Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19


“Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; John 19,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)

Mga Tulong sa Banal na Kasulatan

Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19

Matapos dakpin si Jesucristo, hinampas, kinutya, at binugbog Siya ng mga Romano. Nalaman ni Pilato na inosente si Jesus, ngunit ipinagsigawan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus. Nagpadaig si Pilato sa panggigipit at hinatulan ang Tagapagligtas na ipako sa krus. Si Jesucristo ay ipinako sa krus sa Golgota sa pagitan ng dalawang magnanakaw. Habang nakabitin Siya sa krus, nanalangin Siya na patawarin ng Ama sa Langit ang mga kawal at hiniling kay Apostol Juan na alagaan ang Kanyang ina. Sa huli, ipinagkatiwala ni Jesus ang Kanyang espiritu sa kamay ng Kanyang Ama at namatay. Inihimlay nina Jose ng Arimatea at Nicodemo ang katawan ni Jesus sa isang libingan.

Resources

Background at Konteksto

Alamin ang Iba Pa

Media

Background at Konteksto

Mateo 27:11

Ano ang alam natin tungkol kay Pilato, ang gobernador na Romano?

Tingnan sa “Juan 18:29. Sino si Pilato?” at “Juan 18:29–36. Bakit dinala ng mga pinunong Judio si Jesus sa harap ni Pilato?

Mateo 27:14, 26, 30, 34–35, 38, 41

Anong mga propesiya ang natupad sa paglilitis at Pagpapako sa Krus kay Jesucristo?

Propesiya

Katuparan ng Propesiya

Isaias 53:7. “Siya’y inapi, at siya’y sinaktan, gayunma’y hindi niya ibinuka ang kanyang bibig.”

Mateo 27:14. “Hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang.”

Isaias 53:5. “Ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.”

1 Nephi 19:9. “Anupa’t kanilang hahagupitin siya, at titiisin niya ito.”

Mateo 27:26. Ang mga kawal na Romano ay “hinagupit” si Jesus.

Isaias 50:6. “Hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.”

1 Nephi 19:9. “Kanilang luluraan siya, at titiisin niya ito.”

Mateo 27:30. “Siya’y kanilang niluraan.”

Mga Awit 69:21. “Binigyan nila ako ng lason bilang pagkain, at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.”

Mateo 27:34. “Kanilang binigyan siya ng alak na may kahalong apdo.”

Mga Awit 22:16. “Binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.”

1 Nephi 19:10. Kanyang “isinuko ang kanyang sarili … na itaas … at ipapako sa krus.”

Mateo 27:35. “Nang siya’y maipako nila sa krus.”

Mga Awit 22:18. “Kanilang pinaghatian ang aking mga kasuotan, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.”

Mateo 27:35. Ang mga kawal na Romano ay “pinaghati-hatian … ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.”

Isaias 53:9, 12. “Ginawa nila ang kanyang libingan na kasama ng masasama, … at ibinilang na kasama ng mga lumalabag.”

Mateo 27:38. “At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya.”

Mga Awit 22:7–8. “Silang lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako … , [sinasabing] ipinagkatiwala niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya, hayaang kanyang sagipin siya.”

Mateo 27:41, 43. “Nilibak siya ng mga punong pari, … nagsasabi, … nagtiwala siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon.”

Mga Awit 22:1. “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Mateo 27:46. “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Mga Awit 34:20. “Lahat nitong mga buto ay iniingatan niya, sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.” (Tingnan din sa Exodo 12:46.)

Juan 19:33. “Ngunit nang dumating sila kay Jesus at makitang patay na, ay hindi na nila binali ang kanyang mga binti.”

Zacarias 12:10. “Sila’y tumingin sa akin na kanilang inulos.”

Juan 19:34. “Subalit tinusok ng sibat ng isa sa mga kawal ang kanyang tagiliran.”

Isaias 53:9. “Ginawa nila ang kanyang libingan na … kasama ng isang lalaking mayaman sa kanyang kamatayan.”

