“Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Mga Tulong sa Banal na Kasulatan: Bagong Tipan (2024)
Mga Tulong sa Banal na Kasulatan
Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21
Sa Jerusalem, itinuro ni Jesus ang talinghaga tungkol sa masasamang magsasaka. Itinuro din niya kung ano ang dapat nating ibigay sa Diyos, ang dalawang dakilang utos, at ang mga kusing ng balo. Sa Bundok ng mga Olibo, ipinropesiya ng Tagapagligtas ang pagkawasak ng Jerusalem at itinuro kung anong mga palatandaan ang mangyayari bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Ibinahagi Niya ang mga talinghaga tungkol sa sampung birhen, mga talento, at mga tupa at kambing upang turuan ang Kanyang mga disipulo kung paano maghanda para sa Kanyang pagbabalik.
Resources
Tandaan: Ang pagbanggit ng isang source na hindi inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagpapahiwatig na ito o ang may-akda nito ay inendorso ng Simbahan o kumakatawan sa opisyal na posisyon ng Simbahan.
Background at Konteksto
Ano ang matututuhan natin mula sa Joseph Smith—Mateo?
Habang ginagawa ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia, mas marami pang pagbabago ang ginawa ni Propetang Joseph Smith sa Mateo 24 kaysa sa iba pang kabanata sa Bagong Tipan. Ang rebisyong ito ay kilala bilang Joseph Smith—Mateo at matatagpuan sa Mahalagang Perlas.
Sa Mateo 24 ipinropesiya ng Tagapagligtas ang tungkol sa dalawang pangyayari: (1) ang pagkawasak ng Jerusalem at (2) ang mga pangyayaring magaganap bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Sa salaysay ni Mateo, maaaring mahirap matukoy kung aling mga talata ang naglalarawan sa bawat pangyayari. Sa kabilang banda, ang Joseph Smith—Mateo ay nagbigay ng malinaw na pagkakaiba sa dalawang pangyayari. Inilarawan sa Joseph Smith—Mateo 1:5–21 ang mga mangyayari pagkatapos mamatay ang Tagapagligtas, at ang talata 22–55 ay naglalarawan ng mga pangyayaring magaganap sa mga huling araw, bago ang Kanyang Ikalawang Pagparito.
Ang ilang parirala ay nakasaad nang isang beses sa King James Version ngunit dalawang beses itong inulit sa Joseph Smith—Mateo. Gayundin, ang Joseph Smith—Mateo 1:55 ay walang kaugnay na talata sa Mateo 24.
Kailan naganap ang ipinropesiyang pagkawasak ng templo?
(Ikumpara sa Mateo 24:1–3.)
My Father’s House [Bahay ng Aking Ama], ni Al Rounds
The Destruction of Jerusalem by Nebuzar-adan [Ang Pagkawasak ng Jerusalem ni Nebuzar-adan], ni William Brassey Hole
Ipinropesiya ng Tagapagligtas na wawasakin ang templo. Ang propesiyang ito ay natupad noong AD 70. Matapos ang ilang buwan ng matinding labanan ng mga rebeldeng Judio at ng hukbong Romano, ang mga rebelde ay kumanlong sa loob ng mga pader ng Jerusalem. Kinubkob ng mga Romano ang lungsod. Inilarawan ng sinaunang Judiong historyador na si Josephus ang kakila-kilabot na pagkubkob at isinulat na ang mga naninirahan sa Jerusalem ay “nawalan ng lahat ng pag-asa na makaligtas.” Sa ilalim ng pamamahala ng Romanong gobernador na si Titus, pinasok ng hukbong Romano ang lungsod. Sinunog ng hukbo ang templo at ikinalat ang natitirang mga bato. Tinatayang isang milyong Judio ang nasawi sa labanan.
Ano ang “katapusan ng daigdig”?
(Ikumpara sa Mateo 24:3.)
“Ang katapusan ng daigdig” gaya ng inilarawan sa Joseph Smith—Mateo 1:14 ay tumutukoy sa katapusan ng kasamaan. Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith, “Ayon sa lengguahe [ng Tagapagligtas], ang katapusan ng mundo ay kapahamakan ng masasama; ang pag-aani at katapusan ng mundo ay tuwirang pagtukoy sa pamilya ng tao sa mga huling araw, sa halip na sa daigdig, na tulad ng pakiwari ng marami.”
