2025
Araw-araw na Pagsisisi: Ano Ito at Paano Ito Tumutulong sa Akin na Makahanap ng Pangmatagalang Kagalakan
Hunyo 2025


Mula sa Lingguhang YA

Araw-araw na Pagsisisi: Ano Ito at Paano Ito Tumutulong sa Akin na Makahanap ng Pangmatagalang Kagalakan

Ano ang kabuluhan ng araw-araw na pagsisisi kung paulit-ulit ko lang ginagawa ang gayon ding mga pagkakamali?

isang binatilyo na nakaluhod at nagdarasal

Noong bata pa ako, marami akong pagkakamali.

Sa Uruguay, hindi ako napapaligiran ng maraming espirituwal na tao o lugar, kaya umalis ako sa landas ng tipan at naghanap ng kaligayahan sa ibang lugar. Pero isang araw, pinag-isipan ko ang tungkol sa mga bagay na pinili ko. Natanto ko na ang kaligayahang nararanasan ko ay panandalian lang—lagi kong nararanasan ang mas malaking kagalakan kapag sinisikap kong sundin si Jesucristo.

Gusto kong magbago.

Sinabi ko sa Ama sa Langit na pinagsisisihan ko ang aking mga kasalanan. Ngunit hindi nagtagal ay pinanghinaan ako ng loob nang ang mga pagbabagong sinisikap kong gawin ay hindi agad dumating tulad ng gusto kong mangyari. Pagkatapos ay naalala ko ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na “tuklasin ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi.”

Hindi ako nagtuon noon sa araw-araw na pagsisisi, pero nagpasiya akong subukang matutuhan ang iba pa tungkol dito.

Ano ang Kabuluhan ng Araw-araw na Pagsisisi?

Noong sinimulan kong magsisi araw-araw, hindi ako sigurado kung ano ang kabuluhan nito. Pagsisisihan ko ang aking mga kasalanan, pero madalas, kinabukasan ay muli kong nauulit ang kasalanang iyon. Naisip ko, “Bakit pa ako magsisisi kung hindi ko kayang baguhin kaagad ang masasamang gawi ko?”

Nanalangin ako sa Ama sa Langit at sinabi sa Kanya ang aking mga alalahanin at tinanong kung bakit gusto Niya na magsisi tayo araw-araw. Naramdaman ko na sinabi ng Espiritu sa aking isipan na sa tuwing nagsisisi ako, binibigyan ako ng Tagapagligtas ng pagkakataong magsimulang muli. Sinabi rin ni Pangulong Nelson: “Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.”

Ang pagsisisi ay hindi tungkol sa pagperpekto ng mga bagay-bagay; ito ay tungkol sa patuloy na pagtitiwala kay Cristo na babaguhin Niya nang paunti-unti ang atinglikas na pagkatao! Natanto ko na kahit nagawa ko ang gayon ding pagkakamali kapag taos-puso akong nagsisisi sa aking mga kasalanan at nagsisikap na magbago, tutulungan Niya akong umunlad nang paunti-unti.

Sabi ni Sister Kristin M. Yee, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Kung nahihirapan kayo sa isang sitwasyon na sa inyong palagay ay dapat nang napagtagumpayan ninyo, huwag sumuko. Maging mapagpasensya sa inyong sarili, tuparin ang inyong mga tipan, madalas na magsisi, humingi ng tulong sa inyong mga lider kung kinakailangan, at malimit na pumunta sa bahay ng Panginoon hangga’t kaya ninyo. Makinig at pakinggan ang mga pahiwatig na Kanyang ipinararating sa inyo. Hindi Niya tatalikuran ang Kanyang kaugnayan sa inyo sa pamamagitan ng tipan.”

Ang Kagalakan ng Araw-araw na Pagsisisi

Ang isa pang bagay na nakatulong sa akin na magtuon sa araw-araw na pagsisisi ay ang pagdalo sa templo. Gustung-gusto ko ang lakas na natatanggap natin kapag nakikipagtipan tayo sa Panginoon, at nadama ko ang lakas na iyon sa buhay ko nang piliin kong manampalataya na matutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Sa pamamagitan ng pagpokus sa Kanila araw-araw at pagpapasensya sa aking sarili, nadama ko na tumitibay ang ugnayan ko sa Kanila. Ang pagluhod at pakikipag-usap sa Ama sa Langit gabi-gabi tungkol sa sinisikap kong baguhin at pagkilala sa Kanyang impluwensya sa buhay ko ay nakatulong din sa akin na madama ang kagalakan na dulot ng kaloob na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

May tiyak na kagalakan na nagmumula sa pagiging malinis dahil sa ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng muling pagtupad sa ating mga tipan at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Sa pagsisikap natin na magbago at magtiwala sa Kanya, maaari tayong humingi ng tulong sa Kanya na madaig ang tila hindi madaig na mga gawi, humingi ng kapatawaran, at patawarin ang ating sarili.

Ipinaalala rin sa atin ni Sister Yee: “Bawat araw ay isang bagong araw na puno ng pag-asa at mga posibilidad dahil kay Jesucristo. Sa bawat araw, kayo at ako ay mauunawaan, tulad ng ipinahayag ni Inang Eva, ‘ang kagalakan ng ating pagkakatubos’ [Moises 5:11], ang kagalakan ng pagiging buo, ang kagalakan na maramdaman ang walang-sawang pagmamahal ng Diyos sa inyo.”

Nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit nang higit pa kaysa noon lakip ang aking malalim na patotoo tungkol sa araw-araw na pagsisisi. Walang naghikayat sa akin na patuloy na sumulong kundi ang pagkatantong laging iniaabot sa akin ng Tagapagligtas ang Kanyang kamay sa tuwing hihingi ako sa Kanya ng kapatawaran at tulong. Malayo pa ako sa pagiging perpekto, pero ramdam ko na nagbabago ang aking puso kapag sinisimulan ko ang bawat bagong araw nang may pagnanais na matuto at gumawa nang mas mabuti.

Dahil alam kong lahat tayo ay nagkakasala, nagpapasalamat ako sa biyaya ng Tagapagligtas at sa kagalakan na dala ng Kanyang awa sa buhay ko sa bawat araw.