Sesyon sa Linggo ng Hapon
“Masdan, Ako ang Ilaw na Inyong Itataas”
Mga Sipi
Lagi nating kasama ang Tagapagligtas sa ating mga paglalakbay sa mundo. … Muli’t muli, sa Kanyang dalisay na pagmamahal at awa, pinalalakas Niya tayo habang hinaharap natin ang mga hamon sa buhay. …
Ang pagmamahal na iyan ay makikita kapag sinusuportahan natin ang isa’t isa sa Kanyang gawain.
Sinasang-ayunan natin ang ating buhay na propeta sa pangkalahatang kumperensya, at ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, mga General Authority, at mga Opisyal ng Simbahan. Ang ibig sabihin ng pagsang-ayon ay ang pagsuporta sa ibang tao, pagbibigay-pansin sa kanila, pagiging tapat sa kanilang tiwala, pagkilos ayon sa kanilang mga salita. Nagsasalita sila sa pamamagitan ng inspirasyon ng Panginoon; nauunawaan nila ang mga napapanahong isyu, ang pagbagsak ng moralidad ng lipunan, at ang tumitinding pagtatangka ng kaaway na hadlangan ang plano ng Ama. Sa pagtataas ng ating mga kamay, nangangako tayo na susuporta, hindi lamang sa sandaling iyon kundi sa buhay natin sa araw-araw. …
… