2025
Mga Espirituwal at Personal na Gawi para sa Kalusugan ng Isipan
Hunyo 2025


“Mga Espirituwal at Personal na Gawi para sa Kalusugan ng Isipan,” Liahona, Hunyo 2025.

Mga Espirituwal at Personal na Gawi para sa Kalusugan ng Isipan

Matutulungan tayo ng Diyos na magkaroon ng lakas na harapin ang mga hamon sa kalusugan ng isipan.

paglalarawan sa isang lalaking nakakapit sa isang troso sa ilog

Mga paglalarawan ni David Green

Saan tayo bumabaling kapag nahaharap tayo sa mga hamon sa kalusugan ng isipan? Bilang mga disipulo ni Jesucristo, alam natin na Siya ang pinaka-pinagmumulan ng tulong at paghihilom. Pinagpala rin tayo ng Diyos ng ibang resources, tulad ng mga materyal ng Simbahan, mga taong sumusuporta, at payo ng propesyonal, pati na rin ng resources na nagmumula sa atin mismo na nagpapalakas sa ating kalooban. Gagalugarin ng artikulong ito ang ilang resources na nagmumula sa atin at personal na mga gawi na makakatulong sa atin na i-navigate ang mga hamon sa kalusugan ng isipan.

Mga Paraan ng Pag-iisip

Habang hinaharap natin ang mga hamon sa kalusugan ng isipan, maaari tayong mahulog sa nakakapinsalang mga pattern sa pag-iisip, tulad ng takot, kawalan ng pag asa, o pamimintas sa sarili. Pero nais ng Panginoon na tulungan tayong magkaroon ng pananampalataya, pag-asa, at habag sa sarili.

“Magkaroon ng kamalayan sa iyong sariling tinig ng kalooban,” sabi ni Nicole De Klerk, isang Family Services therapist sa South Africa. “Marami sa atin ang napakatinding mamintas sa ating sarili. Magsalita sa iyong sarili kung paano magsasalita sa iyo ang Tagapagligtas, na labis na nagmamahal sa iyo.” Sa halip na husgahan o sisihin ang ating sarili dahil sa mga hamon sa ating isipan, maaari nating sikaping magpakita ng habag, awa, at kabaitan sa ating sarili. Magagamit natin ang ating kalayaan sa pagpili ng mga kaisipan na mabait, totoo, nakakahikayat, at nakakatulong.

Maaari din nating hangaring linangin ang iba pang mga pattern ng pag-iisip na nakakalusog, tulad ng pagtatakda ng makatotohanang mga inaasahan, pagtutuon sa pasasalamat, at pagninilay sa buhay at pagmamahal ni Jesucristo. Sabi Niya, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 6:36).

Subukan ito: Inirerekomenda ng kurso ng Simbahan na katatagan ng damdamin ang pagpansin sa mga di-tumpak na pattern ng pag-iisip at paghahangad na palitan ang mga ito ng “mas tumpak at makatotohanang mga kaisipan.”

Mga Espirituwal na Gawi

Mapapalakas din natin ang kalusugan ng ating isipan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga simpleng gawi na nag-uugnay sa atin sa Diyos. “Ang pagdarasal ay isa sa pinakamagagandang kasangkapan para maging mabuti ang kalagayan ng ating isipan at espiritu,” dagdag pa ni Katarina Alhovuori, isang Family Services therapist sa Finland. “Ang pagdarasal ay makakatulong sa atin na ipaliwanag ang ating damdamin at masuri ito na kasama ng Diyos.”

Ang iba pang mga espirituwal na gawi na maaaring sumuporta sa kalusugan ng isipan ay ang pagsisimba at pagsamba sa bahay ng Panginoon.

Ang mga hamon sa kalusugan ng isipan ay maaaring magpahirap sa paghahanap ng lakas o pagganyak na makibahagi sa nakasisiglang mga aktibidad na ito, pero kahit ang ating “maliliit at mga karaniwang” pagsisikap ay maaaring unti-unting maghatid ng “mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Sabi ni Susana Neiva, isang Latter-day therapist sa Portugal, “Magmumungkahi ako ng mga espirituwal na gawi na maaaring mukhang mas madaling ma-access sa mga panahon ng emosyonal na pakikibaka, tulad ng pakikinig sa nakasisiglang musika, pakikinig o pagbasa sa nakaaaliw na mga talata sa banal na kasulatan o babasahing nagbibigay-inspirasyon, o paglahok sa mga paglilingkod.”

Bagama’t maaaring hindi mawala ang ating mga hamon, maaari nating harapin ang mga ito nang may higit na lakas at pag-asa kapag mas lumalapit tayo sa Diyos.

