“Isang Pakikipag-usap kay Emily tungkol sa Binyag,” Kaibigan, Mayo 2026, 34–35.
Isang Pakikipag-usap kay Emily tungkol sa Binyag
Si Emily ay 9-na-taong-gulang mula sa Sinaloa, Mexico. Tinanong namin siya ng ilang bagay tungkol sa kanyang binyag.
Magkuwento sa amin tungkol sa iyong sarili.
Mahilig akong magpinta, magdrowing, mag-bake ng mga dessert o minatamis, crafting, at magsayaw at kumanta kasama ang mga kapatid ko. Mahilig rin akong pumunta sa rantso ng lolo ko para sumakay ng mga kabayo.
Paano ka makapaghahanda na mabinyagan?
Sa home evening, tinuruan ako ng mga magulang ko tungkol sa pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo. Naghanda rin ako sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at panonood ng mga video tungkol kay Jesucristo. Ang pinaka-nagustuhan ko ay ang video tungkol sa binyag ng Tagapagligtas sa Ilog Jordan. Gustung-gusto ko ang bahaging lumitaw ang puting kalapati, na sumasagisag sa Espiritu Santo.
Nagpraktis din kami ni Itay kung paano kami tatayo sa bautismuhan. Natakot akong ilubog sa ilalim ng tubig, pero itinuro sa akin ng tatay ko kung paano ko itutupi ang tuhod ko, pipisilin ang ilong ko, ipipikit ang mga mata ko, at dahan-dahang hihiga sa kanyang mga bisig. Nagpraktis kami nang husto, at sa araw ng aking binyag, madali ko itong nagawa.
Ano ang espesyal tungkol sa iyong binyag?
Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Nagsalita ang ilan sa mga kapamilya ko, nagdasal, at tumayo bilang mga saksi. Kinanta ko rin ang “Sa Aking Pagkabinyag” sa tulong ng aming pianista sa Primary. Matapos akong mabinyagan, nadama ko na napakalapit ng aking Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Umiyak ako dahil sa tuwa.
Espesyal din ito dahil nagkaroon ako ng ideya na imbitahin ang ilan sa mga kaibigan at kapamilya ko na hindi miyembro ng Simbahan na dumalo sa binyag ko, at pumayag silang dumalo. Isa sa mga kaibigan ko na dumalo ay dumadalo pa rin sa mga aktibidad ng simbahan kasama ng kanyang mga magulang.
Paano mo inaalala ang iyong mga tipan sa binyag?
Sinisikap kong alalahanin ang aking mga tipan sa pamamagitan ng pagsisimba, pagtanggap ng sakramento, at pag-alaala sa Tagapagligtas. Nakadarama ako ng lubos na pasasalamat sa pagkaalam na ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa akin. Nagdarasal din ako araw-araw, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, naglilingkod sa iba, at nagsisikap na maging mabuting tao.
Sa aking mga kaibigan na bibinyagan na, umaasa ako na mas mapapalapit kayo sa Ama sa Langit at madarama ninyo ang Kanyang perpektong pagmamahal!