2025
Ang Karanasan Namin sa FSY
Hunyo 2025


Mensahe Ng Area

Ang Karanasan Namin sa FSY

Nang tawagin kami bilang Session Directing Couple (SDC) para sa FSY NaCoLayan (Naic, Bacoor, Balayan), dumalo kami roon nang may mapanalanging puso at matinding hangarin na matuto.

Sa pakikipag-usap sa dating mga SDC, natuklasan namin na bawat FSY, organisado man o naharap sa hindi inaasahang mga hamon, ay maganda pa rin ang nagiging resulta: nabago ang mga buhay, lumalim ang patotoo, at lumakas ang pananampalataya kay Jesucristo.

Nang simulan namin ang aming FSY session, kaagad naming nakita ang pagkakaiba-iba ng mga kabataan at lider.

Ang magkakaibang mga personalidad, background, at karanasan ay nagdala ng natatanging mga pananaw at, kung minsan, ng pagkakaiba-iba.

Gayunpaman, sa buong linggo, nakita naming nahayag ang isang sagradong bagay: ang himala ng pagmamahal ng Tagapagligtas. Tulad ng nakasaad sa 3 Nephi 5:13, ang mga kabataan at lider ay nagsimulang taglayin sa kanilang sarili ang pagiging disipulo ni Jesucristo, naghahanap ng pagkakatulad nila na natagpuan nila hindi sa pagkaiba-iba nila kundi sa iisang hangarin nila na sumunod sa Kanya.

Sa simula, maraming kabataan ang dumating nang nag-aatubili. Ang ilan ay dumalo lamang nang hindi inaasahan, hindi tiyak kung ano ang mapapala nila. Ngunit ang balanseng mga programa ng FSY, ang mga debosyonal, klase, aktibidad, at araw- araw na pagkakataon na madama ang Espiritu ay lumikha ng isang kalagayan kung saan naging possible ang pagbabago.

Nakakita kami ng mga kabataang lalaki at babae na minsang lumayo sa Simbahan na nagbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa hangarin nilang bumalik.

Narinig namin ang mga kabataan na walang balak magmisyon noon na taos-pusong nagpahayag ng kanilang hangarin na maghanda at maglingkod at may isang kabataang lalaki na pagkatapos umuwi mula sa FSY ay kaagad na pinunan ang kanyang missionary application.

Nasaksihan namin ang isang kabataan na pagkatapos dumalo sa FSY ay agad nagpabinyag at gumawa ng mga sagradong tipan sa Panginoon.

Ang iba ay nahikayat na i-refer ang kanilang mga kaibigan para maturuan ng mga missionary, naging mga kasangkapan sa pagtitipon ng Israel, tulad ng ipinropesiya sa Mosias 18:9, kung saan itinuro ni Alma na yaong “nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati . . . at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” ay magiging handa sa binyag at pagtupad sa tipan.

Nasaksihan namin ang pagdaloy ng mga luha sa mga klase kung saan itinuro ang mga katotohanan ng ebanghelyo nang simple at makapangyarihan.

Nakita namin ang mga pagkakaibigang nabuo na nag-ugat hindi lamang dahil magkapareho sila ng interes, kundi dahil sa patotoong ibinahagi at parehong mga tipan.

At marahil ang nakapagpapakumbaba sa lahat, nakita namin ang pagbaling ng puso ng mga kabataan sa Tagapagligtas hindi lamang sa salita, kundi sa gawa: sa panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, at panibagong pagsunod.

Inaanyayahan ng FSY ang mga kabataan at mga lider na umasa at mas lumapit kay Cristo, hindi lamang upang damhin ang Kanyang pagmamahal, kundi para sumunod sa Kanya. Tulad ng itinuro sa Juan 14:15, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos,” ang FSY ay naglaan ng mga pagkakataon sa mga kalahok na isabuhay ang kanilang patotoo: mangakong maglingkod, mag-aral, mamuno, at lalo pang magmahal.

Para sa atin bilang mga lider, ang FSY ay kapwa pagsubok sa pananampalataya at nagpapabilis sa pagbuhos ng mga pagpapala.

Tulad ng mga kabataan, tayo ay napapadalisay kapag nakikita natin ang ating mga kahinaan at natatanto na hindi natin magagawa ang tungkuling ito sa pag-asa lamang sa sarili nating lakas. Itinuro sa atin na araw-araw tayong umasa nang mas lubos sa Espiritu, mamuno nang may pagmamahal, magpatawad kaagad, at magtiwala na palalakihin ng Panginoon ang ating mga abang handog.

Kapag inilaan natin ang ating oras at pagsisikap, masasaksihan natin ang mga himala na higit pa kaysa anumang bagay na magagawa ng ating sarili.

Sa huli, ang katunayan ng gawain ng Tagapagligtas ay hindi mapag- aalinlanganan: ang mga kabataan ay umuwi nang may panibagong pag-unawa kung sino sila bilang mga anak na lalaki at mga anak na babae ng mga Magulang sa Langit, may matinding hangarin na tuparin ang kanilang mga tipan, at may malalim na pagmamahal kay Jesucristo. Ang mga lider din ay umuwi na nabago, mas determinadong maglingkod, mas tiwala sa Panginoon, at mas madaling makahiwatig sa tahimik ngunit hindi maikakailang mga himala na nangyayari kapag nagtitipon tayo sa Kanyang pangalan.

Pinatototohanan namin na ang FSY ay isang inspiradong gawain ng Panginoon. Ito ay isang pagtitipon ng mga puso at espiritu, isang makabagong katuparan ng mga sinaunang pangako, at pagpapakita ng malaking pagmamahal ng Panginoon sa bagong henerasyong ito.

Walang hanggan ang pasasalamat namin sa pribilehiyo na maging bahagi ng FSY Nacolayan at para sa mga sagradong karanasan na mapalad naming nasaksihan.