Joseph Smith—Mateo 1:12–20, 31–32
Ano ang “karumal-dumal na pagkawasak”?
(Ikumpara sa Mateo 24:15–22.)
Ipinropesiya ng propetang si Daniel sa Lumang Tipan “ang isang araw na magkakaroon ng ‘kasuklamsuklam ng pagkawasak’ [Daniel 11:31; 12:11].” Ito ay tumutukoy sa mga kalagayan ng kapahamakan na darating dahil sa kasamaan. Naunawaan ng mga Kristiyano na ang propesiya ni Daniel ay unang natupad nang winasak ng mga Romano ang Jerusalem noong AD 70. Ang ikalawang katuparan ng propesiya ni Daniel ay magaganap kapag ang masasama ay nalipol sa panahon ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
“Sa isang pangkalahatang kahulugan, ang karumal-dumal o kasuklamsuklam na pagkawasak ay naglalarawan din ng mga paghatol sa mga huling araw na ibubuhos sa masasama saanman sila naroroon.” Mula sa simula ng dispensasyong ito, tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod upang balaan ang lahat ng tao tungkol sa mga paghatol na darating sa mga huling araw.
Sino ang mga “hinirang ayon sa tipan”?
Ang terminong hinirang ay tumutukoy sa yaong “mga nagmamahal sa Diyos nang buo nilang puso at namumuhay sa pamamaraang nakasisiya sa Kanya.” Sa Joseph Smith—Mateo, ang “mga hinirang ayon sa tipan” ay tumutukoy sa mga nakipagtipan sa Diyos—mga nabinyagang miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas.
Ano ang kinakatawan ng mga buwitre na nagtitipon sa bangkay?
(Ihambing sa Mateo 24:28.)
Sa talatang ito, ang mga buwitre () na nagtitipon sa isang bangkay ay ikinukumpara sa pagtitipon ng Israel. “Ang paraan ng pagtitipon, sabi sa atin, ay magiging mahimala at mahiwagang paraan tulad ng pagtitipon ng mga agila o buwitre sa isang bangkay na nakahandusay sa disyerto—biglang magsisidating ang mga ito sa apat na sulok ng kalangitan at magsasama-sama mula sa malalayong lugar patungo sa iisang lugar na iyon.”
Ano ang “palatandaan ng Anak ng Tao”?
(Ikumpara sa Mateo 24:30.)
Sa pagsasalita tungkol sa mga pangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, ipinropesiya ni Propetang Joseph Smith: “Magkakaroon ng mga digmaan at mga alingawngaw ng digmaan, mga palatandaan sa kalangitan sa itaas at sa lupa sa ilalim, magdidilim ang araw at magkukulay-dugo ang buwan, lilindol sa iba’t ibang dako, ang mga dagat na aalon nang lampas sa mga hangganan nito; pagkatapos ay lalabas ang isang dakilang palatandaan ng Anak ng Tao sa langit. Subalit ano ang gagawin ng mundo? Sasabihin nila na ito ay isang planeta, isang bulalakaw, at kung anu-ano pa. Subalit ang Anak ng Tao ay darating bilang palatandaan ng pagdating ng Anak ng Tao, na magiging tulad ng liwanag ng umaga na lumabas mula sa silangan [tingnan sa Joseph Smith—Mateo 1:26].”
Paano natin malalaman kung malapit na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
(Ikumpara sa Mateo 24:36.)
Ginamit ni Jesucristo ang talinghaga tungkol sa puno ng igos para talakayin ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Ang puno ng igos ay “isa sa mga pinakaunang puno na nagpapakita ng mga usbong [fruitbuds] nito bago ang mga dahon; kaya ang isang puno ng igos na may mga dahon ay inaasahang may mga bunga rin. … Ang panahong lumilitaw ang mga dahon ay nagpapahiwatig na ang tag-init ay ‘malapit na’ [Joseph Smith—Mateo 1:38–39].” Hindi ibinigay ni Jesus ang eksaktong araw o oras kung kailan Siya babalik. Ngunit sa paghahalintulad sa puno ng igos, itinuro Niya na babalik Siya sa panahong naroroon ang mga ipinangakong palatandaan.
