Sesyon sa Linggo ng Umaga
Mga Propeta ng Diyos
Mga Sipi
Ghana
Nagpatotoo ang Panginoon sa babaeng taga-Sunem na isang propeta ng Diyos si Eliseo, at kumilos siya sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanyang bahay para tanggapin siya.
Tayo rin ay maaaring makatanggap ng sariling patotoo tungkol sa mga propeta ng Diyos sa panahong ito at buksan ang ating puso’t isipan—ang ating bahay—sa mensahe para sa atin ng ating Ama sa Langit sa mga huling araw na ito. …
Ano ang isang propeta? Ang propeta ay isang taong tinawag ng Diyos na magsalita para sa Kanya. …
Ang mga propeta ay mga tagakita at tagapaghayag. Ibig sabihin, maaari nilang makita ang mga bagay na hindi nakikita ng iba, at makapagpopropesiya sila ng mga magaganap sa hinaharap. … Ang mga propeta ay tumatanggap ng mga kautusan at paghahayag mula sa Panginoon. …
Ipinapahayag din ng mga propeta ang ebanghelyo at sila’y mga inspiradong guro at sugo ng Diyos sa lahat ng tao sa mundo. …
Ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Cristo—sa Kanyang buhay, sa Kanyang ministeryo, at sa Kanyang pagka-diyos. …
Itinuro sa atin ng babaeng taga-Sunem na maaari tayong magkaroon ng ganoong patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ipinapangako ko sa inyo na sa sandaling alam na natin na sila ay mga itinalaga ng Diyos, magiging mas madali ang takbo ng ating buhay sa kabila ng mga hamon na kinakaharap natin, kung susundin natin ang kanilang mga tinig nang may pagtitiwala, pananampalataya, at pag-asa. Ang pakinggan at sundin ang tinig ng propeta ay napakahalaga upang makakapit nang mabuti sa bawat mabuting bagay hanggang sa sumapit ang Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas. …
Nagpapasalamat ako sa patnubay at tapat na paglilingkod ng mga buhay na propeta. … Laging ang Panginoon ang pipili ng Kanyang mga tagapaglingkod.