“Kaylaki ng Kagalakang Hatid ng Balita,” Liahona, Hunyo 2025.
Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 4
Kaylaki ng Kagalakang Hatid ng Balita
Joseph William Billy Johnson: Holiness to the Lord [Joseph William Billy Johnson: Kabanalan sa Panginoon], ni Emmalee Glauser Powell
Isang gabi noong Hunyo 1978, bumalik si Billy Johnson sa kanyang tahanan sa Cape Coast, Ghana. Siya at ang iba pang mga miyembro ng kanyang kongregasyon ay matagal nang nag-aayuno, tulad ng madalas nilang gawin, pero walang nagawa ang pag-aayuno para mapasigla siya. Pagod at pinanghinaan siya ng loob dahil mas maraming mananampalataya ang tumigil sa pagsamba na kasama niya at bumalik sa dati nilang simbahan.
Inaasam-asam ni Billy na muling makaramdam ng espirituwal at emosyonal na lakas. Ilang buwan bago iyon, sinabi sa kanya ng isang miyembro ng kanyang kongregasyon ang tungkol sa isang paghahayag na natanggap niya. “Sa lalong madaling panahon ay darating ang mga missionary,” sabi niya. “Nakita ko ang mga puting lalaki na dumarating sa simbahan namin. Niyakap nila kami at sumali sa aming pagsamba.” Isa pang babae ang nagpahayag na gayon din ang natanggap niyang paghahayag. Si Billy mismo ay nanaginip na may ilang puting lalaki na pumasok sa kanyang chapel at sinabing, “Mga kapatid ninyo kami, at naparito kami para binyagan kayo.” Pagkatapos, napanaginipan niya ang mga taong Itim na mula sa kung saan-saan para sumapi sa Simbahan.
Gayunpaman, hindi pa rin mawala kay Billy ang panghihina ng kanyang loob.
Pagabi na, pero hindi siya makatulog. Isang matinding impresyon ang nagtulak sa kanya na makinig sa British Broadcasting Corporation (BBC) sa radyo—isang bagay na matagal na niyang hindi nagawa.
Natagpuan niya ang radyo, isang brown model na may apat na pihitan na kulay pilak malapit sa patungan. Gumaralgal ang radyo hanggang sa tumunog nang buksan niya ito. Kinalikot niya ang mga pihitan, at pabalik-balik ng ikot ang pulang pointer sa dial. Pero hindi niya nahanap ang brodkast.
At, pagkaraan ng isang oras na paghahanap, sa wakas ay narinig ni Billy ang isang newscast mula sa BBC. Ipinahayag ng reporter na nakatanggap ng paghahayag ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Lahat ng karapat-dapat na kalalakihan sa Simbahan, anuman ang lahi, ay maaari na ngayong magtaglay ng priesthood.
Napaupo si Billy, na naluluha sa galak. Sa wakas ay darating na rin ang awtoridad ng priesthood sa Ghana, na maghahatid ng lahat ng pagpapala ng ebanghelyo sa kanyang mga tao.
Dumating kalaunan ang mga missionary sa Cape Coast noong taon na iyon, at bininyagan si Billy Johnson at ang daan-daang iba pang mananampalataya. Mula noon, mabilis nang kumalat ang Simbahan sa buong Ghana at sa mga karatig bansa sa West Africa. Inihayag ang Cape Coast Ghana Temple noong Oktubre 2023; iyon ang magiging ikatlong templo sa bansa.