Mula sa Lingguhang YA
Ang Aking Pamilya ay Hindi na Naniniwala kay Cristo, pero Nakakahanap pa rin Ako ng Kagalakan sa Ebanghelyo
Ipinapaalala sa akin ni Jesucristo na hindi ako nag-iisa, kahit walang sinuman sa pamilya ko ang naniniwala sa Kanyang ebanghelyo.
Larawang ginamitan ng modelo
Ang pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundong hindi bumabaling kay Jesucristo ay maaaring mahirap kung minsan. Maaaring maging mas kumplikado pa ang mga bagay-bagay kapag hindi sinusuportahan ng mga kapamilya mo ang iyong pananampalataya.
Minsan naiisip ko, “Paano ako patuloy na mananampalataya kung walang sinuman sa pamilya ko ang naniniwala kay Cristo?”
Pagkakaroon ng Pag-asa kay Cristo
Lumaki akong Katoliko, at ang mga magulang ko ay laging sumasamba kay Jesucristo. Pero ilang taon na ang nakalipas, nakatagpo ang aking ama ng maraming materyal na kontra sa Kristiyanismo. Sa pagdaan ng mga araw, nakinig ang mga magulang ko sa mga mensaheng ito at tumigil sa paniniwala sa Kanya o sa anumang relihiyon.
Sa panahong iyon, naging kaibigan ko ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inimbita nila ako sa mga aktibidad, at lagi kong sinikap na dumalo sa tuwing may pagkakataon ako.
Isang araw sa choir practice ng simbahan, ipinamahagi ang mga polyeto na Para sa Lakas ng mga Kabataan, at binigyan ako ng kaibigan ko. Habang binabasa ko ang mga mensahe nito tungkol sa pagpapatibay ng aking relasyon kay Jesucristo, nakadama ako ng matinding hangarin na malaman ang katotohanan.
Nais kong malaman ang marami tungkol sa Kanya. Binigyan ako ng kaibigan ko ng Aklat ni Mormon at inanyayahan akong tanungin ang Ama sa Langit kung totoo ang mga turo nito, kaya tinanggap ko ang kanyang paanyaya.
Nang basahin ko ang 2 Nephi 27:23, nakadama ako ng kapanatagan: “Sapagkat masdan, ako ang Diyos; at ako ay Diyos ng mga himala; at ipakikita ko sa mundo na ako ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman; at hindi ako gumagawa sa mga anak ng tao maliban kung ito ay naaayon sa kanilang pananampalataya.”
Ipinakita sa akin ng talatang ito kung gaano ang kapangyarihan ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Gusto kong maniwala muli sa Kanya. Nang matapos ko ang aklat, nadama ko na nagpatotoo ang Espiritu sa katotohanan na buhay si Jesucristo at na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Hindi nagtagal ay nabinyagan ako at nagsimulang mamuhay nang iba kaysa sa aking pamilya.
Dahil sa Espiritu Santo, Hindi Ako Nag-iisa
Kung minsan, dahil ako lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya ko, nagiging mahirap ang mga bagay-bagay. Pero nagpapasalamat ako na biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng matatapat na kaibigan, mga lider ng Simbahan, at mga miyembro ng ward na nagpapalakas sa akin kapag nalulumbay ako.
Mula noong binyagan ako, lubos ang pasasalamat ko para sa kaloob na Espiritu Santo at talagang dama ko na kasama ko ang Tagapagligtas.
Itinuro kamakailan ni Elder Takashi Wada ng Pitumpu: “Sa pakikipagtipan natin sa Diyos sa binyag, nangangako tayo na handa tayong taglayin ang pangalan ni Jesucristo, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at paglingkuran Siya sa natitirang bahagi ng ating buhay. Bilang kapalit, nangangako ang ating Ama sa Langit na palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu—ang patuloy na patnubay mula sa Espiritu Santo.”
Ang pamumuhay sa paraang mapapasaakin sa tuwina ang Espiritu ay laging nagpapaalala sa akin na hindi ako nag-iisa sa aking paglalakbay, kahit na mag-isa ako sa aking pamilya.
Ang mga Pagpapala ng Pagtupad sa mga Tipan
Kung minsan ay nalulungkot ako sa mga desisyon ng mga magulang ko, pero dahil sa panalangin, nakadama ako ng kapanatagan na may pag-asa na maniniwala silang muli sa Tagapagligtas.
Kamakailan ay natanggap ko ang aking endowment at nakipagtipan ako sa Ama sa Langit na nagpabago sa buhay ko. Natututuhan ko na sa tulong Niya, bawat pagsubok at hamon na kinakaharap natin sa mundo ay may layunin at makatutulong sa atin na madama ang Kanyang kapayapaan at kagalakan. Kapag nadarama ko na nag-iisa ako sa aking pamilya, nasusumpungan ko ang aking sarili na hinahanap si Jesucristo at lalo pang nakadarama ng pasasalamat sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati.”
Alam ko na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay may dakilang plano para sa bawat isa sa atin, at ang ating kagalakan ang sentro ng planong iyon (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Kung nasa sitwasyon ka na katulad ng sa akin, dapat mong malaman na hindi ka nag-iisa. Sa tuwing babaling ka sa Tagapagligtas at pipiliing tuparin ang iyong mga tipan, makakasama mo ang Kanyang Espiritu. Anuman ang piliing gawin o hindi gawin ng iyong pamilya, ikaw ay kilala, nakikita, at minamahal ng Diyos.