“Sinusunod Natin si Jesucristo sa Pamamagitan ng Pakikiisa sa Kanya sa Kanyang Gawain,” Liahona, Hunyo 2025.
Sinusunod Natin si Jesucristo sa Pamamagitan ng Pakikiisa sa Kanya sa Kanyang Gawain
Nakikibahagi tayo sa gawain ng Tagapagligtas kapag nakatuon tayo sa Kanyang mga layunin, sinusunod natin ang Kanyang mga utos, at minamahal natin ang isa’t isa.
Detalye mula sa Christ and the Rich Young Ruler [Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno], ni Heinrich Hofmann
Kapag nabinyagan tayo, sinisimulan natin ang proseso ng pagdadala sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo. May bahagi ang prosesong ito na nagpapahiwatig na nakikiisa tayo sa Tagapagligtas sa Kanyang gawain. Isinulat ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang isa sa pinakamahahalagang kahulugan ng pagdadala sa ating sarili ng pangalan ni Cristo [ay] isang kahandaan at isang pangakong taglayin sa ating sarili ang gawain ng Tagapagligtas at ng Kanyang kaharian.”
Ang Kanyang gawain ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang imortalidad ay isang walang-kundisyong kaloob na ginarantiyahan na ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Gayunman, ang buhay na walang hanggan ay hindi kapareho ng imortalidad. Buhay na walang hanggan ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7). Ito ay ang mabuhay magpakailanman bilang mga pamilya sa Kanyang piling. Para matanggap natin ang buhay na walang hanggan, kailangang maging matatapat na disipulo tayo ni Jesucristo. Ibig sabihin ay tinatanggap natin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, paggawa at pagtupad sa mga tipan sa templo, at pagtitiis hanggang wakas. Kabilang sa pagtitiis hanggang wakas ang pakikiisa sa Tagapagligtas sa Kanyang gawain.
Sabik sa Paggawa
Nakikibahagi tayo sa gawain ng Tagapagligtas kapag tinutulungan natin ang mga anak ng Diyos na maging matatapat ding disipulo ni Jesucristo. Kabilang dito ang pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo, sa gayon ay matitipon ang nakalat na Israel, sa pamamagitan ng pagtupad sa mga responsibilidad sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa pagsisikap na maging katulad Niya. Ang ating “tagumpay [sa Kanyang gawain] ay hindi nakasalalay sa tugon ng mga tao sa [atin], sa [ating] mga paanyaya, o sa [ating] tapat na pagpapakita ng kabutihan.” Pinagtibay ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng binyag at mga ordenansa sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel.”
Para gawing gawain natin ang gawain ng Tagapagligtas, nagtutuon tayo sa Kanyang mga layunin, sumusunod sa Kanyang mga utos, at nagmamahalan. Habang ginagawa natin ang Kanyang gawain sa Kanyang paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 51:2), may mga bagay na naiiwan para unawain nating mag-isa. Sinabi ng Tagapagligtas sa mga Banal na nagtipon sa Jackson County, Missouri:
“Sapagkat masdan, hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod; dahil dito siya ay hindi makatatanggap ng gantimpala.
“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;
“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa ng mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala” (Doktrina at mga Tipan 58:26–28).
Kapag sinunod natin ang Tagapagligtas, nakilahok tayo sa Kanyang gawain, at tinulungan ang iba na maging matatapat Niyang disipulo, itinuturo natin ang ituturo Niya. Dahil wala tayong awtoridad na ituro ang iba pa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:9, 36), nakatuon tayo at hindi lumilihis sa Kanyang doktrina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25). Bukod pa rito, binibigyan natin ng pansin lalo na ang mahihirap, nangangailangan, at mahihina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:40). Ang mga pagbibigay-diing ito ay nilinaw nang banggitin ng Tagapagligtas sa isang sinagoga sa Nazaret ang isinulat ni Isaias:
“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako’y hinirang niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako’y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi,
“Upang ipahayag ang [kalugud-lugod na taon ng] Panginoon” (Lucas 4:18–19; tingnan din sa Isaias 61:1–2).
Ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon ay tumutukoy sa panahon na lahat ng pagpapala ng tipan ng Diyos ay ipapatong sa Kanyang mga tao. Sinusunod natin si Jesucristo sa pag-anyaya sa iba na tanggapin ang mga pagpapala ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos at sa pag-aalaga sa mahihirap o kung hindi man ay sa nangangailangan.
Ang pakikiisa kay Jesucristo sa Kanyang gawain ay nakakatuwa dahil ang Kanyang mga gawa, plano, at layunin ay “hindi maaaring mabigo, ni mapawawalang-saysay” (Doktrina at mga Tipan 3:1). Sa mga pinanghihinaan-ng-loob ay sinabi ng Panginoon: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33). Hinahayaan natin ang Panginoon na mag-alala tungkol sa pag-ani, at ginagawa lang natin ang ating bahagi.