Mateo 27:57, 59-60. “Isang mayamang mula sa Arimatea … ibinalot [ang katawan ni Jesus] ng isang malinis na telang lino, at inilagay sa kanyang bagong libingan.”

Mateo 27:15-21

Paano tinupad ng pagpapalaya kay Barabas ang batas ni Moises?

(Ihambing sa Marcos 15:7–11; Lucas 23:18–25; Juan 18:39–40.)

Ayon sa sinaunang bersyong Griyego ng Mateo 27:16–17, ang unang pangalan ni Barabas ay Jesus. Ang literal na kahulugan ng pangalang Barabas ay “anak ng ama.” Pinili ng galit na galit na mga tao si Jesus Barabas kaysa kay Jesucristo—ang literal na Anak ng Ama. Ang pagpapalaya kay Barabas ay katuparan ng ritwal ng pagbubunton ng sisi na isinasagawa sa Araw ng Pagbabayad-sala. Ayon sa batas ni Moises, sa Araw ng Pagbabayad-sala ay pumipili ang mataas na saserdote ng dalawang kambing. Ang isang kambing ang pambunton ng sisi at at pinapalaya nang buhay sa ilang, at ang isa pang kambing ay pinapatay bilang handog pangkasalanan sa Panginoon. Tinupad ni Barabas ang tungkulin ng pinagbubuntunan ng sisi. Ginampanan ng Manunubos ang tungkulin ng ikalawang kambing noong ialay Niya ang Kanyang buhay upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng tao.

Mateo 27:22–50

Ano ang nalalaman natin tungkol sa pagpapako sa krus?

(Ihambing sa Marcos 15:22–37; Lucas 23:26–46; Juan 19:17–30.)

Ang pagbitay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ay parusa para sa iba’t ibang krimen, kabilang na ang politikal na rebelyon. Tinawag ng sinaunang Judiong historyador na si Josephus ang pagpapako sa krus na “pinakamiserableng kamatayan.” “Ang taong ipapako sa krus ay kadalasang pinagpapasan muna ng sarili niyang krus sa lugar ng pagbitay.” Ang tao ay madalas na hinuhubaran ng kanyang damit. Pagkatapos ay itinatali o ipinapako ng berdugo ang biktima sa krus gamit ang mga lubid o pako o pareho sa dalawa. Bagama’t ang mga sugat na nagmula sa mga pako ay nagdudulot ng matinding sakit, hindi ito ang pumapatay sa tao. Karaniwan, ang kamatayan ay bunga ng “pinagsamang gutom, pagkabigla, uhaw, impeksyon, pagkapagod, at pagkakabilad.” Maaaring magdusa ang tao sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw bago siya mamatay.

Mateo 27:24

Bakit naghugas ng kanyang kamay si Pilato?

Alam ni Pilato na inosente si Jesucristo sa mga paratang laban sa Kanya. Maging ang asawa ni Pilato ay nagbabala kay Pilato tungkol sa kawalang-sala ni Jesucristo. Upang linisin ang kanyang sarili sa responsibilidad ng pagkondena sa isang inosenteng tao, naghugas ng kamay si Pilato. May ganito ring kaugalian sa batas ni Moises. Kaya nga, nang hugasan ni Pilato ang kanyang mga kamay, ipinararating niya na inosente siya sa paraang mauunawaan ng mga pinuno ng Judio. Gayunman, hindi matatakasan ni Pilato ang kanyang responsibilidad dahil lamang naghugas siya ng kamay. Sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Ang bagong hugas na mga kamay ni Pilato ay mas lalong nadungisan at narumihan.”

Naghugas ng kanyang mga kamay si Pilato sa desisyong ipako sa krus si Jesucristo

Mateo 27:25

Sino ang may pananagutan sa kamatayan ng Tagapagligtas?

Ang Pagpapako sa Krus kay Jesucristo ay isinagawa ng isang maliit na grupo ng mga pinunong Judio sa pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng Roma. Mahalagang tandaan na sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa, maraming Judio ang naniwala kay Jesucristo.

