“Paglilingkod na Tulad ng Gagawin ng Tagapagligtas,” Liahona, Hunyo 2025.
Mga Babaeng Nakipagtipan
Paglilingkod na Tulad ng Gagawin ng Tagapagligtas
Isang sagradong gawain ang maging katuwang ni Jesucristo sa pagpapala sa buhay ng mga anak ng ating Ama sa Langit.
Christ Raising the Daughter of Jairus [Si Cristo na Ibinabangon ang Anak ni Jairo], ni Greg Olsen
“Ang mga unang pagsasagawa ng mga ministering visit ay nagsimula halos matapos lang itatag ang Relief Society noong 1842. …
“Bagama’t nagbago na ang mga detalye ng proseso mula noong mga unang araw na iyon, gayon pa rin ang mga alituntunin—ang paggawa ng ministering na tulad ng Tagapagligtas.”
Ang ministering ay hindi tungkol sa mga checklist; ito ay tungkol sa mga relasyon—sa ating relasyon sa iba at sa ating relasyon sa Diyos. Sa Pangkalahatang Hanbuk mababasa natin: “Ang ibig sabihin ng ministering ay paglilingkod sa iba na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 20:26–28). Minahal, tinuruan, ipinagdasal, pinanatag, at pinagpala Niya ang mga taong nakapaligid sa Kanya (tingnan sa Mga Gawa 10:38). Bilang mga disipulo ni Jesucristo, hinahangad nating mag-minister sa mga anak ng Diyos.”
Sabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag dumarating ang mga pagsubok, ang pinakagusto natin kadalasan ay may makinig sa atin at may makasama tayo. … Kung minsan ang gusto natin ay makasama ang isang taong magdadalamhati, masasaktan, at iiyak na kasama natin; hahayaan tayong magpahayag ng sakit, kabiguan, kahit ng galit kung minsan; at tatanggapin tulad natin na may mga bagay na hindi natin alam.”
Sinabi pa niya: “Ipinaliwanag ng isang ama na itinalagang maging ministering companion ng kanyang anak na kasama sa teachers quorum, ‘Ang ministering ay kapag tayo na nagdadala ng cookies sa mga kapitbahay ay naging pinagkakatiwalaang mga kaibigan, [at] mga espirituwal na first responder o unang tumutulong.’”
Bawat Indibiduwal ay Naiiba
Isang ministering sister sa New Zealand ang naakay sa kakaibang paraan na tumulong sa isang sister sa kanyang ward. Kamakailan lang ay nakipaghiwalay ang sister na ito sa kanyang asawa. Gising pa ang ministering sister na kasama ang baby niya at napansin na dis-oras na ng gabi ay tila active pa online ang sister na ito, kaya nagpasiya siyang i-message ito. Matapos ipagdasal kung paano siya makakatulong, nabigyang-inspirasyon siyang mag-ukol ng kaunting oras na matulog sa araw at i-set ang kanyang alarm para magising nang hatinggabi para samahan ang sister na ito sa pamamagitan ng pagmensahe rito online dahil ito ang oras ng araw na nalulungkot at nalulumbay ang sister na ito at nangungulila nang husto sa kanyang asawa.
Sa mga regular na pakikipag-ugnayan at paanyaya mula sa dalawang ministering sister, sa paglipas ng panahon ay nagsimulang bumalik ang sister na ito sa simbahan. Sinusundo siya ng kanyang mga ministering sister at sinasamahan sa mga miting at aktibidad. Pagkatapos ay hinangad niyang kausapin ang kanyang bishop tungkol sa pag-renew ng kanyang temple recommend.
Isang linggo matapos matanggap ang kanyang recommend, magkasama silang dumalo ng kanyang mga ministering sister sa templo. Sa panahong ito ng inspiradong pangangalaga, hindi na siya nalungkot.
Ang mga ministering sister na ito ay talagang naging mapagkakatiwalaang mga kaibigan at espirituwal na mga unang tumutugon o first responder para sa butihing babaeng ito na nagdaraan sa mahirap na panahon sa kanyang buhay. Nagbigay sila ng temporal at espirituwal na ginhawa. Pero kinailangan ng oras, tiyaga, mapagmahal na kabaitan, at magigiliw na paanyaya.
Sa paghahanap ng inspirasyon ng Panginoon, naakay ang ministering sister na ito sa kakaibang paraan na makakatulong siya. Sa huli, ang inspiradong paglilingkod na iyon ang nagtulak sa babaeng ito na bumalik sa templo at sa mga pagpapala ng pakikipagtipan sa Diyos.
Paggawa ng Ministering nang May Pagmamahal
Gayunman, para maging matibay ang mga pagsisikap ng mga ministering sister na ito, kinailangan ang pagmamahal nila sa Diyos at sa babaeng ito. Maaari nating ipagdasal ang pagmamahal na iyan kung hindi natin ito nadarama sa simula. Ang paglilingkod sa iba dahil lamang sa tungkulin ay hindi magiging pangmatagalan ang tibay, lalo na kung ang mga nakatalaga sa atin ay tutol sa simula.
Sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat tayong “magmahal at maglingkod sa paraang maglalapit sa iba kay Jesucristo.” Para magawa iyan, kailangang bumuo tayo ng mga relasyong may tiwala sa mga taong nakatalaga sa atin. Ang gayong uri ng relasyon ay mabubuo sa paglipas ng panahon. Higit pa ito sa pagpapadala lamang ng paminsan-minsang text o pakikipag-usap sa bulwagan sa simbahan.
Kung iisipin natin kung paano nagministeryo at nanalangin ang Tagapagligtas para malaman kung paano gawin ang ministering sa ating mga kapatid na tulad ng iniisip natin na gagawin Niya, malalaman natin kung ano ang gagawin. May pribilehiyo tayong kumatawan sa Tagapagligtas sa ating mga pagsisikap na gawin ang ministering. Isipin ang isang tao sa buhay mo ngayon o noon, o sana ay nasa buhay mo, na nagpapadama sa iyo na mahal at pinahahalagahan ka niya at hinihikayat kang maging mas mabuting tao sa pamamagitan lamang ng pagsama sa kanya, na gumaganyak sa iyo na gustuhing sundin ang Tagapagligtas.
Iyan ang kahulugan ng mas mataas at mas banal na paglilingkod. Hindi ito kumplikado; simple lang ito, pero kailangan ng pagnanais na maging ganyang klase ng tao para sa iba, ang uri ng taong katulad ng Tagapagligtas noon para sa mga taong nakasalamuha Niya. Ang paglilingkod ay parang apprenticeship sa Tagapagligtas dahil nagpapraktis tayong maging katulad Niya at natututo tayong mahalin at pangalagaan ang iba sa paraang gagawin Niya.
Dahil naiiba ang bawat isa, kakailanganin ng bawat isa ang isang bagay na naiiba, tulad ng ginawa ng sister na taga-New Zealand. Kapag tayo ay nagdasal, gumugol ng oras, at taos-pusong nakinig sa iba, matutuklasan natin ang indibiduwal na mga pangangailangan nila at makakatanggap tayo ng inspirasyon na malaman kung paano at kailan sila paglilingkuran, kapwa sa temporal at sa espirituwal.
Kapag nagkaroon tayo ng mga relasyon na may pagtitiwala, matutulungan nating mapalakas ang pananampalataya ng iba sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating paglilingkod at sa pamamagitan ng indibiduwal na mga mensahe na nahihikayat tayong ibahagi. Napagpala ako sa paglipas ng mga taon ng inspiradong mga ministering sister na naging ilan sa pinakamalalapit kong kaibigan. Ang mga relasyong iyon na may tiwala ay nagpalakas sa akin sa maraming paraan at nakatulong na madama ko ang pagmamahal at malasakit ng Tagapagligtas sa akin.
Napakahalaga na madama rin ng mga taong ating pinaglilingkuran ang pagmamahal at malasakit ng Tagapagligtas sa kanila. Ganito tayo naghahatid ng ginhawa ng Tagapagligtas sa iba at, sa prosesong ito, matatagpuan natin ang ating sariling ginhawa sa Kanya.
Pagiging Katulad ng Tagapagligtas
Ang halimbawa ng Tagapagligtas ay paggawa ng ministering at pagmamahal sa bawat isa. Kapag nagpraktis tayo ng paggawa ng ministering na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas, tayo ay magiging higit na katulad Niya. Ang paggawa ng ministering ay magiging kung sino tayo, hindi lamang kung ano ang ating ginagawa. Sa paglipas ng panahon, ang paggawa ng ministering ay magiging bahagi natin, at maglilibot tayo na gumagawa ng mabuti, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, may atas man o wala.
Inanyayahan tayo ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “mas malalim na [mangako] na taos-pusong pangangalagaan ang bawat isa, ginaganyak ng dalisay na pag-ibig ni Cristo na gawin ito. Sa kabila ng mga nararamdaman natin na mga limitasyon at pagkukulang natin—lahat tayo ay may mga pagsubok—gayunpaman, nawa’y gumawa tayo na kasama ang Panginoon ng ubasan, na tinutulungan ang ating Diyos at Ama sa mabigat na gawain Niya ng pagsagot sa mga panalangin, pagbibigay ng alo, pagtuyo ng mga luha, at pagpapalakas sa mga tuhod na nanghihina. Kapag ginawa natin ito, tayo ay magiging mas tunay na dispulo ni Cristo na siyang dapat tayong maging. … Nawa’y mahalin natin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin.”
Isang sagradong gawain ang maging katuwang ni Jesucristo sa pagpapala sa buhay ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Kung gagawin natin ito nang may pagmamahal at pasasalamat sa oportunidad na pagpalain ang buhay ng iba, lubos na pagpapalain ang ating buhay.
Mula sa isang mensahe sa Brigham Young University Women’s Conference na ibinigay noong Agosto 19, 2024.