Subukan ito: Magplano ng isang masayang aktibidad na magagawa mo sa linggong ito. Maraming tao ang nakasusumpong ng lakas sa mabubuting aktibidad, tulad ng paggugol ng oras sa labas ng bahay, pakikihalubilo sa mga mahal sa buhay, pagiging abala sa mga malikhaing libangan, pagsasaliksik sa family history ng isang tao, pagkain ng masustansyang pagkain, at pag-eehersisyo.

Pahinga

Sa maraming personal na gawi na makakatulong sa atin, maaaring ang isa sa mga pinakamahalaga ay ang makakuha ng sapat na pahinga para sa ating katawan at isipan. Itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pagod ang karaniwang kalaban nating lahat—kaya maghinay-hinay, magpahinga, magpalakas, at kumain.”

Ano ang nakakatulong sa kapaguran sa buhay mo? Pagod ka man dahil sa mga gawain sa trabaho, hirap sa pag-aaral, problema sa pera, content sa internet, o iba pang mga kadahilanan, maaaring makatulong ang magpahinga. Tulad ng ipinayo ng Panginoon, “Huwag kang tumakbo nang mas mabilis o gumawa nang labis kaysa sa iyong lakas” (Doktrina at mga Tipan 10:4).

Sabi ni Carolina Perego, isang Family Services therapist sa Chile, “Kung tayo’y nagdadalamhati, malungkot, hapo, o pagod, dapat nating isiping magpahinga.”

Ang araw ng Sabbath ay naglalaan ng espesyal na oportunidad linggu-linggo na magpahinga at panibaguhin ang ating espiritu. Sabi ng Panginoon, “Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan” (Doktrina at mga Tipan 59:10). Ang Sabbath ay araw ng pagsamba, pagpapanibago ng mga tipan, “[para] ituon ang ating pansin sa mga pagpapala ng [kawalang-hanggan] at hindi sa mga bagay sa mundo.”

Kung mayroon kang calling na humihingi ng maraming oras tuwing Linggo, maaaring hindi mo madama na ang Sabbath ay araw para ipahinga ang iyong katawan o isipan. Maaari mong naising mag-ukol ng ilang oras sa ibang mga araw para magpahinga. At tandaan na habang abala ka sa iyong calling, nalulugod ang Panginoon sa iyong mga pagsisikap na paglingkuran Siya at ang Kanyang mga anak. Tandaan ang pangako ng Panginoon sa mga napapagal: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang ating kaugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng mga tipan ay tumutulong sa atin na “[madaig] ang mga nakapapagod na espirituwal at emosyonal na salot ng mundo.”

Subukan ito: Paano mo maaaring mapagbuti ang oras ng pagtulog mo? Nangako ng mga pagpapala ang Panginoon para sa sapat na tulog: “Magpahinga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas” (Doktrina at mga Tipan 88:124).

paglalarawan sa isang lalaking nagsasagwan sa isang bangka sa ilog

Pananampalataya kay Jesucristo

Ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas ay maaaring maging pinakamalaking tulong sa atin kapag naharap tayo sa mga hamon sa kalusugan ng isipan. Bagama’t maaaring hindi agad malutas ang ating mga paghihirap, mabibigyan tayo ni Jesucristo ng lakas at paghilom kapag sumampalataya tayo sa Kanya.

Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang Tagapagligtas ay “lubos [na] nauunawaan ni Jesucristo ang ating bawat pasakit, dalamhati, karamdaman, kalungkutan, pagkawalay. … Pinasasaya Niya ang malungkot at hinamak, pinagbabati at pinapayapa Niya ang magkagalit at hindi magkasundo, inaaliw ang nalulumbay at nahiwalay, pinalalakas ang loob ng taong walang katiyakan at hindi perpekto, at nagsasagawa ng mga himala na Diyos lamang ang posibleng makagawa.”

Tinitiyak din sa atin ni Jesucristo na hindi tayo nag-iisa kailanman. Kilalang-kilala Niya tayo, nauunawaan Niya ang lahat ng ating pasakit, at handa Siyang pasiglahin tayo.

Sabi ni Sister Alhovuori: “Madalas kong maisip si Pedro, na naglakas-loob na lumakad sa tubig papunta kay Jesus [tingnan sa Mateo 14:28–31]. … Pinatototohanan ko na nais [ni Jesucristo] na palakasin ang loob natin at hawakan tayo sa kamay sa tuwina, tulad ng ginawa Niya kay Pedro. Natutuwa rin siya sa bawat hakbang natin ng pagsampalataya.”

Ang mga hamon sa kalusugan ng isipan ay totoo at mahirap, pero hindi dapat ito ang tumukoy ng pagkatao natin o hindi tayo dapat talunin ng mga ito. At hindi natin kailangang haraping mag-isa ang mga ito. Naglaan ang Panginoon ng mapagkukunan natin ng lakas, tulad ng resources mula sa Simbahan, mga relasyong sumusuporta, at propesyonal na tulong. Kapag umaasa tayo kay Jesucristo at sa resources na ito, makakaya nating harapin ang ating mga hamon nang may lakas at pag-asa.