Mateo 27:26

Ano ang paghagupit?

(Ihambing sa Marcos 15:15; Juan 19:1.)

Ang paghagupit, o paghampas, ay isang pagpaparusa ng mga Romano na naglalayong pahinain ang isang tao bago ipako sa krus. Ang latigo ay gawa sa mga lubid na katad na may maliliit na piraso ng metal o buto na nakakabit sa mga ito. Ang taong hinatulan ay itinatali sa isang haligi at paulit-ulit na nilalatigo. Ang unang hataw ay nagdudulot ng pagpunit ng balat. Ang paulit-ulit na paghataw ay nagdudulot ng pagkapunit ng mga kalamnan ng buto. Nagdudulot ito ng matinding sakit at pagkawala ng dugo. “Ang ideya ay pahinain ang biktima sa punto na kulang na lamang mawalan ito ng malay o mamatay. Karaniwan na may halong panlalait at pangungutya ang pamamaraang ito.”

Mateo 27:28–29

Paano kinutya ng mga sundalong Romano si Jesucristo?

(Ihambing sa Marcos 15:17–18; Juan 19:2–3.)

Ang mga sundalong Romano ay gumamit ng mga simbolo ng mga maharlika upang kutyain si Jesucristo bilang hari ng mga Judio. Ayon sa mga salaysay na matatagpuan sa Marcos, Juan, at sa Pagsasalin ni Joseph Smith, binigyan nila Siya ng isang kulay lilang balabal na isusuot. Ang kulay lila ay sumisimbolo sa pagiging maharlika. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong ito sa ulo ni Jesus. Naglagay rin sila ng tambo, o tungkod, sa Kanyang kanang kamay, na kunwari’y isang setro ito.

Mateo 27:37

Ano ang kahalagahan ng titulong isinulat ni Pilato sa krus?

(Ihambing sa Juan 19:19.)

Kaugalian ang paglalagay ng karatula sa ulunan ng akusado sa krus. Sa karatula nakasulat ang kanilang pagkakasala. Mababasa sa karatulang ipinaskil sa krus sa may ulunan ni Jesus ang mga salitang “Si Jesus ng Nazaret, ang Hari ng mga Judio” sa Griyego, Latin, at Hebreo. Mababasa ng lahat ng dumaraan ang opisyal na pahayag na ito at malalaman na si Jesus, ang “Hari ng mga Judio,” ay ipinako sa krus. Sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, “Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.” Magpapahiwatig ang pagbabagong ito ng kanilang paniniwala na si Jesus ay hindi hari ng mga Judio bagama’t sinasabi Niyang Siya nga. Hindi pinansin ni Pilato ang kahilingan nilang baguhin ang mga salita sa karatula.

Mateo 27:45

Anong oras sa maghapong iyon natabunan ng kadiliman ang lupain?

Nasa “Ikatlo na ang oras” ng araw, o mga alas 9:00 n.u., nang ipako sa krus si Jesucristo. Itinala ni Mateo na “nagdilim sa buong lupain” mula sa ikaanim na oras (mga 12:00 ng tanghali) hanggang sa ikasiyam na oras (mga alas 3:00 n.h.), nang mamatay ang Tagapagligtas.

Mateo 27:46

Bakit nadama ni Jesus na pinabayaan Siya?

Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland:

“Para maging ganap ang pinakadakilang sakripisyong iyon ng Kanyang Anak yamang ginawa iyon nang kusang-loob at mag-isa, saglit na binawi ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya. … Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala, kinailangan Niyang malaman kung ano ang pakiramdam nang mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa.

“Ngunit si Jesus ay nagtiis. Nagpatuloy Siya. Ang kabutihang nasa Kanya ang nagtulot upang magtagumpay ang pananampalataya kahit ganap ang pagdurusa. … Dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon.”

Mateo 27:51

Ano ang kahalagahan ng pagkapunit ng tabing sa templo?

