2025
Iniisip Mo Ba Kung Dapat Mong Kunin Ang Iyong Patriarchal Blessing?
Para sa Lakas ng mga Kabataan Nobyembre 2025


Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 124

Iniisip Mo Ba Kung Dapat Mong Kunin Ang Iyong Patriarchal Blessing?

Kung hindi ka sigurado kung ang pagtanggap ng patriarchal blessing ay talagang para sa iyo, basahin ito.

kabataang babae

Kung binabasa mo ito, malaki ang tsansa na iniisip mo ang iyong patriarchal blessing.

Ang pagtanggap ng iyong patriarchal blessing—na ikinumpara ng ilang propeta sa "personal na banal na kasulatan para sa iyo" o maging sa isang "personal na Liahona"—ay isang nakatutuwang oportunidad para madama ang malalim at personal na pagmamahal ng Ama sa Langit para sa iyo.

Pero paano kung kinakabahan ka tungkol dito? Paano kung marami kang tanong? Paano kung nag-aalala ka sa sasabihin ng iyong patriarchal blessing—o hindi sasabihin?

Kung gayon ang pakiramdam mo, hindi ka nag-iisa. Ngunit may mga sagot sa iyong mga tanong. Patuloy na basahin ang ilan sa mga ito.

Paano Ko Malalaman Kung Handa Na Ako?

Walang partikular na edad kung kailan mo "dapat" tanggapin ang iyong patriarchal blessing. Tutulungan ka nito kailanman mo man matanggap ito! Dahil diyan, ang ideal na panahon para matanggap ang iyong basbas ay kapag "bata pa … na may marami pang mahahalagang desisyon na gagawin sa buhay," na talagang naglalarawan sa sitwasyon mo ngayon.

Sa huli, ang pagtanggap mo ng iyong patriarchal blessing ay nasa pagitan mo at ng Ama sa Langit. Ang isang magandang indikasyon ng kahandaan ay kapag may hangarin kang tanggapin ang iyong patriarchal blessing at maunawaan kung ano ito—ngunit hindi mo kailangang malaman ang lahat! Maaari kang manalangin para sa kumpirmasyon at kausapin ang iyong bishop o branch president tungkol sa iyong mga tanong.

Matapos ang isang lesson sa Young Women tungkol sa mga patriarchal blessing, nadama ko na kailangan kong matanggap ang akin upang malaman ang patnubay na inilaan ng Ama sa Langit para sa akin. Nagdasal ako nang husto at nag-aral nang ilang buwan.

Pagkatapos, isang araw sa Sunday School, sinabi sa akin ng titser ko, "Kung iniisip mo ang iyong patriarchal blessing, marahil ay oras na para makuha mo ito." Binigyang-inspirasyon ako nito na kumuha noon, at labis akong nagpapasalamat na ginawa ko iyon. Dahil sa aking patriarchal blessing, alam ko na kilala ako ng Ama sa Langit.

Acadia L., edad 16, Baden-Württemberg, Germany

Kailangan Ko Ba talaga ng Patriarchal Blessing?

Hindi tayo inutusan na tumanggap ng patriarchal blessing, pero talagang magandang ideya ito! Ang iyong basbas ay pagmumulan ng lakas, kapanatagan, at paghahayag at isa iyong napakahalagang sanggunian kapag gumagawa kayo ng malalaking desisyon o dumaranas ng mahihirap na panahon.

Halimbawa, sinabi ni Elder Randall K. Bennett ng Pitumpu na ang pagtanggap ng kanyang patriarchal blessing ay nakatulong sa kanya na maunawaan ang kanyang "tunay na walang hanggang pagkakakilanlan—kung sino [siya] talaga at kung ano ang maaaring kahinatnan [niya]." Napalakas nito ang kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na nakatulong sa kanya na manatiling matatag nang magdiborsiyo kalaunan ang kanyang mga magulang.

Kung hindi ka pa rin sigurado kung kailangan o gusto mo ng patriarchal blessing, tanungin ang iyong mga magulang, kapatid, iba pang mga kapamilya, o lider ng Simbahan kung paano sila natulungan ng kanilang basbas.

Nang una kong matanggap ang aking patriarchal blessing, marami akong natutuhan tungkol sa sarili ko. Gustung-gusto kong muli itong basahin isang beses sa isang linggo, at tuwing ginagawa ko, may natututuhan akong bago. Tinutulungan ako nitong muling pag-isipan ang buhay ko sa pamamagitan ng espirituwal na lente at makita kung paano ako tinulungan at ginabayan ng Panginoon sa bawat aspekto ng buhay ko.

Dmitri P., edad 17, Minnesota, USA

Paano Kung ang Aking Basbas ay Hindi ang Inaasahan o Inaasam Ko?

Kung nag-aalala ka na hindi tutugunan ng patriarchal blessing mo ang lahat ng iyong inaasam, pangarap, at tanong tungkol sa hinaharap—o na baka talakayin nito ang mga iyon sa paraang ayaw mo—tandaan na ito ay isang pagpapala, hindi isang detalyadong paghuhula. Hindi nito sasabihin sa inyo ang lahat ng mangyayari sa inyong buhay (o kung paano ito mangyayari), ngunit sasabihin nito sa iyo kung anong mga pagpapala ang matatanggap mo sa pamamagitan ng pagsunod sa patnubay ng Ama sa Langit.

Higit sa lahat, ang iyong patriarchal blessing ay isang mensahe ng pagmamahal ng Diyos sa iyo. Nais ng Ama sa Langit na magtagumpay ka at makabalik sa piling Niya. Ang iyong patriarchal blessing ay isa lamang sa maraming resource na ibinibigay Niya sa iyo para tulungan ka sa iyong paglalakbay.

Dati-rati ay nahihirapan akong matukoy kung ano ang paghahayag, ngunit sa pamamagitan ng aking patriarchal blessing, inihayag sa akin ng Ama sa Langit ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala at pagmamahal Niya sa akin. Pinalakas ako nito at tinulungan akong magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga. Lumakas ang aking pananampalataya at lumalim ang pagmamahal ko sa aking Tagapagligtas at sa Ama sa Langit.

Bree-Ell R., edad 16, Auckland, New Zealand

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Thanks for the Covenant” (debosyonal sa Brigham Young University, Nob. 22, 1988), 5, speeches.byu.edu.

  2. Thomas S. Monson, “Your Patriarchal Blessing: A Liahona of Light," pangkalahatang kumperensiya ng Okt. 1986 (Ensign, Nob. 1986, 65–66).

  3. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 18.17, Gospel Library.

  4. Randall K. Bennett, pangkalahatang kumperensiya ng Abr. 2023 (Liahona, Mayo 2023, 42).

  5. Tingnan sa “Mga Patriarchal Blessing,” Mga Paksa at Mga Tanong, Gospel Library.