Sesyon sa Sabado ng Umaga
Iayon ang Iyong Puso kay Jesucristo: Ang Sagradong Kaloob ng Musika sa Primary
Mga Sipi
Brazil
Philippines
USA
Nagalak ako sa pagkakaroon ng koneksiyon sa mga kapwa Banal gamit ang wika ng sagradong musika. At lalo na sa mga simpleng awitin ng Primary, nahigitan ng Banal na Espiritu ang mga balakid ng wika at pinuspos ang puso ko ng Kanyang mga pagbulong. …
… Ang musika sa Primary ay isa sa mga pinakamainam na gamit ng Diyos sa pagtatanim ng mga binhi ng patotoo sa puso ng mga pinakabatang disipulo ng Tagapagligtas. …
… Ang musika ay palaging nasa sentro sa pagtuturo ng ebanghelyo sa mga bata. Ang mga awitin sa Primary ay maaaring maging unang espirituwal na wika ng isang bata dahil ang simple at hindi malilimutang mga himig ay nagiging tinig ng mga katotohanan ng ebanghelyo. …
Ang mga awitin sa Primary ay maaari ding maging mabisang kagamitan sa pagtuturo ng doktrina. Ang ilang awitin ay mga kuwento ng buhay at ministeryo ng Tagapagligtas. Ang iba naman ay nagtuturo tungkol sa Kanyang mga katangian, gaya ng Kanyang pananampalataya, Kanyang pag-asa, at Kanyang pag-ibig sa kapwa. At ang pinakasagradong mga awitin ay nagpapatotoo sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala at sa pagmamahal na nagmumula sa gawaing iyon ng kaligtasan. …
… Ang isang awitin na natutuhan natin sa edad na anim ay may kapangyarihang manatili sa atin—at maaaring magbalik makalipas ang mga dekada sa mga sandali ng pagdedesisyon, tukso, pighati, o kagalakan. …
… Magagamit ng Espiritu ang musika para maukit ang mga walang hanggang katotohanan sa kanilang batang puso. At, darating ang panahon na maaaring piliin ng mga bata na iayon at ibaling ang kanilang puso at kanilang buhay kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Kanya. …
Mahal na mga kaibigan, nagpapatotoo ako na ang mga awitin sa Primary ay nagtuturo ng mga walang hanggang katotohanan at doktrina na umaakay sa atin tungo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.