“Problema sa Kaibigan,” Kaibigan, Enero 2026, 22–23.
Problema sa Kaibigan
Bakit dapat ipagdasal ni Matt si Joseph? Eh, si Joseph ang may ginawang hindi mabuti!
Isang tunay na kuwento mula sa USA.
Sinipa ni Matt ang isang bato habang naglalakad siya pauwi. Hindi niya maintindihan. Bakit ang pangit ng pakiramdam niya?
Nakakasama niya ang kaibigan niyang si Joseph. Pero parang talagang naiinip si Joseph, at umuwi si Matt nang mas maaga kaysa sa plano niya.
Siguro ay iniisip ko lang ito, naisip ni Matt. Siguro hindi lang maganda ang araw ni Joseph.
Kinabukasan pagdating ni Matt sa eskuwela, nakita niya si Joseph na kausap ang isang grupo ng mga kaibigan. Tinawag siya ni Matt at kinawayan. Tumingin si Joseph kay Matt, pero hindi siya kumaway. Muli siyang bumaling sa kanyang mga kaibigan.
Hindi lang ako nakita ni Joseph, sabi ni Matt sa kanyang sarili.
Sa klase noong oras na para gumawa ang grupo, lumapit si Matt kay Joseph. “Gusto mo bang maging magpartner tayo?” tanong ni Matt.
Parang ni hindi siya narinig ni Joseph. “Halika na, Mike,” sabi ni Joseph sa batang nakaupo sa tabi niya. “Halika, doon tayo gumawa.”
Umalis ang dalawang bata. Parang bumigat ang tiyan ni Matt. Halatang may gumugulo sa isip ni Joseph. Pero ano?
Walang maisip si Matt na anumang ginawa niya para magalit si Joseph sa kanya. Siyempre, kung minsa’y magkaiba ang team nila kapag naglalaro ng baseball sa recess. Pero palagi silang nagha-high five pagkatapos. Bakit parang pinipili ni Joseph na sumali sa kabilang team sa lahat ng bagay?
Kahit paano ay makakausap ko si Joseph sa recess, naisip ni Matt.
Sa recess, tumakbo si Matt para sumama sa iba pang mga bata.
“Oy, Joseph!” pagtawag ni Matt. “Puwede ba kitang makausap sandali?”
“Magsisimula na ang laro,” sabi ni Joseph.
“OK, maging outfield tayo para puwede tayong mag-usap,” sabi ni Matt.
“Masyado ka nang huli.” Kumpleto na ang team ko,” sabi ni Joseph habang tumatakbo siya para sumama sa kanyang team.
Nanood si Matt habang nagsisimulang maglaro ang lahat. Ang pagkakaroon ng napakaraming tao ay hindi kailanman nakabahala kay Joseph. Lahat ay palaging welcome.
Pero hindi nadama ni Matt na welcome siya kay Joseph. Bakit ganito ang ikinikilos ni Joseph? Bakit hindi siya ibinibilang nito? Wala namang ginawang mali si Matt!
“Si Joseph ang may ginagawang mali,” sabi ni Matt sa kanyang mga magulang sa hapunan. “Ni ayaw niya akong kausapin at sabihin sa akin kung ano ang ikinagagalit niya!”
“Mukhang mahirap nga iyan,” sabi ni Itay.
Naluluha na si Matt. “Para pong tumigil na lang siya sa pagiging kaibigan ko, at hindi ko alam kung bakit.”
“Ipinagmamalaki kita sa pagsisikap mong kausapin siya tungkol dito,” sabi ni Itay. “Maaari mo sigurong subukang sabihin sa kanya ang nadarama mo at na gusto mong tumulong.”
Nagkibit-balikan si Matt. Sa mga kilos ni Joseph, hindi sigurado si Matt kung makikinig pa sa kanya si Joseph.
Pinisil ni Inay ang kamay ni Matt. “Ipagdarasal ka rin namin, at si Joseph.”
Nang gabing iyon habang naghahanda si Matt para matulog, naisip niya ang sinabi nina Inay at Itay. Ipinagdasal na niya ang kanyang mga kaibigan noon kapag nalulungkot o nahihirapan sila. Pero iba ito, tama ba? Si Joseph ang hindi maganda ang pakikitungo sa kanya.
Kaya bakit ipinagdarasal ng mga magulang ni Matt si Joseph? Dapat din ba niyang ipagdasal si Joseph?
Lumuhod sa tabi ng kanyang kama si Matt. “Ama sa Langit, mahirap pong hindi magalit kay Joseph,” pagdarasal ni Matt. “Alam kong galit siya, pero hindi niya sinabi sa akin kung ano ang bumabagabag sa kanya.”
Tumigil saglit si Matt. “Gusto ko po siyang kausapin, pero hindi ko tiyak kung sasabihin niya sa akin kung ano ang problema. Pakitulungan po Ninyo siya sa anumang bumabagabag sa kanya. At anuman ang mangyari, tulungan po Ninyo akong maging mabait pa rin sa kanya.”
Habang nagdarasal si Matt, nagsimula siyang makadama ng kapayapaan sa kalooban niya. Alam niya na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ang pinakamatalik niyang kaibigan. Matutulungan Nila siyang mahalin si Joseph, anuman ang piliing gawin ni Joseph. At naroon Sila para sa kanya kahit hindi na niya kaibigan si Joseph.
Ngumiti si Matt. Ang pagdarasal para kay Joseph ay mabuting ideya rin naman pala.
Mga larawang-guhit ni Mark Robison