Ang Puso at May Pagkukusang Isipan
Ang paggawa ng ating bahagi ay mas simple kaysa inaakala natin dahil hindi natin kailangang magdala ng pambihirang mga talento o kakayahan sa gawain ng Panginoon. Ang Kanyang hinihingi ay simpleng katapatan at pagkukusa. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal sa Kirtland, Ohio, “Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan” (Doktrina at mga Tipan 64:34). Maaaring bigyan ng Diyos ng kakayahan ang mga taong nagkukusa, pero hindi Niya maaaring gawin at gagawing may pagkukusa ang mga taong may kakayahan. Sa madaling salita, kung tayo ay tapat at may pagkukusa, maaari Niya tayong gamitin. Pero gaano man tayo katalino, hindi Niya tayo gagamitin maliban kung tapat tayo sa Kanyang gawain at handa tayong tulungan Siya.
Sina Samuel at Anna-Maria Koivisto ay nagpakita ng katapatan at pagkukusa. Hindi nagtagal matapos silang ikasal, lumipat ang mga Koivistos mula sa Jyväskylä, Finland, papuntang Göteborg, Sweden, para maghanap ng trabaho. Pagdating doon, hinikayat si Brother Koivisto na bisitahin si Pangulong Leif G. Mattsson, isang counselor sa Göteborg Sweden Stake presidency. Dahil hindi marunong magsalita ng Swedish si Samuel, isinagawa ang interbyu sa Ingles.
Pagkatapos ng maikling pag-uusap, hiniling ni Pangulong Mattsson na maglingkod si Samuel bilang ward mission leader sa Utby Ward. Binanggit ni Samuel ang malinaw: “Pero hindi po ako nagsasalita ng Swedish.”
Lumapit si Pangulong Mattsson sa kanyang mesa at tuwirang nagtanong, “Tinanong ba kita kung marunong kang magsalita ng Swedish, o kung handa kang maglingkod sa Panginoon?”
Sumagot si Samuel, “Tinanong mo ako kung handa akong maglingkod sa Panginoon. At handa ako.”
Tinanggap ni Samuel ang calling. Tumanggap din si Anna-Maria ng mga calling. Pareho silang naglingkod nang tapat at natutong magsalita ng magandang Swedish habang naglilingkod.
Ang katapatan at kahandaang maglingkod sa Panginoon ang naging katangian ng buhay nina Samuel at Ana-Maria. Mga ordinaryo silang bayani sa Simbahan. Tapat silang naglingkod sa tuwing nahihilingan sila. Naituro nila sa akin na kapag naglilingkod tayo, ginagamit natin ang mga talentong taglay natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 60:13), at tinutulungan tayo ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Kapag handa tayong maglingkod, sinisikap nating huwag magreklamo o bumulung-bulong, dahil ayaw nating dungisan ang ating paglilingkod sa anumang paraan. Ang pagrereklamo ay maaaring tanda ng may pag-aalinlangang katapatan, o na ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas ay hindi tulad ng nararapat. Kapag hindi napigilan, ang pagbulung-bulong ay maaaring mauwi sa tahasang paghihimagsik laban sa Panginoon. Ang progresong ito ay makikita sa buhay ni Ezra Booth, na maagang naging convert sa Simbahan sa Ohio na tinawag bilang missionary sa Missouri.
Nang lisanin niya ang Ohio noong Hunyo 1831, nainis si Ezra na may ilang missionary na nakasakay sa bagon samantalang kinailangan niyang maglakad sa init habang nangangaral sa daan. Bumulung-bulong siya. Pagdating niya sa Missouri, nalungkot siya. Hindi gayon ang inasahan niya sa Missouri. Sa halip, luminga-linga siya sa paligid at napansin na “mukhang wala siyang pag-asa.”
Lalong naging mapangutya, mapanlait, at mapanuri si Ezra. Nang lisanin niya ang Missouri, sa halip na mangaral habang daan, tulad ng ipinagagawa sa kanya, bumalik siya sa Ohio sa lalong madaling panahon. Ang kanyang unang pagbulung-bulong ay nauwi sa pag-aalinlangan at sa huli ay pagkawala ng tiwala sa kanyang mga espirituwal na karanasan noon. Hindi nagtagal ay nilisan ni Ezra ang Simbahan at “sa huli ay ‘tinalikuran ang Kristiyanismo at naging agnostiko.’”
Gayon din ang mangyayari sa atin kung hindi tayo maingat. Kung hindi mananatili ang ating walang-hanggang pananaw, na nagpapaalala sa atin kung kaninong gawain talaga ito, maaari tayong magreklamo, mag-alinlangan, at sa huli ay mawalan ng pananampalataya.
Dalangin ko na mapili nating sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanya sa Kanyang gawain. Kapag ginawa natin ito, bibigyan tayo ng “mahahalaga at mga dakilang pangako” (2 Pedro 1:4). Kabilang sa mga pagpapalang ito ang kapatawaran ng kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 60:7; 61:2, 34; 62:3; 64:3), kaligtasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:13; 56:2), at kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:3–11; 59:23). Tunay ngang ipinangako sa atin ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos—buhay na walang hanggan.