2025
Kinailangan Ako ng Diyos sa Austria
Hunyo 2025


“Kailangan Ako ng Diyos sa Austria,” Liahona, Hunyo 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Kinailangan Ako ng Diyos sa Austria

Handa na akong umalis ng bahay namin noon para mag-aral sa ibang bansa, pero nalimutan kong manalangin muna.

larawang-guhit ng Vienna, Austria

Larawang-guhit ni Agnieszka Więckowska

Nang makabalik ako mula sa aking misyon sa Spain, nadama ko na handa na ako para sa susunod kong hakbang sa buhay. Gusto kong maranasan ang Simbahan sa mas malawak na paraan, na lampas pa sa mga hangganan ng aking tahanan sa Vienna, Austria, kung saan tapat ang mga miyembro pero kakaunti.

Nadama ko na kailangan kong makasama ang mga kabataang katulad ko ang pag-iisip sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, at umasam akong makakilala ng isang dalaga roon na maaari kong pakasalan at makasama sa pagbuo ng pamilya. Nakapasa ako sa English language test at di-nagtagal ay tinanggap ako. Nag-alok ng tulong ang mga magulang ko sa mga gastusin ko.

Gayunman, may bumagabag sa aking isipan. Hindi pa ako sumangguni sa Panginoon. “Bakit ko kailangang sumangguni?” katwiran ko. Hindi ba ako “nakikibahagi sa mabuting layunin,” kaya hindi ko kailangang maturuan sa lahat ng bagay? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:26–27). Paano pa kaya tututol ang langit?

Pero patuloy akong hinikayat ng Espiritu Santo, “Kailangan mong manalangin bago ka magpasiya.” Lubos na umaasa na sasang-ayon ang Panginoon, naisip ko, “OK.”

Mabilis at malakas ang sagot—isa sa pinakamalilinaw na sagot na natanggap ko. Narinig ko sa puso ko, “Kailangan kita dito sa Austria para itayo ang kaharian.”

Itinabi ko ang iskedyul ng klase sa BYU at kinansela ang mga plano ko. Naisip ko ang pamilya ko, kung paano kami natulungan ng Panginoon na lumipat sa Austria mula sa Uruguay noong bata pa ako. Natanto ko na kailangan nga siguro ako ng Panginoon dito. Taglay ang panibagong saloobin, nagtuon ako sa pagtatayo ng kaharian sa Austria, na puno ng kagandahan, mayaman sa kasaysayan, at tahanan ng maraming mahusay na mga dalubhasa sa musika, tulad nina Beethoven at Mozart.

Ilang linggo lang ang lumipas, nakilala ko ang isang dalaga na nandayuhan, tulad ko, mula sa South America kasama ang kanyang pamilya. Naging matalik kaming magkaibigan. Hindi siya isang Banal sa mga Huling Araw pero pinag-aralan niyang mabuti ang aking katapatan sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan at kalauna’y nagkaroon siya ng sariling patotoo. Pagkaraan ng dalawang taon ay nagpakasal kami.

Mula nang mabuklod kami sa templo, nagpalaki na kami ni Katerin ng tatlong anak na lalaki at isang anak na babae, na matatatag at tapat. Sinisikap naming paningningin ang aming liwanag (tingnan sa Mateo 5:16) sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa lahat at pagiging tapat tungkol sa aming mga paniniwala sa aming tahanan sa Austria. Nagpapasalamat ako sa kaloob na personal na paghahayag na tumutulong na gabayan ang aming buhay habang naglilingkod kami sa Panginoon.