na ito, nahayag mismo ang gawa ng Diyos. Lumakas ang aking patotoo, mas napahalagahan ko ang buhay, at lumaki ang pagmamahal ko sa Kanya at sa pamilya at mga kaibigan.
Ngayon, ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko, pati na bilang isang artist, para masulit ang mga pagpapala, kaloob, at kagalakang naibigay sa akin ng Diyos—para luwalhatiin Siya at mapagpala ang iba.
Ngayon, ginagamit ni Bronwyn ang kanyang sining, tulad ng paglalarawang ito sa Tagapagligtas, para luwalhatiin ang Diyos at mapagpala ang iba.