Kaibigan
Isang Bagong Simula
Kaibigan ng Enero 2026


“Isang Bagong Simula,” Kaibigan, Enero 2026, 38–39.

Isang Bagong Simula

“Paano ako mananatiling malinis pagkatapos kong mabinyagan?”

Isang tunay na kuwento mula sa France.

Paglalarawan sa batang lalaki at sa kanyang ama na magkahawak-kamay at naglalakad sa labas

Magwawalong taong gulang noon si Alexandre sa loob lamang ng ilang araw! Tuwang-tuwa siya dahil nagpaplano sila ni Itay ng espesyal na meryenda para sa bertdey na makakain niya pagkatapos ng pasok sa eskuwela. Pagdating ng mga missionary para maghapunan, sinabi sa kanila ni Alexandre ang lahat tungkol sa masasarap na pastries na pinili niya.

“Magkakaroon tayo ng walong ganito na may kandila ang bawat isa, sa halip na isang cake na may walong kandila!”

Tumawa si Elder Lauener. “Mukhang masaya iyan. Magtira kayo para sa akin!”

Pagkatapos ng hapunan, nagturo ang mga missionary ng lesson tungkol sa binyag. Bumaling si Elder Doyon kay Alexandre. “Kapag nabinyagan ka na, nangangako ka na susundin mo si Jesucristo.” Sinabi niya kay Alexandre ang tungkol sa sarili niyang binyag at ibinahagi ang kanyang patotoo. “Tinulungan ako ng Espiritu Santo na maging napakasaya dahil sa araw na iyon ay pinili kong sundin si Jesucristo.”

Hindi makapaghintay si Alexandre sa araw ng kanyang binyag!

Pero nang mahiga na siya sa gabing iyon, nahirapan siyang makatulog. Nagustuhan niya ang ideya na maging malinis at bago. Pero paano siya mananatiling malinis pagkatapos ng binyag?

Kinaumagahan naglakad si Alexandre papasok sa eskuwela kasama si Itay. “Tahimik ka ngayong umaga,” sabi ni Itay. “Ano’ng problema?”

Bumuntong-hininga si Alexandre. “Sana po mabinyagan ako nang mahigit isang beses.”

“Bakit?” tanong ni Itay.

“Paano po ako mananatiling malinis pagkatapos kong mabinyagan?” tanong ni Alexandre. “Madalas po akong makalimot—tulad ng pagsabi ng hello at salamat sa matatanda at pagpapasensya sa mas bata kong kapatid. Alam kong magkakamali pa rin ako. Isa lang po ang binyag, kaya hindi na ako magiging ganoon kalinis na muli.”

Tumigil si Itay at nagkatinginan sila ni Alexandre. “Wow. Parang medyo mahirap iyan. Naaalala mo ba noong pinag-usapan natin ang tungkol sa paggawa ng mga pangako sa binyag?”

Tumango si Alexandre. “Sa tingin ko po.”

“Kapag bininyagan ka, nakikipagtipan ka sa Ama sa Langit. Nangangako kang susundin ang Kanyang mga kautusan at susundin si Jesucristo. Pagkatapos niyon, tuwing tatanggap ka ng sakramento, maaalala mo si Jesus at kung paano Ka Niya matutulungang magsisi.”

Nanlaki ang mga mata ni Alexander. “Kaya madarama ko po na malinis ako tulad noong bininyagan ako?”

“Tama,” sabi ni Itay. “Alam ng Ama sa Langit na hindi ka perpekto, at kung minsa’y makagagawa ka ng mga maling pagpili. Ngunit kapag nagkakasala ka, maaari kang magsisi at patuloy na sundin si Jesus. Sa tingin mo, magagawa mo ba ito?”

Ngumiti si Alexandre. “Opo! Sa tingin ko po kaya kong gawin ito.”

Nang dumating ang kaarawan ni Alexandre, nagmeryenda ang kanyang pamilya pagkatapos ng pasok sa eskuwela. Ang sarap! At sa kanyang binyag, ang ganda ng pakiramdam ni Alexandre nang umahon siya mula sa tubig. Nangako siyang susundin si Jesucristo, at napakaganda ng pakiramdam na iyon!

Batang kumakain ng matamis na tsokolate

Noong linggong iyon sinubukan ni Alexandre na gawin ang lahat sa abot-kaya niya para tuparin ang kanyang mga bagong tipan at maging mabait sa kanyang nakababatang kapatid. Pero nang sumunod na Linggo, medyo nalungkot siya. Pakiramdam niya ay maaari siyang gumawa ng ilang mas mabubuting pasiya sa linggong iyon.

Habang ipinapasa ang sakramento, humalukipkip si Alexandre at yumuko. Tahimik niyang hiniling sa Ama sa Langit na tulungan siyang gumawa nang mas mahusay sa susunod na linggo. Naisip niya kung gaano siya kamahal ni Jesus at kung paano niya gustong maging lalong katulad Niya.

Nang kumuha siya ng isang piraso ng baguette mula sa sacrament tray, nakadama ng sigla at kapayapaan si Alexandre. Ang pakiramdam niya ay tulad noong araw ng kanyang binyag! Inakbayan ni Itay si Alexandre at nginitian siya.

Ngayon ang simula ng bagong linggo, at gagawin ni Alexandre ang lahat ng kanyang makakaya—sa tulong ng Ama sa Langit.

Batang lalaking tumatanggap ng sacrament
Alt text

Mga larawang-guhit ni Toby Newsome