2025
Ang mga Layunin ng FSY
Hunyo 2025


Mensahe Ng Area

Ang mga Layunin ng FSY

Lahat tayo ay may “mga dahilan” (mga layunin) sa ating buhay.

Sa huling araw ng FSY Guide Activity ng NaCoLayan (Naic, Bacoor, Balayan) FSY 2025, nagkaroon ako ng pagkakataon na magbahagi ng isang espesyal na paalala: Ang YOUTH ang “Y” sa FSY.

Kung wala ang mga kabataan, walang FSY. Dahil ang FSY ay kumakatawan sa For the Strength of Youth [Para sa Lakas ng mga Kabataan], sino ang mapapalakas kung wala sila roon?

Pero mas malalim pa ito—nariyan ang FSY hindi lamang para mapalakas ang mga kabataan kundi para tulungan silang malaman kung saan nagmumula ang kanilang lakas: kay Jesucristo. Siya ang lakas ng mga kabataan. At Siya ang lakas ng bawat isa sa atin, kahit hindi na tayo mga kabataan.

Bukod pa sa kasiyahan sa limang araw na kumperensyang ito, ang pangunahing mithiin ay malinaw: ipinaalala namin sa lahat na ang isang mabisang paraan na mapapalakas sila ni Jesucristo ay sa pamamagitan ng pagbabasa ng FSY Guide—na may opisyal na pamagat na “Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili.”

Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga turo, paghahangad ng Kanyang patnubay, at paggawa ng mga pagpili na kasama Siya masusumpungan natin ang ating tunay na lakas—ang ating pinakatotoong sarili.

Nauunawaan ng ating Tagapagligtas ang bawat paghihirap, pagsubok, hamon, at kahinaan na naranasan, nararanasan, at mararanasan natin.

Naranasan Niya ito. At sa huli ay namatay Siya para dito.

Pero ang Kanyang ‘dahilan’—Kanyang layunin—sa pagparito sa lupa, para magdusa, at para isakripisyo ang Kanyang sarili, ay IKAW. Tayo.

Siya ang dahilan kaya nagkakaroon tayo ng pag-asa, paggaling, at lakas kahit ano pa ang nararanasan natin.

At paano tayo babaling sa Kanya? Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng Kanyang salita, at pagsunod sa payo ng mga lider na Kanyang pinili sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Kapag ginagawa natin ang mga bagay na ito, mas mapapalapit tayo sa Kanya at natin na binubuhat tayo ng Kanyang lakas.

Tulad ng itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Ang KAHULUGAN ay nagbibigay- kaalaman, ngunit ang LAYUNIN ay nagpapabago.”

Ang malaman ang kahulugan o kung ANO ang gagawin ay mahalaga—pero ang malaman ang LAYUNIN ay nagpapabago ng inyong puso.

Tinanong ko ang ilang tao na nakilala ko sa 2025 NaCoLayan (Naic, Bacoor, Balayan) FSY at narito ang kanilang MGA LAYUNIN:

“Hindi lang tungkol sa kasiyahan ang FSY, kahit talagang puno ito ng kasiyahan. Sa FSY natutuhan ko kung paano magpasensya. Nakakilala ako ng mga tao na mababait na maaari kong maging malalapit na kaibigan at makagawa ng mga alaala na itatangi ko magpakailanman.”
Mark Daniel, 17, Naic Stake

“Ang mga aktibidad sa FSY ay nakatulong sa pagpapahusay ng maraming iba’t iba at makabuluhang mga kasanayan na magagamit ng mga kabataan kapag naglilingkod sila sa mga tungkulin sa Simbahan. Itinuro din sa amin ang kahalagahan ng panalangin at pagbabasa ng banal na kasulatan, mga gawi na magdudulot ng mga pagpapala at tutulong sa amin na maharap ang mga pagsubok.”
Lucy Rei Hiba-Jerusalem, 14, Bacoor Stake