(Ihambing sa Marcos 15:38; Lucas 23:45.)

tabing ng isang sinaunang templo

Ang Kabanal-banalang Dako ang pinakasagradong silid sa sinaunang templo at hinihiwalay ito ng isang tabing. Ang silid na ito ay sumisimbolo sa presensya ng Diyos. Minsan sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay dumaraan sa tabing ng templo at pumapasok sa Kabanal-banalang Dako. Iwiniwisik niya ang dugo ng handog para sa kasalanan sa altar upang tubusin ang mga kasalanan ng buong kongregasyon ng Israel.

Noong ang tabing ng templo ay “napunit sa dalawa,” o nahati sa dalawa, sa kamatayan ni Jesucristo, ito ay isang dramatikong simbolo ng naisakatuparan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Itinuro ni Apostol Pablo na tulad ng napunit na tabing ng templo na simbolikong pagpapahintulot sa pagpasok sa Kabanal-banalang Dako, ang napunit na laman ni Jesucristo ang siya namang nagbubukas ng daan para sa atin patungo sa kinaroroonan ng Ama sa Langit.

Mateo 27:52–53

May nabuhay na mag-uli na ba bago si Jesucristo?

Hindi alam kung bakit ang mga talata tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli sa Mateo 27 ay inilagay sa teksto kung saan ito naroon. Nilinaw sa talata 53 na ang mga pagpapakita ng mga nabuhay na mag-uling nilalang na ito sa Jerusalem ay naganap “pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli [ni Cristo].” Ang ibang mga talata sa banal na kasulatan ay nagpapatunay na si Jesucristo ang unang nabuhay na mag-uli. Itinuro ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Abinadi na ang yaong mga nabuhay na mag-uli sa panahon ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay mga propeta at mga taong sumunod sa mga utos ng Diyos.

Marcos 15:1–2

Ano ang kahalagahan ng pagpapakilala kay Jesus bilang isang hari kay Pilato?

(Ihambing sa Lucas 23:1–3.)

Tingnan sa “Mateo 26:59–68. Ano ang kahalagahan sa paratang na kalapastanganan?

Lucas 23:4–12

Sino si Herodes Antipas?

Si Herodes Antipas ay anak ni Herod the Great, na siyang nag-utos na patayin ang mga bata sa Bethlehem. Nakiapid si Herodes Antipas sa asawa ng kanyang kapatid na si Filipo at pinakasalan ito. Nang mabalitaan ni Juan Bautista ang kasal na ito, sinabi niya na ito ay labag sa batas. Ipinapatay ni Herodes si Juan Bautista. Nauna nang tinawag ni Jesus si Herodes na “asong gubat,” na nagpapahiwatig ng mapanlinlang na pagkatao ni Herodes. Napuna ni Elder James E. Talmage, “Sa pagkakaalam natin, si Herodes … ang tanging nilalang na nakita si Cristo nang harapan at kumausap sa Kanya, ngunit hindi kailanman narinig ang Kanyang tinig.”

Lucas 23:31

Ano ang kahulugan ng punongkahoy na sariwa at ng punongkahoy na tuyo?

Ang punongkahoy na sariwa ay kumakatawan sa mortal na ministeryo ni Jesucristo sa lupa. Ang punongkahoy na tuyo ay kumakatawan sa panahon matapos mamatay ang Tagapagligtas. Idinagdag ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang sumusunod na kaalaman: “Ano ang gagawin sa punongkahoy na tuyo? Ito ang kanyang sinabi, na nagpapahiwatig ng pagkalat ng Israel, at ng kapahamakan ng mga pagano, o sa madaling salita, ng mga Gentil.” Ipinahihiwatig ng talatang ito na kung ang mga mang-aapi sa mga Judio ay makagagawa ng mga bagay na gayon kasasama sa panahong kasama nila si Jesus, gagawa sila ng mas masahol pang mga bagay pagkatapos Niyang mawala.

