“Ang Gawain ng Diyos ay Naghahatid ng Layunin at Kapayapaan,” Liahona, Hunyo 2025.
Ang Gawain ng Diyos ay Naghahatid ng Layunin at Kapayapaan
Maaari tayong makibahagi sa gawain ng Diyos na maibalik sa piling Niya ang Kanyang mga anak.
Ang isang alaalang pinahahalagahan ko sa paglaki ko sa New York City ay ang paggugol ng Pasko sa piling ng aking pamilya. Masaya kami ng aking mga magulang, tatlong kuya, nakababatang kapatid na babae, sa sama-samang pagkain at pagpapalitan ng regalo. Gaano man kaabala ang dalawang magulang kong nagtatrabaho, Pasko ang espesyal na panahon para magsama-sama kami.
Hindi kailanman naging katulad ng dati ang Pasko nang magdiborsyo ang mga magulang ko. Ako noon ay 11 taong gulang, at hindi na kami nagsama-sama nang ganyan.
Sa edad na 17, narinig ko ang ebanghelyo ni Jesucristo sa unang pagkakataon at ginusto kong matutuhan ang iba pa nang marinig ko na ang mga pamilya ay magkakasama-sama magpakailanman. Namangha ako nang matuklasan ko na ang Diyos ay may plano ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Moises 1:39).
Ang plano ng Diyos, ayon sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, ay “kamangha-mangha.” Nais ng Diyos na magabayan nang ligtas ang lahat ng Kanyang mga anak pauwi upang makapiling Siyang muli. Sabi niya, “May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain” (2 Nephi 27:21), pero may oportunidad tayong makilahok sa Kanyang gawain na kasama Niya. Naghatid ito sa akin ng direksyon, layunin, kapayapaan, at pag-asa sa buong buhay ko.
Maglingkod nang May Pagmamahal
Sa ating panahon inihayag na ng Panginoon:
“O ikaw na humaharap sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas. …
“Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 4:2–3).
Nais ng Diyos na paglingkuran natin Siya nang ating buong puso, kapangyarihan, pag-iisip, at lakas at mahalin Siya nang gayon din katindi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:5). Ang ating pagmamahal sa Diyos ay nagbibigay ng kakayahan at kapangyarihan, at nagpapalakas sa ating mga hangaring maglingkod. Kapag kumilos tayo ayon sa mga hangaring iyon, nadaragdagan ang kakayahan nating paglingkuran at mahalin Siya at ang ating kapwa. Pagkatapos ay dumarating ang kapangyarihan ng Diyos, at nakikita natin ang Kanyang impluwensya sa ating buhay.
Kapag naglingkod ako sa Diyos—dahil mahal ko Siya—nadarama ko ang Kanyang pagmamahal at katiyakan na mahal Niya ang lahat ng Kanyang mga anak at nais Niyang makabalik tayo upang mamuhay na muli sa piling Niya. Ayaw rin Niyang bumalik tayong mag-isa. Nais Niyang dalhin natin ang ating mga pamilya at iba pa sa ebanghelyo habang pinaglilingkuran natin Siya at ang Kanyang mga anak nang may pagmamahal.
Lumakad na Kasama ang Diyos
Mas epektibo tayong nakikibahagi sa gawain ng Diyos kapag tinutulungan Niya tayo. Kapag ginagawa natin ang ating bahagi at humihingi tayo ng inspirasyon, maaari tayong gabayan ng Espiritu Santo sa gawain. Nang tawagin ng Panginoon si Enoc na maging propeta, sabi Niya, “Masdan, ang aking Espiritu ay nasa iyo, dahil dito ang lahat ng iyong salita ay pangangatwiranan ko; at ang mga bundok ay maglalaho sa harapan mo, at ang mga ilog ay liliko mula sa pinag-aagusan nito; at ikaw ay mananahan sa akin, at ako sa iyo; kaya nga, lumakad kang kasama ko” (Moises 6:34).
