“Nagpapasalamat na Magtipon,” Liahona, Enero 2025.
Nagpapasalamat na Magtipon
Nawa’y lagi tayong magpasalamat sa pribilehiyo at tiwalang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon habang nagtitipon tayo tungo sa Tagapagligtas, nagtitipon kasama ng mga Banal, at nagtitipon sa paglilingkod sa Kanya.
In Humility, Our Savior [Aba Naming Kahilingan], ni Jay Bryant Ward, hindi maaaring kopyahin
Sa loob ng maraming taon, nagkaroon ako ng magandang pocket watch na dating pag-aari ng lolo kong si Andrew C. Nelson, na hindi ko nakilala kailanman. Namatay siya noong 16 na taong gulang pa lang ang aking ama.
Minana ng aking ama ang relo ni Lolo Nelson. Nang magkaedad na ako, ibinigay niya ang relo sa akin. Itinuring kong malinaw na link ang relong iyon sa isa sa matatapat kong ninuno.
Ang mga magulang ni Lolo Nelson, tulad ng lahat ng aking lolo-sa-tuhod, ay sumapi sa Simbahan sa Europe na kanilang lupang tinubuan. Pasasalamatan ko magpakailanman ang mga pioneer na ninunong ito. Dahil sa kanilang pananampalataya at sakripisyong magtipon na kasama ng mga Banal, natamasa namin ng aking mga inapo ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Ipinaalala sa akin ng relo ni Lolo Nelson ang taimtim naming obligasyon bilang mga Banal sa mga Huling Araw na magtipon na kasama ng mga anak ng ating Ama sa magkabilang panig ng tabing. Ipinaalala rin sa akin ng kanyang relo na binabantayan at hinihintay ng ating mga ninuno na matukoy natin sila at tiyakin na maisagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila upang magkaroon sila ng oportunidad na magtipon magpakailanman sa kawan ng Ama.
Magtipon tungo sa Tagapagligtas
Kasama ang aking mga Kapatid sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, ipinapahayag namin: “Nakasalig ang Simbahang ito sa sakdal na buhay ng pangunahing batong-panulok nito, na si Jesucristo, at sa Kanyang walang-katapusang Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Mag-uli. … Inaanyayahan Niya tayong lahat na lumapit sa Kanya at sa Kanyang Simbahan, upang matanggap ang Espiritu Santo, ang mga ordenansa ng kaligtasan, at magkamit ng walang maliw na kagalakan.”
Dahil sumusulong ang Pagpapanumbalik sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag, “hindi na magiging katulad ng dati ang mundo, dahil ‘ti[ti]punin [ng Diyos] ang lahat ng mga bagay [kay Cristo]’ (Efeso 1:10).”
Kasama sa “lahat ng bagay” ang Kanyang mga tupa. Inuutusan tayo ng Tagapagligtas na talikuran ang kasamaan ng mundo at magtipon tungo sa Kanya. Nais Niya ang Kanyang mga tupa na maging isang maningning na liwanag, na nagtatakda ng pamantayan para sa iba pang mga tao sa mundo sa pamamagitan ng pagninilay kung paano namumuhay ang mga tunay na disipulo, pati na kung paano sila dumaranas ng tunay na kagalakan kapag nakatuon ang kanilang buhay sa Tagapagligtas.
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag lumapit tayo sa Kanya (tingnan sa Mateo 11:28) sa pamamagitan ng pagsampalataya tungo sa pagsisisi, pagpapabinyag sa Kanyang Simbahan, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag nararanasan natin ang espirituwal na paggaling na nagmumula sa pagtanggap ng sakramento, na sumasaksi na handa tayong taglayin ang Kanyang pangalan, lagi Siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga utos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag araw-araw nating pinupuno ang ating buhay ng Kanyang mga salita at katotohanan, pati na ng mga turo ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag nililinang natin ang ating kakayahang dinggin Siya, na namumuhay nang karapat-dapat sa mga bulong ng Espiritu Santo.
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag pinatitibay natin ang ating pagbabalik-loob, pinalalakas ang ating pananampalataya, pinalalalim ang ating pagkadisipulo, tinutularan ang Kanyang halimbawa, at sinisikap na maging mas mabuti sa bawat araw.
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag gumagawa tayo ng mga sagradong tipan at tumatanggap ng mga banal na ordenansa sa templo.
Nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag nagpapasakop tayo nang may pagtitiis at tapang “sa lahat ng bagay na [inaakala] ng Panginoon na angkop na [iparanas] sa [atin]” (Mosias 3:19).
Sa huli, nagtitipon tayo sa Tagapagligtas kapag nagtuturo at nagpapatotoo tayo tungkol sa Kanya, inaanyayahan natin ang ating mga pamilya, kaibigan, at kapitbahay na magtipon na kasama natin sa “ilaw, buhay, at pag-asa ng sanlibutan.”