Lucas 23:34

Sino ang tinutukoy ni Jesus na patawarin nawa ng Ama?

Nililinaw ng Pagsasalin ni Joseph Smith na hiniling ng Tagapagligtas sa Ama na patawarin ang mga sundalong Romano na nagpako sa Kanya sa krus.

Lucas 23:42–43

Sumama ba ang magnanakaw kay Jesus sa paraiso?

Nilinaw ni Propetang Joseph Smith na ang ibig sabihin ng Panginoon ay makakasama Niya ang magnanakaw sa mundo ng mga espiritu sa halip na sa paraiso ng mga espiritu. Mula sa makabagong paghahayag nalaman natin na pumapasok sa daigdig ng mga espiritu ang lahat ng namamatay. Ang mabubuti at nabinyagan ay nananahan sa kalagayan ng paraiso, samantalang ang masasama at ang yaong mga hindi tumanggap ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay nananahan sa bilangguan ng mga espiritu. Ang mga nasa bilangguan ng mga espiritu ay may mga pagkakataong maturuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, magsisi ng kanilang mga kasalanan, at tumanggap ng mga ordenansa sa pamamagitan ng gawaing isinasagawa natin sa mga templo. Kung tatanggapin nila ang ebanghelyo, makaaalis sila sa bilangguan ng mga espiritu at maninirahan sa paraiso.

Juan 19:30

Ano ang kahalagahan sa pahayag ng Tagapagligtas na, “Natapos na”?

(Ihambing sa Mateo 27:50; Lucas 23:46.)

Itinuro ni Elder Robert D. Hales: “Mula pa noong bago likhain ang daigdig hanggang sa mga huling sandali sa krus, isinakatuparan ng Tagapagligtas ang gawain ng Kanyang Ama. Tinapos Niya ang gawaing isinugo sa Kanyang gawin. Samakatwid, hindi na tayo nagtataka kung sino ang kinakausap Niya nang, nasa krus, ‘sabi niya, Naganap na,’ [Juan 19:30] at ‘sumigaw … [sa] malakas na tinig, … Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking Espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga’ [Lucas 23:46]. Alam nating Siya ay nananalangin sa Kanyang Ama sa Langit.” Idinagdag pa ng Pagsasalin ni Joseph Smith, “Si Jesus, nang muling sumigaw sa malakas na tinig, sinasabing, Ama, natapos na, ang iyong kalooban ay naganap na, ay nalagot ang hininga.” Ang pahayag na ito ay nagpapahiwatig na kusang isinuko ni Jesucristo ang Kanyang buhay.

Alamin ang Iba Pa

Ang Krus

  • Jeffrey R. Holland, “Itinaas sa Krus,” Liahona, Nob. 2022, 77–80

  • Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 86–88

  • Gordon B. Hinckley, “The Symbol of Our Faith,” Ensign, Abr. 2005, 3–6

Ang Sakripisyo ng Tagapagligtas

Media

Mga Video

Jesus Is Scourged and Crucified” (4:59)

4:45

Jesus Is Laid in a Tomb” (3:44)

3:45

Mga Larawan

Ang mga tao ay hinayaang magpasiya ni Pilato sa kapalaran ni Cristo
si Jesucristo na nakapako sa krus

The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson

Si Cristo na nakapako sa krus sa pagitan ng dalawang lalaki habang sina Maria at Juan ay nakatingin sa Kanya

Crucifixion [Pagpapako sa Krus], ni Louise Parker

Mga Tala

  1. “Ang literal na ibig sabihin ng katagang Barabbas ay ‘anak [Aramaiko, bar] ng ama [Aramaiko, abba].’ Si Jesus ay tunay at literal na Anak ng Ama” (Andrew C. Skinner, “The Life of Jesus of Nazareth: An Overview,” sa New Testament History, Culture, and Society: A Background to the Texts of the New Testament, pat. Lincoln H. Blumell [2019], 269).

