“Paano Nagkakaisa ang Isang Ward o Branch?,” Liahona, Hunyo 2025.
Paano Nagkakaisa ang Isang Ward o Branch?
Ipinapakita sa tatlong kuwento ang mga paraan para mas magkaisa ang inyong ward o branch kay Jesucristo.
Noong mga unang araw ng ipinanumbalik na Simbahan, ibinigay ng Panginoon ang mahalagang utos na ito sa mga Banal: “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27).
Bawat branch at ward sa buong mundo ay naghahangad na sundin ang tagubiling ito at maging isa, na ang “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig” (Mosias 18:21). Bagama’t iba-iba ang sitwasyon para sa iba’t ibang tao at lugar, lahat tayo ay umaasa kay Jesucristo na makamit ang pagkakaisa. Ipinaalala sa atin ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “tanging kay Jesucristo tayo tunay na magiging isa.”
Ang sumusunod na mga kuwento mula sa isang branch sa Mozambique, isang ward sa Estados Unidos, at isang ward sa Northern Ireland ay nagpapakita ng matagumpay na mga paraan para maging “iisa kay Cristo” (Galacia 3:28).
“Iniisip namin ang mga kapatid na hindi pa nakakasimba. … Pagkatapos ay tinanong namin ang tao kung maaari kaming magdaos ng branch family evening sa bahay nila.” — Ernesto Gabriel Manhique, Homoine Branch president
Mga paglalarawan ni Dilleen Marsh
Pagkakaisa sa Pamamagitan ng mga Aktibidad
Wala pang isang taon matapos sumapi sa Simbahan, tinawag si Ernesto Gabriel Manhique bilang pangulo ng bagong-likhang Homoine Branch sa Inhambane, Mozambique. Noon, dalawang taong gulang ang branch at may mga 20 miyembrong dumadalo.
Ginusto ni President Manhique na pagmamahal ang maging pundasyon ng branch. “Dahil sa aking mga karanasan,” sabi niya, “nagpasiya akong maging isang leader na nakikipagkaibigan sa mga miyembro at nagpapakita ng pagmamahal ko sa kanila.”
Sinabi ni President Manhique na ang kanilang mga branch council meeting ay nakatuon sa pagtulong sa mga taong tumigil sa pagsisimba dahil nahirapan silang madama na mahal at pinahahalagahan sila. Ang mga talakayang ito ay humantong sa isang aktibidad na tinawag nilang “Friday night branch family evenings.”
“Ganito ang plano namin: Iniisip namin ang mga kapatid na hindi nagsimba noong nakaraang Linggo o ilang Linggo nang hindi nagsisimba,” sabi ni President Manhique. “Pagkatapos ay tinatanong namin ang tao kung maaari kaming magkaroon ng branch family evening sa bahay nila sa linggong iyon.”
Nagtitipon ang branch sa bahay ng miyembro at inaanyayahan ang buong komunidad. Ipinaliwanag ni President Manhique na nakakatulong ito sa tao o pamilya na madama na sila ay minamahal, pinahahalagahan, at kailangan.
“Kadalasan, ang miyembro [na nag-host] ay bumabalik na kasama ang mga kapitbahay, na nasisiyahan sa branch family evening at nagpapasiyang magsimba,” sabi ni President Manhique. Mahigit 250 na ngayon ang mga miyembro ng Homoine Branch. Karamihan ay regular na nagsisimba.
Kapag nagplano at nagpatupad palagi ang mga ward at branch ng nakasisiglang mga aktibidad, madaragdagan ang pagkakaisa at pagmamahalan ng mga miyembro nila. Sabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa maraming lugar sa Simbahan, ang ilang karagdagang aktibidad ng ward, na tiyak na nakaplano at isinagawa nang may layunin ng ebanghelyo, ay maaaring magbigkis sa atin na nadarama ang higit na pagiging kabilang at pagkakaisa.”
Habang magkakasama silang nagtatrabaho at naglilingkod, nagbago ang pakiramdam sa Eagle Valley Ward. Naglaho ang lungkot nang makasumpong sila ng kagalakan sa paglilingkod.
Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Paggawa ng Ministering
Ilang taon na ang nakararaan, nakaranas ang Eagle Valley Ward sa Colorado, USA, ng maraming pagsubok sa pananampalataya. Maraming miyembro ng ward ang namatay, at kinailangan ng kanilang pamilya ng lakas at suporta. Maaari sanang lukubin ng matinding kalungkutan ang ward pero sa halip ay nakasumpong sila ng kagalakan sa paglilingkod.
“Nakayanan namin ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba,” sabi ni Karie Grayson, ang Relief Society president noon. Isang araw, nang bisitahin nila ang bahay ng isang sister na maysakit, tumanggap ng paghahayag si Sister Grayson kung paano mapapasigla ng pagmamahal ng kanyang ward ang sister na ito.
“Habang nakaupo kami roon ng aking presidency sa silid at kausap siya, naisip ng bawat isa sa amin, ‘Ano pa ang magagawa namin?’” sabi ni Sister Grayson. “Nakaisip ako ng ideya. Nalaman ko noon mismo kung ano ang dapat naming gawin.”
Mahilig sa bulaklak ang sister na ito, kaya binuhay ng ward ang kanyang hardin ng mga bulaklak. Tuwing Martes ng umaga, nagpupunta ang mga miyembro ng ward para alagaan ang hardin.
Nag-ibayo ang kasabikang maglingkod hindi lang sa Eagle Valley Ward kundi maging sa komunidad. Tumulong ang mga indibiduwal at kumpanya sa buong lugar sa pagbibigay ng lupa, mga bulaklak, at isang sistema ng patubig.
“Pakiramdam ko ay pinatnubayan ng Ama sa Langit ang ginawa namin,” sabi ni Sister Grayson. “Marami pang dapat gawin, pero maraming tawanan sa pagsasama-sama ng lahat. Napakasaya talaga.”
Habang magkakasama silang nagtatrabaho at naglilingkod, nagbago ang pakiramdam sa Eagle Valley Ward. Naglaho ang lungkot nang makasumpong sila ng kagalakan sa paglilingkod.
Sabi ni Bishop Greg Adair, “Nang sama-sama kaming lumahok, nagsimulang maging parang isang pamilya ang ward. Ang panahong ito ay isang pagsubok sa aming ward, pero nagsama-sama kami at nagtulungan.”
Sinabi ni Sister Grayson na nabuklod ang ward sa pamamagitan ng paglilingkod hindi dahil sa kailangan nilang gawin iyon kundi dahil gusto nila. At habang ginagawa nila ito, nakaranas sila ng paghilom sa sarili nilang mga pakikibaka. “May napakalakas na damdamin sa ward,” sabi niya. “Kapag binago ninyo ang puso ng mga indibiduwal sa ward, binabago ninyo ang puso ng buong ward.”
Ang mga miyembro ng Eagle Valley Ward ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).
“Ang paglilingkod nang sama-sama ay naglalapit sa inyo sa isa’t isa,” sabi ni Bishop Adair. “Madali lang maglingkod dahil kilalang-kilala naming lahat ang isa’t isa. Tinuturuan tayo ni Cristo na mahalin ang Diyos at ang ating kapwa, at kapag sinisikap nating gawin ang anumang calling na ipinagagawa sa atin, nabubuklod tayo sa pagmamahalan.”
Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Pagsamba sa Templo
Nang mapanood ni Bishop Ernest White ng Holywood Road Ward sa Belfast, Northern Ireland, ang dalawa niyang anak na lalaki na tumakbo sa isang marathon, inasahan niya na mas mabilis na makatapos sa karerahan ang anak niyang si David, na ilang buwang nag-train, kaysa kay Peter na di-gaanong naghanda. Nagulat si Bishop White nang manatili si David sa tabi ni Peter hanggang sa finish line.
“Nakakahadlang ako sa iyo. Huwag mo akong hintayin,” sabi ni Peter sa kanyang kapatid.
“Hindi kita iiwan,” sagot ni David.
