2025
Paglilingkod Bilang mga First Responder
Hunyo 2025


“Ministering Bilang mga First Responder,” Liahona, Hunyo 2025.

Ministering Bilang mga First Responder

Tulad ng mga first responder sa pinangyarihan ng isang krisis, maaari tayong maghatid ng tulong at ginhawa, pero hindi natin kayang magpagaling. Gayunman, maaari nating mahalin at alagaan ang ating mga kapatid at akayin sila kay Cristo, ang Dakilang Tagapagpagaling.

mga first responder na hinihintay na lumapag ang helicopter sa isang bundok na may niyebe

Paramedic ang aking anak na si Abby, at sa linya ng kanyang trabaho ay walang dalawang araw na magkapareho. Bawat tawag na natatanggap niya ay kakaiba at nangangailangan ng iba’t ibang tugon. Ang takbo ng kanyang trabaho ay mahirap mahulaan at nagaganap sa isang kapaligirang hindi makontrol. Hindi siya nanggagamot ng mga tao sa isang sterile hospital room na napapaligiran ng mga espesyal na kagamitan pero kadalasa’y matatagpuan siya na manu-manong binobomba ang puso ng isang tao sa gilid ng freeway, pinapasukan ng tubo ang isang tao sa sahig ng banyo, nagpapaanak ng isang ina sa likod ng isang kotse, nagbebenda ng mga sugat, nilalagyan ng splint ang mga baling buto, o nagpapainom ng gamot.

Agad niyang sinusuri kung ano ang kailangan at ginagawa ang lahat ng makakaya niya ayon sa kanyang kaalaman. Kapag hindi pangkaraniwan ang isang sitwasyon at may nagtanong kung ano ang dapat gawin, tumatawag siya para makipag-usap sa isang doktor para sa karagdagang mga tagubilin.

Bagama’t napakahalaga ng trabaho ni Abby bilang first responder, hindi niya pinagagaling ang mga tao at pinauuwi sila nang maayos at buo pagkatapos. Ang trabaho niya ay magbigay ng first aid, pangangalaga, at ginhawa hanggang sa maging sapat na matatag ang mga tao para madala sa ospital, kung saan magagamit ng mga doktor ang pagkadalubhasa nilang gamutin ang mga pinsala at karamdaman at simulan ang proseso ng pagpapagaling.

Tayo Man ay mga First Responder

Habang iniisip ko ang tungkulin natin bilang mga miyembro ng Simbahan ng Diyos sa pagtitipon ng Israel, naisip ko na, tulad ni Abby, tayo ay mga first responder. Bawat tao na nakakatagpo natin ay may natatanging mga hamon, at bawat isa ay nangangailangan ng ibang tugon. Hindi nangyayari ang pag-aalaga sa ating mga kapatid sa isang madaling mahulaan at kontroladong kapaligiran. Nakikipagtulungan tayo sa tunay na mga tao at sitwasyon sa buhay, at maaaring ito ay magulo.

Tulad ng first responder, kailangan nating suriin ang mga pangangailangan at pagkatapos ay tumugon sa pinakamahusay na paraang alam natin ayon sa ating kaalaman. Kapag hindi pangkaraniwan ang sitwasyon at hindi tayo sigurado kung ano ang gagawin, maaari din tayong humingi ng karagdagang mga tagubilin sa pamamagitan ng panalangin para tumanggap ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu upang malaman kung ano ang dapat nating gawin. Maaari din tayong humingi ng tulong sa ating mga lider, tulad ng mga Relief Society at elders quorum presidency.

Sa Mosias 18, tinalakay ni Alma ang mabubuting hangarin ng mga taong pumapasok sa kawan ng Diyos: pasanin ang pasanin ng isa’t isa, makidalamhati sa mga nagdadalamhati, aliwin ang mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos (tingnan sa mga talata 8–9). Nang labis akong nalungkot sa aking buhay, at pakiramdam ko’y pinabayaan ako at parang sarado ang kalangitan sa akin, at may dumating at naupo sa tabi ko, umiyak na kasama ko, o nakinig sa akin, nadama ko ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng taong iyon at nakatanggap ako ng patotoo na alam Niya ang nangyayari sa akin at ang aking sitwasyon.

Madalas nating isipin na ang ibig sabihin ng tumayo bilang saksi ay ibahagi ang ating mga paniniwala sa iba at patotohanan ang katotohanan, at kung minsa’y iyan mismo ang hinihikayat ng Espiritu na gawin natin. Pero hindi ito ang laging unang bagay na kailangan ng mga tao kapag nasa mahihirap silang sitwasyon. Kapag nakakita si Abby ng isang taong inaatake sa puso, marahil ay hindi iyon ang tamang oras para magpasimula ng talakayan tungkol sa mga gawi sa masustansyang pagkain at ehersisyo. Ang trabaho niya ay hindi ang husgahan kung paano sila napunta sa kanilang kinaroroonan o alamin kung sino ang karapat-dapat sa kanyang pangangalaga. Kung nangangailangan ang isang tao, tinutulungan niya ito.

Tulad ng si Abby ay hindi nagpapagaling ng mga tao at pinauuwi sila, hindi rin natin magagawang buo, maaayos, o maililigtas ang mga tao. Mahalaga ang ating tungkulin: iyon ay ang mahalin at alagaan ang ating mga kapatid at akayin sila kay Cristo, ang Dakilang Tagapagpagaling, na kayang magpagaling at magligtas.