Mateo 25:1–12
Ano ang maituturo sa atin ng mga kaugalian sa kasal sa Bagong Tipan sa talinghaga tungkol sa sampung birhen?
Noong panahon ng Bagong Tipan, sa araw ng kasal, tradisyonal na inihahatid ng kanilang mga kaibigan ang mga ikakasal sa bahay ng lalaki. Madalas na pinipili ng mga kasama sa kasal ang pinakamahabang paglalakbay papunta sa bahay ng lalaking ikakasal para mas maraming tao ang makakita ng prusisyon at makidiwang sa kanila. May mga taong maghihintay sa bahay ng lalaki, na inaasahan ang pagdating ng “grupo sa mahabang paglilibot nito.” Ang ilang tao sa prusisyon ay magdadala ng mga sulo o ilawan; ang iba ay magdadala ng mga sanga at bulaklak ng myrtle. Pagkarating ng prusisyon sa bahay ng lalaking ikakasal, karaniwang may piging na idinaraos. Ito ay isang okasyon na ginaganap nang may malaking pagdiriwang.
Sa talinghaga ng sampung birhen, ang prusisyon ng kasal na ito ay nangyari sa gabi. Naghihintay ang sampung birhen na salubungin ang babae at lalaking ikakasal. Bawat isa sa kanila ay may dala-dalang ilawan. Ang mga kababaihan ay nagdadala ng mga ilawan sa gabi para sa personal na kaligtasan at upang mapanatili ang kanilang reputasyon. “Hindi katanggap-tanggap” na ang isang babaeng walang asawa ay lumabas sa dilim na walang dalang ilawan. Dahil hindi alam kung kailan darating ang prusisyon sa bahay ng lalaking ikakasal, kailangan ng bawat babae na magkaroon ng reserbang langis para sa kanyang ilawan.
Sa pagtukoy sa paglalarawan ng talinghagang ito, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Inanyayahan ang sampu[ng birhen] sa kasalan, ngunit kalahati lang sa kanila ang may handang langis sa kanilang ilawan nang dumating ang kasintahang lalaki. Ang limang nakahanda ay nakapasok sa kasalan, at isinara na ang pinto. Ang limang naantala sa paghahanda ay nahuli. Sarado na ang pinto, at ayaw na silang papasukin ng Panginoon. … Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating [siya].”
Mateo 25:8–12
Bakit hindi nagbigay ang matatalinong birhen ng kanilang langis sa mga hangal na birhen?
Ang ginawa ng matatalinong birhen ay nagpapahiwatig na ang paghahanda ng isang tao na salubungin ang Tagapagligtas ay hindi maaaring ilipat sa iba. Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang matatalino bang dalaga ay sakim at ayaw magbigay, o tama lang na ipinapahiwatig nila na ang langis ng pagbabalik-loob ay hindi maaaring hiramin … ? Ang espirituwal na kalakasan ba na bunga ng pagkamasunurin sa tuwina sa mga kautusan ay maaaring ibigay sa ibang tao? Ang kaalaman ba na nakamtan sa masigasig na pag-aaral at pagninilay ng mga banal na kasulatan ay maaaring ibigay sa isang taong nangangailangan? Ang kapayapaan bang hatid ng ebanghelyo sa matapat na Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ilipat sa isang taong dumaranas ng hirap o malaking hamon? Ang malinaw na sagot sa bawat isa sa mga tanong na ito ay hindi.”
Mateo 25:14–30
Ano ang itinuturo ng talinghaga ng mga talento tungkol sa Ikalawang Pagparito?
(Ikumpara sa Lucas 19:11–27.)
