“Naglilingkod na mga Anghel sa Bundok,” Liahona, Hunyo 2025.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Naglilingkod na mga Anghel sa Bundok
Nang maputol ko ang aking kanang quadriceps tendon nang mahulog ako habang nagha-hiking sa mataas na bahagi ng Rocky Mountains, USA, bumaling ang aming young men group sa pagdarasal at sa priesthood nang magkaisa silang tulungan ako.
Noong tag-init ng 2015, tatlo kaming Young Men leader, pati na ang aming bishop, na nagdala sa anim na binatilyo mula sa disyerto ng katimugang New Mexico papunta sa Rocky Mountains sa gitnang Colorado para sa talagang sapalaran na backpacking trip. Sa panahong iyon, naglilingkod ako bilang ward Young Men president. Sa loob ng apat na araw, nag-hiking, nangisda, nanggalugad, at nagtipon kami sa gabi para sa mga espirituwal na fireside chat. Gumawa kami ng mga di-malilimutang alaala—pati na ng mga karanasang lagi naming maaalala.
Bago kami bumaba ng bundok sa pagtatapos ng aming biyahe, ang tanging nakasira sa aming pakikipagsapalaran ay isang paang nasugatan at kaunting ulan at yelo. Nang matapos namin ang aming kamping sa umaga ng aming hiking pabalik, walang isa man sa amin ang nag-alala tungkol sa madulas at maputik na daanan hanggang sa mapalapit kaming mga leader sa ibaba ng unang matarik na pagbaba.
Doon ako nadulas, nahulog, at tumama sa lupa. Nakadama ako ng bigla at matalim na pananakit sa aking kanang binti. Wala akong ideya kung ano ang nagawa ko sa aking binti, pero hindi ko iyon maigalaw.
Habang nakaupo ako sa lupa, na tuliro at nasasaktan, sumugod ang aming bishop na si Bryce Heiner sa aking tabi. Sinuri ni Bishop Heiner, na isang surgeon, ang aking binti pero hindi niya masabi kung gaano ang sakit na dulot nito sa akin. Ang hindi namin alam ay na nang mahulog ako, tumama ako nang napakalakas sa isang bato kaya naputol ang aking kanang quadriceps tendon, ang malaking litid sa itaas lang ng tuhod. Hindi ako makatayo ni makalakad.
Sinabi kalaunan ng isa sa aming mga binatilyo na si Nathan Donaldson, “Tarantang-taranta kami sa bundok. Lahat ay humiling ng patnubay sa panalangin.” Sabi ng isa pang binatilyo na si Brighton Heiner, “Hindi namin alam kung magiging maayos ang binti ni Brother Ewing o kung mamamatay siya!”
“Magiging Maayos Ka”
Alam kong hindi ako makakababa sa bundok kung walang malaking tulong, pati na ng tulong ng langit. Kaya humingi ako ng priesthood blessing. Si Bishop Heiner ang nagpahid ng langis at si Mark Handly, isang counselor sa bishopric, ang nag-seal ng anointing o pagpapahid ng langis. Habang nagsasalita si Brother Handly, natahimik ang aming grupo.
Naaalala pa ni Nathan ang nadama niya at ng iba pang mga binatilyo nang makinig siya sa makapangyarihang mga salita sa basbas: “Payapa ako, bumagal ang tibok ng puso ko, naging kalmado ang isipan ko. Namangha ako sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na ipinamalas ng Espiritu Santo, na umantig sa puso ko. Naisip ko sa sarili ko, ‘Gusto kong magawa iyon balang-araw. Gusto kong makapaghatid ng kapayapaan at paggaling sa mga mahal ko sa buhay.’”
Sa kabila ng nakapapanatag na katiyakang iyon, ang mga salita sa basbas na lubos na umantig sa akin ay ito: “Magiging maayos ka, pero matatagalan pa.”
Kasama sa “matatagalan” na iyon ang tagal bago ako maibaba ng bundok. Anim na talampakan at apat na pulgada ang aking taas (193 cm), at noon ay 230 libra (104 kg) ang timbang ko. Napaisip ang mga binatilyo, “Paano natin siya ibaba?” Gayon din ang naisip ko.
Dahil nag-aral ako ng wilderness first-aid training noong tag-init, tinuruan ko ang aming grupo sa paggawa ng splint na yari sa lubid, tape, mga sanga ng puno, at foam sleeping pad para sa binti ko. Apat na milya pa ang aming lalakarin at isang rumaragasang batis sa bundok ang tatawirin bago kami makarating sa aming mga sasakyan at makahingi ng tulong-medikal.
“Isang Panalangin sa Aming Puso”
Sinuportahan ako ng dalawang pinakamatangkad na miyembro ng aming grupo sa pamamagitan ng paghawak sa mga bisig ko habang naglalakad sila sa tabi ko. Dahan-dahan, nagsimula kaming bumaba ng bundok. Kung minsa’y bumibigay ang maayos na tuhod ko, at napapaupo ako na parang magaang na upuang de-tiklop. Kinailangan kong pigilang maduwal sa bawat masakit na paghakbang. Lalong nag-alala si Bishop Heiner sa bawat nagdaraang oras ng aming pagbaba.