Madaling madama na wala tayong magawa sa ating ministering kapag naharap tayo sa mga tao na may mga pasaning napakabigat, kumplikado, o di-pamilyar, o ang mga kasalanan ay napakalaki, ang mga adiksyon ay nang-aalipin, ang sakit at kalungkutan ay napakatindi, o ang pananampalataya ay napakahina kaya hindi natin alam kung paano sila tutulungan. Mabibigo tayo kapag sinubukan nating ayusin o baguhin ang mga tao dahil ito ay isang bagay na wala tayong kapangyarihang gawin para sa iba. Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang gawain ng Tagapagligtas ay magpagaling. Ang gawain natin ay magmahal—magmahal at maglingkod sa paraang maglalapit sa iba kay Jesucristo.”

mga dalagitang magkayakap

Tayo ay mga first responder.

Bawat tao na nakakatagpo natin ay may natatanging mga hamon, at bawat isa ay nangangailangan ng ibang tugon.

Larawan ng mga dalagita na kuha ni Judith Ann Beck

Ang Trabaho Natin ay Mahalin ang Iba

Kapag nagsasalita si Alma tungkol sa pagbibigay-aliw sa mga taong nangangailangan ng aliw, walang asterisk, addendum, o qualifier na nagsasabing, “Aliwin ang mga nangangailangan ng aliw basta’t magkapareho kayo ng mga paniniwala, kapareho mo kung magbihis, walang kasalanan, o namumuhay ayon sa pamumuhay na sinasang-ayunan mo.” Bilang mga first responder, hindi natin trabaho na husgahan ang iba o alamin kung nararapat sila sa ating pagmamahal at pangangalaga. Napakalinaw ng mga tagubilin sa atin:

  • “Magmahalan kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34).

  • “Pakainin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:17).

  • “Pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili” (Doktrina at mga Tipan 38:25).

Sinabi ni Propetang Joseph Smith:

“Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas; nais natin silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan. …

“Kung gusto ninyong kaawaan kayo ng Diyos, kaawaan ninyo ang isa’t isa.”

Ipinakita ng aking mga magulang ang halimbawa ng pagmamahal na ito sa napakaraming paraan. Malaki ang kanilang pamilya, na maraming apo, at ang ilan sa kanila ay piniling lumayo sa Simbahan o sumunod sa mga landasing lihis sa mga turo nito. Subalit, sa pagkakaalam ko, hindi kailanman pinuna, pinilit, o sinubukang baguhin ng aking mga magulang ang kanilang mga apo sa pagsisikap na “iligtas” sila. Ipinaubaya nila sa Tagapagligtas ang paghatol at pagliligtas at minahal lang sila. Ang kanilang tahanan ay isang lugar kung saan nadama ng lahat na tanggap at ligtas sila, anuman ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon, seksuwal na oryentasyon, o pananaw tungkol sa pulitika o sa mundo.

Maaaring magsabi sa kanila ng anumang bagay ang mga apo at magpakatotoo sa paligid nila nang hindi natatakot na baka sila kamuhian. Gumugol ng oras ang aking mga magulang sa piling nila, nakinig sa kanila, at bumuo ng mga relasyon sa kanila.

Sa mga araw bago pumanaw ang aking ina, nasaksihan ko ang kanyang mga apo—na karamihan ay nasa 20s at 30s na ngayon—na umiiyak habang nagtitipun-tipon sila sa paligid ng higaan ng kanilang pinakamamahal na lola. Ang maliit na babaeng ito na puti na ang buhok, kasama ang aking ama, ay naglingkod sa kanila, pinahalagahan sila, tinanggap sila, at minahal sila nang walang mga kundisyon. Ang aking mga magulang ay matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nakaunawa na ang pagmamahal sa iba, kahit na iba ang mga paniniwala o pasiya kaysa sa atin, ay hindi nakakabawas sa ating pananampalataya o nagpapabago sa ating mga paniniwala. Walang mawawala sa atin sa pagmamahal sa lahat ng mga anak ng Diyos.

Hindi ito nangangahulugan na binabalewala natin ang pagtuturo ng kahalagahan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Para mabalanse ang ating mga pangako sa pagmamahal at batas kailangan nating patuloy na magpakita ng pagmamahal habang patuloy nating iginagalang at sinusunod ang mga kautusan. Kailangan nating sikaping pangalagaan ang mahahalagang relasyon at kasabay nito ay hindi ikompromiso ang mga responsibilidad natin na maging masunurin at sumuporta sa batas ng ebanghelyo.”

Bilang mga first responder at disipulo ni Cristo, maaari tayong magmahal na tulad ng pagmamahal Niya at lumikha ng mga ligtas na lugar para sa mga nasa paligid natin—sa ating mga relasyon, ating mga tahanan, ating mga kapitbahay, at ating simbahan. Ito ang mga lugar kung saan makasusumpong ang mga tao ng pagmamahal, pagtanggap, at pagiging kabilang, at kung saan makikilala nila ang Tagapagligtas, na may kapangyarihang magpagaling, magpatawad, magligtas, at magtama ng lahat ng bagay.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

ang estatwa ng Christus

Larawang kuha ni Carol Christine Porter