Sa talinghaga ng mga talento, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang panginoon na nagbigay ng ilang talento sa tatlong alipin. Ang talento ay isang yunit ng timbang at tumutukoy sa pera. Sa madaling salita, ipinagkatiwala sa mga alipin ang mga gawain ng panginoon. Ang mga alipin ay hinatulan ayon sa ginawa nila sa mga talentong natanggap nila. Sa konteksto ng paghahanda para sa Ikalawang Pagparito, ang mga talento ay “kumakatawan sa anumang pangangasiwa na ipinagkatiwala sa atin at dapat nating pag-ibayuhin upang makatulong sa pagtatayo ng kaharian.” Ipinahayag ni Pangulong Lorenzo Snow, “Pananagutan mo sa Diyos ang tapat na paggamit ng talentong ipinagkatiwala sa iyo, malaki man iyon o maliit.”
Mateo 25:31–46
Sino ang kinakatawan ng mga tupa at mga kambing?
Noong panahon ng Biblia, ang mga kawan ay maaaring binubuo ng mga tupa at mga kambing. Sa talinghagang ito, ang paghihiwalay ng mga tupa at mga kambing ay kumakatawan sa paghuhukom na magaganap sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang mga tupa ay kumakatawan sa matatapat na disipulo na naglingkod sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga nangangailangan. Ang mga ito ay tatanggap ng isang lugar sa kanang kamay ng Hari, na kumakatawan sa isang lugar ng karangalan at kapangyarihan. Sa kabilang banda, ang mga kambing ay kumakatawan sa mga taong hindi naglingkod sa Tagapagligtas dahil hindi sila naglingkod sa mga nangangailangan. Nagulat sila nang hatulan sila sa mga kasalanan na bunga ng hindi nila paggawa ng mga bagay na dapat sana nilang ginawa. Ilalagay sila sa kaliwang kamay ng Hari, na nagpapahiwatig na sila ay hindi kinalulugdan.
Marcos 12:41–44
Ano ang kusing?
(Ikumpara sa Lucas 21:1–4.)
Magkabilang panig ng isang lepton, isang tansong barya na ginawa sa siglo bago ang ministeryo ng Tagapagligtas
Ang dalawang kusing na inihulog ng balo sa kabang-yaman ng templo ay maliliit na barya ng mga Judio (mga lepton). Ang dalawang kusing ay katumbas ng isang sentimo (quadrans) ng Roma—ang pinakamaliit na barya sa Roma. Ang halaga ng dalawang kusing ay nagkakahalaga ng ¹⁄⁄₆₄ ng araw-araw na sahod ng isang manggagawa.
Lucas 21:24
Ano ang “mga panahon ng mga [G]entil”?
Ang pariralang ito ay minsan lamang lumitaw sa Biblia. Ang mga pagkakaiba-iba ng pariralang ito ay maraming beses na lumitaw sa banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik. Sa panahon ng Bagong Tipan, ang ebanghelyo ay ipinangaral muna sa mga Judio at pagkatapos ay sa mga Gentil. Sa mga huling araw na ito, ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay unang dinala sa mga bansang Gentil at sa huli ay dadalhin sa mga Judio. Ang panahong ito na ang mga Gentil ay nauuna sa pagtanggap ng ebanghelyo ay tinatawag na “mga panahon ng mga Gentil.”
Alamin ang Iba Pa
Ang Ikalawang Pagparito
-
Amy A. Wright, “Mananatili sa Araw na Yaon kay Cristo,” Liahona, Nob. 2023, 9–12
-
Neil L. Andersen, “Higit na Paglapit sa Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2022, 73–76
-
D. Todd Christofferson, “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2019, 81–84
Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen
-
David A. Bednar, “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 106–9
Talinghaga tungkol sa mga Talento
-
Gérald Caussé, “Ang Ating Tungkuling Pangalagaan ang Mundo,” Liahona, Nob. 2022, 57–59
Media
Mga Video
“Render unto Caesar and unto God” (1:01)
“Jesus Teaches about the Widow’s Mites” (1:14)
“The Ten Virgins” (1:45)
“The Parable of the Talents” (3:08)
“Ye Have Done It unto Me” (3:20)
Mga Larawan
He Comes Again to Rule and Reign [Siya ay Pumaritong Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary Sauer
Christ the Consolator [Si Cristo na Mang-aaliw], ni Carl Heinrich Bloch
The Second Coming [Ang Ikalawang Pagparito], ni Harry Anderson
Five of Them Were Wise [Lima sa Kanila’y Matatalino], ni Walter Rane