2025
Mga Prayoridad ng Philippines Area
Hunyo 2025


Mensahe Ng Area

Mga Prayoridad ng Philippines Area

“Sapagkat ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan; ang kanyang mga hangganan ay kinakailangang mapalawak; ang kanyang mga istaka ay kinakailangang mapalakas; oo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang Sion ay kinakailangang bumangon at magsuot ng kanyang magagarang damit” (Dokrtina at mga Tipan 82:14).

Habang tumutulong tayo na patatagin at palaguin ang Simbahan sa Pilipinas, dapat nauunawaan at sinusunod natin nang may pagkakaisa ang Mga Prayoridad ng Philippines Area. Kinakailangang magtulungan tayo, “dahil ang manaka-naka at paisa-isang kabutihan ay hindi sapat para malabanan ang kasamaan” tulad ng ipinayo ni Elder Neal A. Maxwell.

Nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk na “Ang Area Presidency ay namumuno at nakikipagsanggunian sa mga stake at mission president sa area . . . sila ay nagpapasiya kung paano ipatutupad ang mga pangkalahatang patakaran at tagubilin ng Simbahan upang matugunan ang mga pangangailangan sa kanilang area” (idinagdag ang diin). “Ang tagubilin ng Area Presidency ay tumutulong sa mga priesthood leader na ituon ang pagsisikap sa pagpapalakas ng mga pamilya, miyembro, at mga unit. Tinutugunan nito ang mga partikular na bagay na tulung-tulong na ginagawa ng mga lider nang may pagkakaisa upang itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa.” “Ang mga Area Presidency ay . . . responsible sa pagpapatatag at pagsasaayos ng mga gawain ng Simbahan sa area kung saan sila itinalaga.”

Ano ang mga alituntunin sa likod ng Mga Prayoridad ng Area?

Ang alituntunin ng Paghahayag. Ang gawain ng mga Area Presidency ay isinasagawa ayon sa paghahayag at inspirasyon ng Espiritu Santo. Ipinapakita sa Mga Prayoridad ng Area ang kalooban ng Panginoon, na natamo sa pamamagitan ng paghahayag. Ang mga Area Presidency ay humihingi ng tulong sa Espiritu Santo para makapagtanong ng tamang mga tanong, makagawa ng mga inspiradong desisyon, at makabuo ng isang plano na magbibigay-inspirasyon at magiging daan para magkaisa ang mga lokal na lider at miyembro.

Ang alituntunin ng Pagsasanggunian. Ang Area Presidency ay sama-samang nagtatalakayan kung paano isasaayos ang mga natatanging kalakasan at tutugunan ang mga hamon ng area na maisakatuparan ang gawain ng Diyos ukol sa kaligtasan at kadakilaan.

Ang alituntunin ng Delagasyon. Hindi maaari at hindi dapat na mga lider lamang ang gumagawa ng lahat ng bagay. Kailangang kumilos ang bawat miyembro para umunlad ang Simbahan.

Ang alituntunin ng Pagkakaroon ng Pananagutan. Ang mga Area Presidency ay responsable sa pamamahala ng gawain ng Panginoon sa mga area at mananagot sa Kanya. Ang mga Area Presidency ay nagbibigay sa mga area leader, local priesthood at auxillary leader, mga pamilya, at indibiduwal ng pagkakataon na magbigay-sulit o mag- ulat para sa kanilang mga responsibilidad na isakatuparan ang mga layunin at mithiin ng Mga Prayoridad ng Area.

Ang alituntunin ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-reliance. “Ang self-reliance ay ang kakayahan, tapat na pangako, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay para sa sarili at sa pamilya. Habang lalong nagiging self-reliant ang mga miyembro sa kanilang sariling kakayahan, mas lalaki ang kanilang kakayahang maglingkod sa iba” (Pangkalahatang Hanbuk 22.0).

Vision ng Philippines Area

Patatagin at palaguin ang Simbahan para makapaghanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa lahat na lumapit sa Kanya, gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo, at palakasin ang ating mga pamilya, ward, at stake.

Lumapit kay Cristo at “ialay ang inyong buong kaluluwa” sa Kanya (Omni 1:26).

Ang mga Prayoridad ng Philippines Area

  1. Lumapit kay Cristo – Anyayahan ang isang kaibigan na sumama sa inyo at maranasan ang galak ng pagsamba kay Jesucristo sa sacrament meeting.

  2. Gumawa at Tumupad ng mga Tipan sa Templo – Sundin ang payo ng propeta na mamuhay nang matwid para maging marapat sa temple recommend at tumanggap ng banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo.

  3. Palakasin ang Bagong Henerasyon – Ihanda at suportahan ang bagong henerasyon para sa paglilingkod sa full-time mission.

Ang napakahalagang elemento ng Mga Prayoridad ng Area ay ang matagumpay na pagpapatupad ng mga ito. Sa pagpapatupad ng Mga Prayoridad ng Area, tinitiyak ng Area Presidency at lahat ng mga area leader na ang mga layunin at mithiin ng area ay nagiging aktibong bahagi ng buhay ng lahat ng miyembro. Ang Area Presidency ay nagpaplano kung paano nila ituturo ang vision, mga layunin, at mithiin ng Mga Prayoridad ng Area sa mga lider, pamilya, at indibiduwal sa paraang mahihikayat at mabibigyan sila ng inspirasyon na kumilos. Pagkatapos ay nagtatakda ang mga stake at ward ng mga mithiin at layunin na nauugnay sa mga lokal na kalagayan na naaayon sa Mga Prayoridad ng Area. Ang mga pamilya at indibiduwal ay inaanyayahan na gayon din ang gawin.

Sa isa sa mga paglilibot kamakailan nina Elder at Sister Wong sa Cabanatuan Philippines Mission, ang mga stake at district president ay hinamon na makipagtulungan sa mga missionary gamit ang isang espesyal na paraan sa ministering. Ang mga miyembro at lider na may resources pero walang oras na bumisita sa pamilyang naka-assign sa kanila ay hinilingan na ibigay ang mga pangalan ng mga pamilya sa mga full-time missionary. Ang mga miyembro ay naghanda ng mga food item bilang mga regalo upang ipadama ang kanilang pagmamahal sa mga non- participating member, at ang mga missionary ang naghatid ng pagkaing iyon at inanyayahan ang mga tumanggap na bumalik sa Simbahan. Ang pagbuhos ng pagmamahal at masarap na pagkain ay nagpalakas sa kanilang patotoo at nakita ang masayang pakikisalamuha ng mga returning member sa kanilang mga ward at branch.

Isang halimbawa lamang iyan kung paano natin pagaganahin ang ating imahinasyon, hihingi ng inspirasyon, at magtutulungan para masunod ang mga alituntunin sa likod ng Mga Prayoridad ng Area upang maanyayahan ang lahat na Lumapit kay Cristo, Gumawa at Tumupad ng mga Tipan sa Templo, at Palakasin ang Bagong Henerasyon. Ang Mga Prayoridad ng Philippines Area ay naglalaan ng isang makapangyarihang vision para sa mga miyembro at lider na pagpalain ang mga indibiduwal at pamilya sa Pilipinas. Pinagkakaisa at itinutuon nito ang mga pagsisikap ng priesthood at mga auxiliary leader sa kanilang mga sagradong paglilingkod at umaabot sa mga tahanan at puso ng mga taong pinaglilingkuran nila.