“Ang Himala sa May Pintuan,” Kaibigan, Enero 2026, 18–19.
Ang Himala sa May Pintuan
Magiging OK ba ang nanay ni Gracie?
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Kinain ni Gracie ang huling kagat ng pancake, inilagay ang kanyang plato sa lababo, at kinuha na ang backpack niya.
“Oras na para magdasal ang pamilya,” sabi ni Itay.
Lumuhod ang lahat sa sala. Nagdasal ang kakambal ni Gracie na si George. “Tulungan po Ninyo kaming magkaroon ng magandang araw sa eskuwelahan,” sabi niya. “At pakibasbasan po ninyo si Inay na maging OK siya. Pakibasbasan po ang mga doktor para malaman kung paano siya tutulungan.”
Ang nanay ni Gracie ay may tumor sa utak. Kailangan niyang maoperahan. Umaasa ang mga doktor na magiging OK ang lahat, pero hindi nila ito matiyak.
Pagkatapos ng panalangin, niyakap ni Inay ang bawat isa. “Pupunta ako ulit sa doktor ngayon. Sana makakuha tayo ng karagdagang mga sagot.”
Paano kung mamatay si Inay at hindi ko na siya makausap? Naisip ni Gracie. Takot na takot siya. Hindi niya maisip na hindi niya mayayakap si Inay o makikita siya pagkatapos ng pasok sa eskuwela.
Nang araw na iyon, pumasok si Gracie sa klase, nag-recess, at nagtanghalian na tulad ng dati. Pero patuloy niyang iniisip si Inay. Kapag natatakot siya, iniisip niya ang paborito niyang awitin sa Primary. Ang mag-anak ay magsasama-sama, magpakailan pa man, pag-awit niya sa kanyang isipan.
Pag-uwi nila mula sa paaralan, tumakbo sina Gracie at George at niyakap nang mahigpit si Inay. “Kumusta po ang appointment ninyo?” tanong ni Grace.
“Ayos naman,” sabi ni Inay. “Wala pa rin kaming masyadong alam. May ilan pa akong appointment sa susunod na linggo bago ang operasyon.”
Natuwa si Gracie na makita ang nanay niya. Pero nag-alala pa rin siya.
Makalipas ang ilang araw, tumunog ang doorbell. Nang buksan ni Inay ang pinto, narinig ni Gracie na may kumakanta.
Nakatayo siya kasama ni Inay sa may pintuan at tiningnan ang maraming kaibigan ng pamilya mula sa simbahan at paaralan. Kumakanta sila ng mga awitin sa Primary. “Iniisip ka namin at gusto naming maghatid ng kapanatagan,” sabi ng isa sa kanila. Pagkatapos ay muli silang kumanta.
Pumunta rin si George sa pintuan. Bumaling siya kay Gracie. “Sumabay tayo sa pagkanta nila!”
Kinuha nina Gracie at George ang kanilang mga coat at tumakbo palabas para sumama sa iba. Kumanta sila nang malakas sa abot-kaya nila:
Nakita ni Gracie na nagpapahid ng luha si Inay. Kumapit ang mas bata niyang kapatid na si Rosie sa binti ni Inay at nakinig rin.
Nakadama si Gracie ng payapang damdamin. Nag-aalala pa rin siya tungkol kay Inay. Pero alam niya na mahal sila ni Jesucristo. Siya ay isang Diyos ng mga himala. At kahit paano, alam ni Gracie na magiging OK ang mga bagay-bagay.
Mga paglalarawan ni Bethany Stancliffe