2025
Mga Templo: Isang Kanlungan para sa Sion
Hunyo 2025


“Mga Templo: Isang Kanlungan para sa Sion,” Liahona, Hunyo 2025.

Mga Pananaw sa Kasaysayan tungkol sa Bahay ng Panginoon

Mga Templo: Isang Kanlungan para sa Sion

Nagtitipon tayo sa mga templo at nakakahanap ng kanlungan mula sa mga bagyo ng buhay.

collage ng mga imahe mula sa lindol noong 2011, Christchurch, New Zealand

Mga larawang kuha nina Gillian Needham, Martin Hunter, at Cameron Spencer/Getty Images

Alas 12:51 n.g. noong Pebrero 22, 2011, isang lindol na magnitude 6.3 ang naging sanhi ng matinding pinsala sa Christchurch, New Zealand. Isandaan at walumpu’t limang tao ang nasawi, at ilang libo ang nasaktan. Ramdam ang takot at kaguluhan sa lungsod. Inabot ako ng ilang oras ng pagdaan sa mga guho para matipon ang aking mga anak mula sa kanilang mga paaralan at hanapin ang aking asawa, na napunta sa bahagi ng lungsod kung saan ay pinakamalaki ang pinsala.

Nang makabalik na kami sa bahay namin, kinailangan naming magpasiya kung ano ang gagawin. Hindi ligtas na manatili, kaya noong hapon ding iyon ay nagmadali kaming mag-impake ng ilang gamit at nagsimulang maglakbay pahilaga. Hindi namin akalain na marami kaming mararanasang himala sa daan.

Paglabas namin ng lungsod, halos ubos na ang gasolina ng van namin, pero nakapagpagasolina kami sa unang gasolinahan. Nahirapan din ang makina ng van namin, kaya ibinaba namin iyon sa isang talyer para maipaayos. Nang kunin namin ito, hindi kami siningil ng mekaniko dahil gusto raw niyang tulungan ang mga naapektuhan ng lindol. Nagpakita ng kabaitan sa amin ang mga kaibigan at kapamilya, na tumulong para mapakalma kami at ang aming mga anak.

Kalaunan ay nagbiyahe kami papuntang Hamilton, mahigit 500 milya (800 km) sa hilaga ng Christchurch. Nanatili ang aming pamilya sa isa sa mga student dorm ng isang decommissioned school sa tabi ng Hamilton New Zealand Temple. Doon sa paanan ng templo sinikap naming mapaghilom ang trauma ng aming mga anak sa pagiging mga refugee ng lindol.

Naaalala ko na tumingin ako sa spire ng templo at huminga nang malalim bago pumasok, dahil kinailangan ng lakas-ng-loob para kumbinsihin ang sarili ko na hindi rin ito babagsak na tulad ng maraming gusaling gumuho sa aming lungsod. Sa lobby ng templo, binigyan kami ng kapayapaan ng Espiritu nang planuhin namin ang susunod naming mga hakbang: paano namin sisimulang ayusin ang mga nagulo at magpatuloy sa aming buhay.

Larawan ng awtor at ng kanyang pamilya

Ang awtor at ang kanyang pamilya sa labas ng Hamilton New Zealand Temple

Isang Kanlungan mula sa Bagyo

Sa simula ng Pagpapanumbalik, ipinahayag ng Panginoon, “Inuutusan ko kayo na magtayo ng bahay [para] sa akin, para sa sama-samang pagtitipon ng aking mga banal, upang masamba nila ako” (Doktrina at mga Tipan 115:8). Ipinaliwanag ng Panginoon na ang pagtitipong ito ng mga Banal ay magiging “isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo” (Doktrina at mga Tipan 115:6). Nang matapos ang lindol, naging kanlungan ang Hamilton Temple para sa aking pamilya.

Ang Hamilton Temple ay ibinalita noong 1954, na sinundan ng isang panawagang tumulong sa konstruksyon. Agad tumugon ang mga Banal sa New Zealand. Ang ilang binata, dalaga, at mag-asawa ay pormal na tinawag bilang mga labor missionary. Ang iba pa ay ni-recruit naman ng pamilya at mga kaibigan. Ang ilan ay nabigyang-inspirasyon lamang na magpunta at maglingkod sa mga kasama sa konstruksyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain o suportang pinansyal.