Dumarating sa atin ang karagdagang tulong kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa sa templo at gumagawa at tumutupad ng mga tipan. Kapag hindi lamang tayo dumadalo sa templo kundi sumasamba sa bahay ng Panginoon, nauunawaan natin na ang mga ordenansa at tipan ay nagkokonekta sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa mabisa at malapit na paraan.
Itinuro na ni Pangulong Nelson na ang pakikipagtipang ito ay “nagpapadali sa lahat ng bagay tungkol sa buhay.” Hindi nito ginagawang madali ang buhay, kundi ibinubuklod tayo sa Ama sa Langit at binibigyan tayo ni Jesucristo ng access sa Kanilang lakas, na nagpapataas sa kakayahan nating makilahok sa Kanilang gawain. Sa pagsulong natin, maaari tayong sumabay sa Kanila at madama ang Kanilang kapangyarihan at impluwensya sa ating buhay.
Tandaan ang Dahilan
Hindi laging madali ang gawain ng Diyos. Kapag may mga araw na pinanghihinaan ako ng loob o nadidismaya, ipinapaalala ko sa sarili ko ang “dahilan” ng paggawa ng Kanyang gawain, na alam ko na ang Diyos ay buhay at na si Jesus ang Cristo. Paulit-ulit na itong pinatotohanan at pinatunayan sa akin ng Banal na Espiritu. Hindi ko iyan maikakaila kailanman. Dahil mahal ko ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak, hinahangad kong bigyan Sila ng kaluguran sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanila sa Kanilang dakilang gawain.
Kung sakaling madama mo na may pagkukulang ka o wala kang tamang kasanayan para sa gawaing ito, sumali sa team! Ganyan ang nadarama ng karamihan sa atin paminsan-minsan. Sa mga sandaling iyon kailangan nating maging katulad ni Nephi at “[ma]patnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [nating] gawin” (1 Nephi 4:6). Kung magpapatuloy tayo nang may pananampalataya at gagawin natin ang ating makakaya, gagabayan at tutulungan tayo ng Panginoon at pararamihin ang ating mga pagsisikap tulad ng ginawa Niya sa limang tinapay at dalawang isda (tingnan sa Marcos 6:41–44). Anumang ihatid natin sa Panginoon, gagamitin Niya ito para isulong ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan.
Ang isa pang dahilan kaya tayo inanyayahang lumahok sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay dahil nais Niya at ng Kanyang Anak na si Jesucristo na maging banal tayong tulad Nila. Kapag nakikipagtulungan tayo sa Kanila, mas natututuhan natin kung paano tayo magiging katulad Nila.
Sa gawaing ito, inaanyayahan natin ang iba na maging katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagtuklas sa kagalakan ng pagsisisi. Sinabi na ni Pangulong Nelson na ang pagsisisi ay isang proseso “ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.” Ito ay isang pagkakataong magbago, espirituwal na lumago, at “maging higit na katulad ni Jesucristo!”
Matutulungan natin ang iba na madama na parang langit ang kanilang tahanan upang balang-araw ay maging parang tahanan ang langit at maging handa sila sa buhay na darating.
Makasumpong ng Kagalakan
May kagalakan sa gawaing ito! Itinuro ni Pangulong Nelson na “anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay,” makasusumpong tayo ng kagalakan kapag nagtuon tayo sa plano ng Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang plano ng Ama sa Langit ay posible lamang sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Handa si Jesucristo na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama at isakripisyo ang lahat para sa atin. Kung hindi, tuluyan na sana tayong nawala. Alam Niya na ito lamang ang paraan para makauwi tayo sa piling ng Ama sa Langit at makasumpong ng kagalakan. Itinuro ni Pangulong Nelson na, “Ang kagalakan ay nagmumula at dahil [kay Jesucristo]. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.”
Napakagandang pagpapala at oportunidad na makatulong tayo sa mahalagang gawaing ito ng kaligtasan at kadakilaan at tulungan ang iba na makauwi nang ligtas, kung saan inaasam ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo na marating natin.