2025
Nadama Ko ang Pagmamahal ng Diyos
Hunyo 2025


“Nadama Ko ang Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Hunyo 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Nadama Ko ang Pagmamahal ng Diyos

Nang tuparin ko ang aking mga tipan, inalis ng Ama sa Langit ang mga balakid sa aking landas.

larawang-guhit ng isang piano

Larawang-guhit ni Agnieszka Więckowska

Noong bata pa ang nanay ko, iniwan siya ng kanyang ina. Makalipas ang ilang taon, pumanaw ang kanyang ama, at ibinigay siya sa isang pamilyang hindi naging mabait sa kanya. Dahil sa karanasang ito, naniwala siya na hindi siya liligaya sa isang pamilya.

Gayunman, nang sumapi siya sa Simbahan, nagbago ang kanyang saloobin nang maunawaan niya ang kahalagahan ng pamilya sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Nagmisyon siya at kalauna’y nagpakasal sa aking ama. Magkasama silang bumuo ng isang pamilyang puno ng pananampalataya kay Jesucristo at ginawa nila ang lahat para mamuhay ayon sa kanilang mga tipan sa Diyos. Iyan ang uri ng pamilyang kinalakhan ko sa isang maliit na bayan sa Argentina na tinatawag na Lima.

Matapos maglingkod sa full-time mission, naaalala ko na nalungkot ako at nalito kung anong trabaho ang papasukin ko. Pero pinalakas ako ng Ama sa Langit na panatilihin ang aking pananampalataya at tuparin ang aking mga tipan, at biniyayaan Niya ako ng isang ina na tinupad din ang sa kanya. Ang pananampalataya at determinasyon niya ang naging inspirasyon ko.

Nang pagnilayan kong mag-aral sa kolehiyo, naisip ko ang isang major na hindi ko naman talaga pinangarap na pag-aralan. Nang mapansin ang lungkot ko, sinabi ng aking ina, “Ituloy mo ang mga pangarap mo. Piliin mo ang landas na alam mo sa puso mo na tama.”

Noong bata pa ako, nagkaroon ako ng mga pangarap na may kaugnayan sa musika at entertainment o pagbibigay-aliw. Natuto akong tumugtog ng piano, namuno sa mga koro ng Simbahan, at ibinahagi ko ang ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Sa loob ng ilang panahon, inilayo ako ng mga hamon at panggagambala sa buhay sa mga pangarap na iyon.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na ang mga nakikipagtipan sa Diyos ay “maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa” at na ang pakikipagtipang iyon ay “nakakaapekto sa [ating pagkatao] at kung paano tayo tutulungan ng Diyos na maging kung ano ang maaari nating kahinatnan.”

Ang ating mga tipan ay nag-aalok sa atin ng seguridad. Nang tuparin ko ang aking mga tipan, nadama ko ang Kanyang espesyal na pagmamahal sa akin. Inalis niya ang mga balakid sa aking landas hanggang sa maging malinaw ito.

Galing ako sa isang maliit na bayan na kakaunti ang pangakong alok para sa isang batang hindi kilala. Ngayon, gumagawa ako ng mga propesyonal na konsiyerto at pagtatanghal sa teatro sa Buenos Aires. Ang aking asawa, mga anak, at propesyonal na trabaho ang mga pangarap ko na natupad.

Naniniwala ako na nais ng Diyos na magtagumpay tayo. Kung magpupursigi tayo, maghahanda Siya ng paraan para makamit natin ang lahat ng nais Niyang makamit natin. Higit sa lahat, tutulungan Niya tayong maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay sa pagdadala ng ibang tao sa Kanya.