“Sa pamamagitan ng mga debosyonal, pag-aaral ng banal na kasulatan, at mga klase, lumalim ang aming pananampalataya at pag-unawa, mas naging malapit kami sa aming Tagapagligtas na si Jesucristo. Pagkatapos ng FSY, natanto ko na mahalagang magkaroon ng ugnayan sa Kanya—ang pagiging malapit sa Diyos ay nagbibigay-daan kay Jesucristo na baguhin tayo mula sa loob palabas. Dapat din nating paligiran ang ating sarili ng mabubuting tao.”
Rhianne Zaraia P Quintal, 14, Balayan District

“Nabinyagan ako isang linggo bago nagsimula ang FSY conference. Bilang bagong miyembro, nakatulong ang mga karanasan sa FSY na mapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo at sa Ama sa Langit, at marami akong natutuhan tungkol sa mga banal na kasulatan. . .”
Norberto Chio III, 18, Naic Stake

“Tinulungan ako ng FSY na manatili sa landas ng tipan, palakasin ang aking pananampalataya, at sundin ang Mga Kautusan ng Panginoon. Ito ay isang karanasan na masaya at nagpapabago ng buhay lalo na sa akin bilang first-time counselor. Tinuruan ako ng FSY na maging mas matiyaga, maunawain, at mapagpatawad. Alam ko na kapag inanyayahan natin ang Espiritu na mapasaatin, tutulungan Niya tayo na gumawa ng mabubuting bagay sa buhay. Bukod pa rito, napalakas ang hangarin ko na magmisyon. Itinuro sa akin ng programang ito na mahalin ang isa’t isa, na tayo ay mga anak ng Diyos, at gusto ko ang pakiramdam na maglingkod sa Kanya.”
Kirstine Faith Benavidez, 20, Naic Stake

“Hindi lamang para sa mga kabataan ang FSY, ito rin ay PARA SA LAKAS ‘KO’. Binago ako ng mga halimbawa ng mga kabataan, ng kanilang dalisay na patotoo at pananampalataya, maging ang mga kaibigan ko na hindi miyembro ay napansin ang pagbabago sa akin nang pumasok ako sa paaralan pagkatapos dumalo sa FSY. Labis akong nagpapasalamat para sa oportunidad na mapaglingkuran ang ating mga kabataan bilang isa sa kanilang mga counselor.”
Nicco Calapati, 24, Balayan District

“Maaaring mabago ng FSY Conference ang buhay ng mga kabataan at gayon din ng mga lider. Noong 2023, dumalo ako sa aking una at huling FSY Conference bilang isang kalahok, hindi maganda ang mental, emosyonal, at espirituwal na kalagayan ko, pero pinayuhan pa rin ako ng nanay ko na pumunta. Hindi ko alam kung talagang mababago nito ang aking buhay. Nakatagpo ako ng isang kaibigan na talagang nagmalasakit at nakinig sa akin, sa mga dalamhati at kalungkutan ko. Naroon siya ng kailangan ko ang isang kaibigan na makikinig sa akin nang walang panghuhusga. Nadama ko ang pagmamahal ng Diyos matapos kaming mag-usap at iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit ko tinanggap ang calling bilang FSY Counselor, gusto kong madama ng bagong henerasyon ang pagmamahal ng Diyos, na anumang kalagayan at hamon ang nararanasan nila palaging nariyan ang Diyos para sa kanila at magpapadala Siya ng anghel (tulad ng isang kaibigan) na tutulong at magpapalakas sa kanila.”
Joemerly Hular, 20, Bacoor Stake

Lagi nating panghawakan ang ating “mga Layunin,” lalo na ang mga dahilan kung bakit tayo sumusunod sa Kanya.

Lubos akong nagpapasalamat sa karanasang ito. Natutuwa ako dahil alam kong ginawa ko ang lahat ng aking makakaya—hindi lamang bilang FSY leader, kundi bilang Kanyang mga kamay sa pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo.

Habang patuloy tayo sa paglalakbay sa buhay, nawa’y palagi nating maalaala ang magandang paanyaya mula sa tema ng 2025 FSY:

“Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36).

Siya ang ating tunay na lakas. Siya ang ating tunay na “Dahilan”.