Matapos ilaan ang templo noong 1958, nagtipon sa templo ang maraming Banal mula sa iba’t ibang panig ng New Zealand at Pacific Area para matanggap ang endowment at mabuklod. Halimbawa, nang mabalitaan nina Vaha’i at Sela Tonga ng bansang Tonga na magtatayo ng templo sa New Zealand, nagpasiya silang dumalo sa paglalaan. Sa kabila ng mga pinansyal na balakid sa paglalakbay, sina Vaha’i at Sela ang unang mag-asawang nabuklod sa Hamilton Temple.

Hamilton New Zealand Temple

Larawan ng Hamilton New Zealand Temple na kuha ni Brent Thomson

Isang Kanlungan laban sa Mundo

Nagsilbi ding kanlungan ang Suva Fiji Temple sa mga Banal sa Pacific na nagtipon doon. Ang templo ay inilaan noong Hunyo 18, 2000, noong may kaguluhang sibil. Sa panalangin sa paglalaan, nanalangin si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Napagkalooban Ninyo kami ng templo sa islang bansang ito. Hindi na namin kailangang magtawid-dagat para gawin ang gawaing iyon na itinalaga Ninyong sagrado at mahalaga para sa Inyong mga Banal sa dispensasyong ito sa mga huling araw. Narinig Ninyo ang aming mga dalangin at dininig ang aming mga pagsamo na dumating nawa ang pagpapalang ito sa amin.” Sa isang magulong panahon, sama-samang nakasumpong ng kapayapaan ang mga Banal sa Fiji sa loob ng mga pader ng templo, isang literal na kanlungan mula sa alitan.

Noong Pebrero 20, 2016, winasak ng Cyclone Winston ang libu-libong kabahayan. Ito ang pinakamalaking naitalang bagyong tumama sa Fiji. Kinabukasan, ang Suva Fiji Temple ay muling inilaan ni Pangulong Henry B. Eyring, ang Unang Tagapayo noon sa Unang Panguluhan, matapos ang 16-na-buwang renobasyon. Nanalangin siya: “Pinasasalamatan namin Kayo para sa Inyong matatapat na Banal sa magandang lupaing ito. Hinihiling namin na pagpalain Ninyo sila, nang sila ay mabiyayaan ng pagmamahal at kapayapaan, nang ang kanilang mga lupain ay maging mabunga, at sila ay umunlad at maprotektahan sa kanilang matwid na mga gawain. Hinihiling namin na maprotektahan sila laban sa mga bagyong dulot ng kalikasan at mula sa mga pag-aaway ng mga tao habang sinusunod nila ang Inyong mga utos.”

Ang mga templo ay naglalaan ng espirituwal na kanlungan sa pamamagitan ng pagturo nito sa atin kay Jesucristo. Ang pananatiling konektado sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga tipan ay makakatulong sa atin na malagpasan ang mga espirituwal na bagyo tulad ng mga pagsubok at tukso. Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo.”

Sa marami pang templong ngayo’y inihayag, itinatayo, o pinatatakbo sa iba’t ibang panig ng mundo, nagiging mas madali para sa mga Banal na magtipon at maghanap ng kanlungan sa mga templo. Gaano man kalayo, hinahanap ng mga alagad ng Panginoon ang Kanyang bahay kapag kailangan nila ang kanlungang ipinangako Niya sa Kanyang pinagtipanang mga tao. Kapag tapat tayo sa mga tipang nagawa natin sa loob ng bahay ng Panginoon, lagi nating masusumpungan ang ating pinakamatinding kapayapaan at kanlungan sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Rachel Sterzer Gibson, “Sacrifice and Consecration: How the Labor Missionary Period Was the Nauvoo Experience of New Zealand,” Church News, Ago. 9, 2021, thechurchnews.com.

  2. Tingnan sa Gibson, “Sacrifice and Consecration.”

  3. Tingnan sa “Political Crisis Takes Center Stage in Fiji,” Deseret News, Hulyo 17, 2000, deseret.com.

  4. Gordon B. Hinckley, “Dedicatory Prayer,” Suva Fiji Temple, Hunyo 18, 2000, ChurchofJesusChrist.org/temples.

  5. Henry B. Eyring, “Dedicatory Prayer,” Suva Fiji Temple, Peb. 21, 2016, ChurchofJesusChrist.org/temples.

  6. Russell M. Nelson, “Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2024, 122.