“Pinrotektahan Ako,” Liahona, Hunyo 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pinrotektahan Ako
Sinikap kong balewalain ang pahiwatig, pero di-nagtagal ay may natutuhan akong mahalagang aral tungkol sa pagsunod sa Espiritu Santo.
Larawang-guhit ni Agnieszka Więckowska
Isang gabi habang nagmamaneho ako papunta sa birthday party ng isang kaibigan, dumaan ako sa isang tago at madilim na dalawang-lane na kalsada. Bigla akong nagkaroon ng masamang kutob. Pumasok sa isip ko na dapat akong bumalik. Ikinatwiran ko sa sarili na kinabahan lang ako.
Gayunman, dalawang beses pang dumating na muli ang pahiwatig. “Ama sa Langit,” malakas kong sinabi, “wala po akong malilikuan. Kung kailangan kong gawin iyon, ipakita sana Ninyo sa akin kung saan.”
Agad, nakita ko ang isang driveway na hindi ko napansin dati sa maraming beses kong pagdaan sa kalsadang ito. Agad akong pumihit para bumalik at umuwi.
Nalungkot ang mga kaibigan ko nang sabihin ko sa kanila na hindi ako pupunta sa party. Iniisip na bumalik ako dahil ayaw kong tumuloy nang mag-isa, iminungkahi nila na isama ko ang asawa ko sa pagbalik. Pumayag naman ang asawa ko. Inihatid niya ako sa party at umuwi na.
Maya-maya, tinawagan ako ng asawa ko. Parang takot siya. Habang pauwi raw siya, pinahinto siya ng mga pulis para tanungin kung may nakita siyang kahina-hinala. Sabi nila, may trak daw na sapilitang pinatabi ng mga gangster at saka nila binugbog at ninakawan ang drayber. Naghinala ang mga pulis na tinarget ng gang ang trak dahil walang ibang mga kotse sa malapit noong mga oras na iyon.
Natulala ako! Kanina, ako ang nag-iisang sasakyan sa kalsadang iyon. Natanto ko na ang pahiwatig na natanggap ko ay mula sa Espiritu Santo at na naprotektahan ako ng mga kapangyarihan ng langit. Habang pinag-iisipan ko ang nangyari, pumasok sa isip ko ang iba pang mga insidente sa buhay ko. Natanto ko na ang inakala kong nagkataon lang ay mga pahiwatig talaga mula sa Espiritu Santo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, nakapagpapanatag, [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”
Sa araw na iyon, ang pagkakaroon ng impluwensya ng Espiritu Santo ay hindi lamang ako iningatan sa espirituwal na paraan; pinrotektahan din ako nito sa pisikal na paraan. Alam ko na alam ng Diyos ang nangyayari sa atin at na kung makikinig tayo sa Kanya, gagabayan Niya ang ating mga hakbang.