“Ang Banal na Plano ng Ama sa Langit,” Liahona, Hunyo 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Banal na Plano ng Ama sa Langit
Nagpasalamat ako sa donasyong sapatos, pero kakasya ba ito sa sinuman sa mga missionary namin?
Larawang-guhit ni Agnieszka Więckowska
Bilang mission leader sa Brazil, gumugol ako ng isang linggo bago natapos ang 2023 sa pag-interbyu sa 60 sa 160 mga missionary namin. Hiniling ng isa sa kanila, na isang zone leader, na makausap ako nang sarilinan. Nang mag-usap kami, inabutan niya ako ng isang kahon ng sapatos at sinabi sa akin na bumili ng ekstrang pares ng sapatos ang mga magulang niya para sa sinuman sa mission na maaaring nangangailangan nito.
Naantig ako, at pinasalamatan ko siya sa pagiging bukas-palad at pagkamaalalahanin ng kanyang mga magulang. Gayunman, lihim kong inisip na mas malaki sana sa size 8.5 ang maliit na sapatos, na karaniwang sukat na isinusuot ng karamihan sa mga missionary namin. Nagpasalamat pa rin ako at inilagay ko ang sapatos sa kotse ko.
Makalipas ang dalawang araw, nag-interbyu ako ng iba pang mga missionary, at pinapasok ko ang isang nakangiting missionary sa opisina ko. Apat na linggo pa lang siya noong dumating siya mula sa Guatemala. Nang kumustahin ko siya, napalitan ng mga hikbi ang ngiti niya.
Luhaan niyang ikinuwento ang pagkapahiya niya nang walang malay siyang biniro ng isa pang missionary nang hindi niya naisara ang unang butones ng polo niya. Bagong binyag lang siya at lumaki na iisa lang ang magulang. Hindi sapat ang kita ng kanyang ina para suportahan siya at ang dalawa niyang kapatid. Napakaliit ng mga polong bigay sa kanya ng iba, kaya ginamit niya ang buhol ng kanyang lumang kurbata para itago ang di-naisarang unang butones.
Binigyan ko siya ng kaunting perang bigay ng isang miyembro ng Simbahan para sa mga missionary na nangangailangan ng damit at pinabili ko siya ng mga bagong polo. Pagkatapos ay napansin ko na warak na ang sapatos niya. Bigla kong naalala ang sapatos sa kotse ko! Tinanong ko siya kung anong size ng sapatos ang suot niya, na natatanto na maliit ang mga paa niya.
“Size 8.5 po ako,” sagot niya.
Napuno ng luha ang mga mata ko nang ipaliwanag ko na nagbigay ng isang pares ng sapatos na kakasya sa kanya ang mga magulang ng isa pang missionary. Kumuha kami ng retrato nang magkasama at ipinadala namin iyon sa zone leader. Naantig ang ama nito, na nagkataong isa ring Guatemalan, na natulungan niya ang isang missionary mula sa kanyang sariling bansa.
Sa ating misyon, nangyayari ang ganitong mga uri ng pagpapala araw-araw. Maaaring sabihin ng ilan na nagkataon lang ang mga ito, pero sang-ayon ako kay Elder Neal A. Maxwell (1926–2004), na iniugnay ang mga ito sa “banal na plano” ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.