  2. Tingnan sa Levitico 16:8–10; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ayuno, Pag-aayuno.”

  3. Gaye Strathearn, “The Crucifixion,” sa Blumell, New Testament History, Culture, and Society, 360.

  4. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapako sa Krus,” Gospel Library. Tingnan din sa Juan 19:16–17; Strathearn, “The Crucifixion,” 361.

  5. Tingnan sa Mateo 27:35. “Sa ilang mga kaso, sa pagsisikap na paigtingin ang kahihiyan ng parusa, ang biktima ay ipinapako sa krus nang hubad” (Strathearn, “The Crucifixion,” 362).

  6. Tingnan sa Strathearn, “The Crucifixion,” 361.

  7. Gerald N. Lund, “What the Atoning Sacrifice Meant for Jesus,” sa My Redeemer Lives!, pat. Richard Neitzel Holzapfel at Kent P. Jackson (2011), 34; tingnan din sa Strathearn, “The Crucifixion,” 364–65.

  8. Tingnan sa Harold W. Attridge at iba pa, mga pat., The HarperCollins Study Bible: New Revised Standard Version, Including the Apocryphal/Deuterocanonical Books (2006), 1718, Matthew 27:24, footnote b. Tingnan din sa Mateo 27:23.

  9. Tingnan sa Mateo 27:19.

  10. Tingnan sa Deuteronomio 21:6–7.

  11. Tingnan sa D. Kelly Ogden at Andrew C. Skinner, Verse by Verse: The Four Gospels (2006), 635.

  12. Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 86.

  13. Tingnan sa Mateo 26:3–5; 27:20.

  14. Tingnan sa Juan 2:23; 7:40; 8:30; 10:42; 11:45–48; 12:11, 42.

  15. Tingnan sa Attridge at iba pa, The HarperCollins Study Bible, 1849, tala para sa Juan 19:1.

  16. Tingnan sa Fleming Rutledge, The Crucifixion: Understanding the Death of Jesus Christ (2015), 94.

  17. Richard Neitzel Holzapfel, “The Passion of Jesus Christ,” sa Sperry Symposium Classics: The New Testament, pat. Frank F. Judd Jr. at Gaye Strathearn (2006), 182.

  18. Rutledge, The Crucifixion: Understanding the Death of Jesus Christ, 94.

  19. Tingnan sa Marcos 15:17; Juan 19:2; Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 27:30 (sa Matthew 27:28, footnote a).

  20. Tingnan sa “The Atonement of Jesus Christ: Insights from the Joseph Smith Translation,” Ensign, Abr. 2014, 55.

  21. Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ (1981), 656–57.

  22. Juan 19:21.

  23. Tingnan sa Juan 19:22.

  24. Marcos 15:25.

  25. Mateo 27:45.

  26. Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 87–88.

  27. Tingnan sa Levitico 16.

  28. Mateo 27:51.

  29. Tingnan sa Hebreo 10:12, 19–22.

  30. Mateo 27:53; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  31. Tingnan sa Mga Gawa 26:23; 1 Corinto 15:20; Apocalipsis 1:5.

  32. Tingnan sa Mosias 15:21–22; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:38–52.

  33. Tingnan sa Mateo 2:16.

  34. Tingnan sa Marcos 6:18.

  35. Lucas 13:32.

  36. James E. Talmage, Jesus the Christ636.

  37. Joseph Smith Translation, Luke 23:31–32 (sa Luke 23:31, footnote b); ang italiko ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.

  38. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 23:35 (sa Luke 23:34, footnote c).

  39. Discourse, 11 June 1843–A, ayon sa Ulat ni Wilford Woodruff, 44, josephsmithpapers.org.

  40. Tingnan sa Alma 40:11–14.

  41. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:32–34.

  42. Robert D. Hales, “Pagkakaroon ng Patotoo sa Diyos Ama; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2008, 31.

  43. Joseph Smith Translation, Matthew 27:54 (sa Matthew 27:50, footnote c); ang italiko ay nagpapahiwatig ng pagbabago sa teksto.