Ang karanasang ito ang nagtulak kay Bishop White na isipin ang mga miyembro ng kanyang ward. Marami sa kanila ang matatandang sister, at mahirap para sa kanila na maglakbay papunta sa pinakamalapit na templo sa Preston, England. Sumaisip ni Bishop White ang bawat isa sa mga sister na ito na nagsasabing, “Humayo na kayo sa templo nang hindi ako kasama. Nakakahadlang ako sa inyo. Huwag n’yo akong hintayin.”
Sa kabila ng hirap, ayaw iwan ni Bishop White at ng iba pang mga ward leader ang mga sister na ito. Nagpasiya silang mag-organisa ng taunang ward temple trip, na tinutulungan ang bawat miyembro ng ward na nais dumalo na matamasa ang mga pagpapala ng templo.
Kinikilala ni Bishop White na bagama’t mahal at mahirap magplano ng biyahe, “masaya silang nagkakasama-sama.”
Nakikibahagi sa taunang trip ang lahat ng miyembro ng ward sa iba’t ibang paraan. Tumutulong ang mga adult sa pag-iskedyul ng mga appointment at pagkikipag-ayos sa paglalakbay. Tinutulungan ng mga kabataan ang nakatatandang mga miyembro na gumamit ng teknolohiya sa pagsasaliksik ng family history at paghahanda ng mga family name card. Ang bukas-palad na mga donasyon ng ilang miyembro ay tumutulong sa mga gastusin sa akomodasyon ng lahat ng naglalakbay na mga temple patron.
“Ang mensaheng matagumpay naming ibinigay sa aming mga miyembro—bawat isa—ay kung nangako silang susundin ang landas ng tipan at sumulong, walang isa man sa kanila ang maiiwan,” sabi ni Bishop White. “Kailangan sila, at mahal sila, at hindi sila nakakahadlang sa amin.”
Sa unang dalawang taunang trip, lumipad ang mga miyembro ng ward papunta sa England. Gayunman, noong 2024 hindi na makaakyat ng hagdan ng eroplano ang ilang miyembro, kaya nagpasiya ang ward na sumakay na lang ng bus. Dahil dito ay kinailangan nilang sumakay ng ferry patawid ng Irish Sea.
Mahigit 30 miyembro ang naglakbay para dumalo sa templo noong nakaraang Agosto. Sa loob ng isang linggo, sama-sama silang nakilahok sa mga ordenansa sa templo. Ipinaalala ng mga karanasang ito sa mga miyembro na bawat isa sa kanila ay bahagi ng isang mapagmahal na ward family.
“Kapag magkakasama kaming pumapasok sa pintuan ng templo, napakahalaga nito sa amin,” sabi ni Bishop White. “Kapag nakikita namin ang isa’t isa—lahat kami sa selestiyal na silid—parang munting langit iyan sa lupa.”
Bagama’t hindi madaling itawid ang buong Holywood Road Ward sa Irish Sea para bisitahin ang templo, sulit ito para sa mga miyembro at sa kanilang mga mahal sa buhay. “Iyan ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas,” sabi ni Bishop White. “Hindi Siya papayag na may maiiwan. Gusto Niya na sama-sama kaming sumulong, kaya iyan ang sinisikap naming gawin.”
Hindi madaling itawid ang buong Holywood Road Ward sa Irish Sea para bisitahin ang templo, pero sulit ito.
Pagkakaisa sa Pamamagitan ni Jesucristo
Bagama’t bawat isa sa mga kuwentong ito ay nagpapakita ng iba’t ibang alituntunin para sa pagkakaroon ng pagkakaisa, ipinapakita ng lahat ng ito kung paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na magkaisa sa ating mga ward at branch. Mangunguna Siya sa mga miyembro ng Simbahan sa pagpaplano ng mga aktibidad, paglilingkod sa mga nangangailangan, pagsamba sa mga templo, at iba pang mga pagsisikap na magkaisa. Dahil sa pagmamahal at mga turo ng Tagapagligtas, nagiging posible para sa bawat kongregasyon na “maging ganap na isa” (tingnan sa Juan 17:23).