Mga Young Adult
Isang Simpleng Sagot Kung Tila Walang Magawa sa Isang Daigdig na Winasak ng Digmaan
Pakiramdam ko, wala akong magawa tungkol sa lahat ng alitan sa mundo. Pagkatapos ay nakatanggap ako ng di-inaasahang sagot mula sa Ama sa Langit.
Noon pa man ay nakadarama na ako ng kapayapaan mula sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo, kahit kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan sa paligid ko.
Noon pa man ay umaasa na ako sa ebanghelyo para sa patnubay kapag nahihirapan ako. Napakaraming beses kong naiisip na napatnubayan ako ng Ama sa Langit na umasa at pumayapa sa gitna ng mga hamon.
Gayunman, kamakailan ay nadama kong humina ang tiwala ko sa kapayapaang nagmumula sa Diyos nang sumiklab ang isang kakila-kilabot na digmaan sa bansa kung saan nakatira ang matalik kong kaibigan. Wala akong nagawa. Noon ko lang naranasan na makaramdam ng matinding galit. Hindi ko alam kung ano ang magagawa ko para matulungan ang kaibigan ko o ang iba pang mga taong naaapektuhan ng karahasan at poot na ito. Pakiramdam ko ay madilim ang buong mundo, at natutok ako sa kasamaang nagpapakalat ng kaguluhan sa napakaraming lugar.
Paano ko madarama ang kapayapaan batid na napakarami ng mga taong nagdurusa, kabilang na ang pinakamalapit kong kaibigan?
Isang Simpleng Pahiwatig
Napansin ko na ang galit na nadama ko ay nagsisimulang bumalot sa akin. Kinailangan kong masumpungang muli ang kapayapaan. Kaya lumapit ako sa Ama sa Langit tulad ng dati. Ibinuhos ko kanya sa panalangin ang nilalaman ng aking puso at sinabi ko sa Kanya na pakiramdam ko ay wala akong magawa dahil napakaraming karahasang nangyayari sa mundo. Tinanong ko Siya kung may magagawa ako para muling makasumpong ng kapayapaan.
Nakatanggap ako ng isang simpleng pahiwatig mula sa Espiritu:
Basahin ang Aklat ni Mormon.
Madalas na akong nagbabasa noon ng aking mga banal na kasulatan, kaya hindi ako sigurado kung bakit ako sinabihan ng Ama sa Langit na gawin ang isang bagay na ginagawa ko na. Pero nagpasiya akong pagtiwalaan ang pahiwatig. Sinimulan kong mas magtuon sa binabasa ko sa Aklat ni Mormon. Napansin ko kung ilang beses nakaranas ang mga alagad ni Jesucristo ng karahasan, mga digmaan, at kasamaan at nakadama na wala silang magawa sa kanilang mga hamon. Pero napansin ko rin na kapag nakasentro ang kanilang buhay kay Jesucristo sa maliligalig na sandaling iyon, tila nakadarama sila ng kapayapaan—anuman ang mangyari. (Tingnan sa 2 Nephi 4:16–35; Mosias 24:8–25.) Paulit-ulit na nangyayari ang sitwasyong ito sa Aklat ni Mormon. Ang mga pangakong makasumpong ng kapayapaan kay Cristo ay nasa lahat ng dako.
Itinuro ng propetang si Eter: “Sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos” (Eter 12:4).
Habang binabasa ko ang mga katotohanang tulad nito sa aking pag-aaral, unti-unti kong nadamang muli ang kapayapaan ni Cristo. At naunawaan ko na ang Kanyang kapayapaan ay laging nariyan para sa lahat ng naghahangad nito, maging ng mga nagdaan sa mga digmaan at hidwaan.
Pagtutuon sa Kanya
Maaaring magpahirap ang mga problema sa mundo na manatiling nakatuon kay Jesucristo. Ramdam ko pa rin na wala akong magawa at namimighati ako kung minsan. Pero sa kabila nito, lagi akong makadarama ng tunay na kapayapaan kapag tinupad ko ang aking mga tipan at ibinaling ko ang aking tuon sa Kanya. Para sa akin, ang pagtutuon sa Kanya ay nangangahulugan ng pagdarasal bago ko abutin ang aking cell phone sa umaga, pagbibigay ng oras para sa mga banal na kasulatan araw-araw, at pagpapanibago ng aking mga tipan sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento linggu-linggo.
Kapag nag-ukol ako ng oras para sa aking Tagapagligtas, nakikita ko na Siya at ang Ama sa Langit ay lagi akong tutulungang malagpasan ang mabuti, ang masama, at maging ang mga pangit na bahagi ng buhay.
Pinatotohanan ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bilang [mga alagad ni Jesucristo], tayo ang mga taong pag-aari Niya, na tinawag upang ipahayag ang Kanyang kabanalan, mga tagapagsulong ng kapayapaan na saganang ibinigay sa pamamagitan Niya at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang kapayapaang ito ay isang kaloob na ipinangako sa lahat ng yaong ibinaling ang kanilang puso sa Tagapagligtas at namuhay nang matwid; ang gayong kapayapaan ay nagbibigay sa atin ng lakas na malugod sa mortal na buhay na ito at matiis ang mahihirap na pagsubok sa ating paglalakbay.”
Si Jesucristo “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Nephi 11:11). Alam ko na ito ay totoo ngayon nang higit kailanman sa di-makatwirang mundong ito. Natatakot man tayo, walang magawa, o walang katiyakan, maaari Siyang maghatid sa atin ng liwanag, anuman ang sitwasyong kinakaharap natin.
Pinapawi ng Kanyang kapayapaan ang takot at galit sa puso ko—tuwing lumalapit ako sa Kanya.
Ang awtor ay naninirahan sa New Jersey, USA.