Habang inalis ng ilan sa aming crew ang mga bato at kalat sa aming daanan para mas madali ang pagbaba para sa akin, nag-hike ang iba pabalik para dalhan ako ng tubig, pagkain, at pagpapalakas ng loob. Ang isang hike na karaniwang aabutin ng mga dalawang oras ay tumagal nang walong oras.
Naunang nag-hike si Bishop Heiner at ang ilan sa mga kabataang lalaki sa batis. Doon, sa inilarawan ni Daniel Palmer na “isang panalangin sa aming puso,” pinagkabit-kabit nila ang mga troso mula sa bumagsak na mga puno at nagtayo ng tulay sa ibabaw ng isang abandonadong beaver dam. Gumawa rin sila ng pansamantalang hawakan sa tulay.
“Nang makarating ako sa batis pagkaraan ng apat na oras ng hiking,” sabi ni Steven, “dahan-dahan at maingat kong tinawid ang tulay na troso na sinusuportahan ng ilang kamay.”
Nang makarating ako sa batis pagkaraan ng apat na oras na hiking, dahan-dahan at maingat kong tinawid ang tulay na troso habang nakasuporta ang ilan. Tumigil kami para magpahinga at nagdasal nang ilang ulit pa. Sa oras na iyon, nasa kalagitnaan kami ng bundok.
Makalipas ang ilang oras, lumabas ang unang mga binatilyo mula sa ilang malapit sa unahan ng trail o daanan. Ipinaliwanag nila ang aming kalagayan sa ilang camper na sakay ng mga all-terrain na sasakyan. Ilan sa mabubuting Samaritanong iyon ang nag-drive paakyat ng trail o daanan, sinundo ang ilan sa amin, at inihatid kami sa mga kotse namin.
Hindi nagtagal ay papunta na kami sa Trinidad, Colorado, kung saan ako ginamot sa emergency room ng isang ospital. Nilagyan ako ng doktor ng brace sa tuhod at binigyan ng mga saklay, at umuwi na kami.
Sina Steven Ewing (pangalawa mula kaliwa) at Bishop Bryce Heiner (dulong kanan) kasama ang “naglilingkod na mga anghel” na tumulong kay Steven na makababa ng bundok (kaliwa pakanan): Eric Palmer, Brighton Heiner, Daniel Palmer, Jacob Donaldson, at Zane Heiner (wala sa larawan: Nathan Donaldson, na full-time missionary noon; at Mark Handly, na lumipat na).
“Ang Kapangyarihan ng Diyos”
Hindi ako gumaling kaagad. “Tumagal nang kaunti” ang paggaling pagkatapos ng operasyon at physical therapy. Pero nagpapasalamat ako sa priesthood blessing na natanggap ko, sa pananampalatayang ipinakita ng mga nagdasal para sa akin at tumulong sa akin (tingnan sa Santiago 2:26), at sa pagkakaisa ng layunin na nakamit namin nang magtulung-tulong kaming maibaba ako ng bundok.
Natuto kami ng ilang mahahalagang bagay sa araw na iyon, mga aral na nagpalakas sa aming patotoo at pasiya, tumulong sa mga binatilyo na mangakong magmisyon, at naghanda sa kanila para sa mahihirap na pagsubok na mararanasan nila sa hinaharap.
“Nasa kamangha-manghang mga lider at kaedad ko ang kapangyarihan ng Diyos,” paggunita ni Nathan. “Naniniwala ako na nagpababa Siya ng mga anghel sa araw na iyon para tulungan kami. Naipaunawa sa akin ng karanasang ito ang kahalagahan ng pagiging karapat-dapat na basbasan ang sakramento at gampanan ang iba ko pang mga tungkulin sa priesthood.”
Hindi ko alam kung gaano kalaki ang naging bahagi ng karanasang iyon sa pagtulong sa mga binatilyo sa hiking na iyon na mangakong tapat na mamuhay na may panalangin, paglilingkod, at pagkamarapat. Maraming karanasan sa kanilang kabataan ang malamang na may mahalagang papel sa kanilang katapatan kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Pero bawat isa sa mga binatilyong iyon ay naglingkod sa Tagapagligtas bilang mga full-time missionary.
Sa paglipas ng panahon, lalo akong nagpapasalamat sa mabubuting lingkod na iyon ng Panginoon—sa ginawa nila para sa akin noon at sa patuloy nilang ginagawa para sa iba ngayon. Para sa akin, sila noon, at hanggang ngayon, ay naglilingkod na mga anghel (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1).
Para sa kanilang “natatanging paglilingkod sa pagpapatupad ng mga kasanayan at ideyal sa Scouting,” tumanggap ang mga binatilyo mula sa Rio Grande Ward sa Las Cruces, New Mexico, ng Medal of Merit award mula sa Boy Scouts of America.