“Nabinyagan Ka Na. Ano na ang Gagawin Mo Ngayon?” Kaibigan, Enero 2026, 36–37.
Nabinyagan Ka Na. Ano na ang Gagawin Mo Ngayon?
Nabinyagan ka na ba? Ang galing naman! Masayang-masaya ang Ama sa Langit at si Jesucristo na pinili mong sundin Sila.
Ang binyag ay isa lamang sa mga unang hakbang sa iyong paglalakbay tungo sa kamangha-manghang pakikipagtipan sa Ama sa Langit at sa iyong Tagapagligtas. Narito ang ilang bagay na nararapat mong gawin o simulang gawin ngayong nabinyagan ka na.
Makinig sa Espiritu Santo
Naaalala ba ninyo nang matanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng inyong binyag? Ngayon ay palagi ninyo Siyang makakasama habang pinipili ninyo ang tama. Ang Espiritu Santo ay kadalasang nakikipag-ugnayan sa atin sa pamamagitan ng mga ideya at damdamin. Ang pakikinig sa Espiritu Santo ay tutulong sa iyo na gumawa ng mabubuting pasiya at makahanap ng tunay na kagalakan.
Pag-isipan Ito: Kailan mo nadama ang Espiritu Santo? Maaaring ito ay isang malaki o isang maliit na karanasan!
Magsisi
Nang magbayad-sala si Jesucristo para sa ating mga kasalanan, ginawa Niyang posible para sa ating lahat na magsisi. Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagtalikod sa mga maling pagpili at pagbaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Masayang-masaya Sila kapag pinipili nating magsisi dahil tinutulungan tayo nitong mas mapalapit sa Kanila.
Pag-isipan Ito: Ano ang isang bagay na magagawa mo na makatutulong sa iyo na bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Tumanggap ng Sakramento
Pagkatapos ng iyong binyag, nagiging mas espesyal pa ang sakramento. Ngayon kapag tumatanggap ka ng sakramento, pinaninibago mo ang tipang ginawa mo sa binyag para sundin ang mga kautusan at sundin si Jesucristo. Kapag hindi mo lubos na tinutupad ang mga pangakong ito, ang sakramento ay isang lingguhang paalala na dahil kay Jesucristo, maaari tayong magsisi at mapatawad.
Pag-isipan Ito: Ano ang isang paraan na magagawa mong espesyal ang sakramento sa linggong ito?
Maghanda para sa Templo
Ang templo ay banal na bahay ng Diyos. Sa taon na magiging 12 taong gulang ka, maaari kang magpunta sa templo at tulungan ang iba sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay. Kalaunan, maaari kang gumawa para sa iyong sarili ng iba pang mga tipan sa Ama sa Langit Ang natututuhan mo sa templo ay tutulong sa iyo na maging lalong katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo!
Pag-isipan Ito: Ano ang isang bagay na magagawa mo ngayon para makapaghandang magpunta sa templo?
Mga larawang-guhit ni Alyssa Petersen