Magtipon na Kasama ng mga Banal
Kapag nagsasama-sama tayo at nagkakaisa bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nakikihalubilo at nakikisama tayo sa isa’t isa. Itinataguyod, tinuturuan, at pinatitibay natin ang isa’t isa. Sinisikap natin, sa mga salita ng Tagapagligtas, na “maging isa” (Juan 17:21; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 38:27) at “magmahalan” (Juan 13:34).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na, “Ang pagdalo sa Simbahan ay nagbibigay sa atin ng lakas at [pagpapatibay] ng pananampalataya na nagmumula sa pakikihalubilo sa iba pang mga mananampalataya at pagsamba kasama ang mga taong nagsisikap ding manatili sa landas ng tipan at maging mas mabubuting disipulo ni Cristo.”
Sa Simbahan, natatagpuan natin ang espirituwal na kapahingahan at pagpapanibago [ng buhay]. Natatagpuan natin ang mga ordenansa at ang awtoridad ng priesthood para pangasiwaan ang mga ito. Natatagpuan natin ang ipinanumbalik na katotohanan, dalisay na doktrina, at personal na paghahayag. Natatagpuan natin ang mainit na pagtanggap, pag-aliw sa mga puso, at mga tinig na nagpapalakas ng loob. Natatagpuan natin ang mga oportunidad na ipamuhay ang dalawang dakilang utos (tingnan sa Marcos 12:30–31).
Binalaan na tayo ng Panginoon na “ang kaaway ay nagsama-sama” (Doktrina at mga Tipan 38:12). Para protektahan ang ating mga pamilya at hadlangan ang lumalaking impluwensya ni Satanas, mas lalong nagiging mahalaga ang sama-sama nating pagsamba bilang mga Banal.
“Ang pagkakaisa,” pagtuturo ni Propetang Joseph Smith, “ay lakas.”
Magtipon sa Paglilingkod sa Kanya
Sinabi rin ni Propetang Joseph, “Mabilis na darating ang panahon na matutupad na ang pagpapanumbalik ng lahat ng bagay, na ipinropesiya ng lahat ng mga banal na propeta, maging tungo sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel.” Isa sa mga nagpropesiya nito si Jeremias sa Lumang Tipan:
“Kaya’t ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, Habang buhay ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;
“[Ngunit], Habang buhay ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila” (Jeremias 16:14–15).
Ipinahayag pa ni Propetang Joseph, “Tayo ang mga taong hinirang ng Diyos na Kanyang pinili upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw … kung kailan ang mga Banal ng Diyos ay sama-samang titipunin mula sa bawat bansa, at lahi, at wika.”
Para maisakatuparan ang gawaing iyan, “Ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon; at pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato” (Jeremias 16:16).
Mga kapatid, bilang pinagtipanang Israel sa mga huling araw—mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo—tayo ang mga mangingisda at mangangaso ng Panginoon. Tinawag tayo upang tipunin ang mga hinirang ng Panginoon mula sa bawat bundok, burol, at nayon. Inuutusan tayong bigyan ng oportunidad ang mga anak ng Diyos na maging ganap na mga tagapagmana ng lahat ng naipangako Niya sa Kanyang matatapat na anak. Iyan ang pinakamagandang paglilingkod na maibibigay natin.
Tinutupad natin ang tagubilin ng Diyos na iyan sa pamamagitan ng pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing—sa pagbabahagi ng mabuting balita ng Pagpapanumbalik sa iba, paghahanap sa ating mga yumaong ninuno, at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo. Tinutupad din natin ang tagubiling iyan kapag ibinabahagi natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating paglilingkod, halimbawa, patotoo, at pag-anyaya sa iba na sumama sa atin.
“Pinamumunuan ng Panginoon ang Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at ng Kanyang Simbahan,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Siya ay nagpapatiuna sa atin. Alam na alam Niya ang mga mangyayari sa hinaharap. Inaanyayahan Niya kayong makibahagi sa gawain. Kasama ninyo Siya sa gawaing ito.”
Isang Pribilehiyo at Pagtitiwala
Ano ang nangyari sa pocket watch ni Lolo Nelson? Ilang taon na ang nakalilipas, ipinasa ko iyon sa anak kong lalaki. Tulad ng nangyari sa akin, ang relong iyon ay nag-uugnay sa kanya ngayon sa kanyang mga ninuno at nagpapaalala sa kanya ng kanyang tungkulin sa kanyang mga inapo.
At iyan ang nangyayari. Ipinagpapatuloy ng bawat pinagtipanang henerasyon ang gawain ng Panginoon, na ginagawa ang bahagi nito sa paghahanda sa mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Nawa’y lagi tayong magpasalamat sa pribilehiyo at tiwalang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon habang nagtitipon tayo tungo sa Tagapagligtas, nagtitipon kasama ng mga Banal, at nagtitipon sa paglilingkod sa Kanya.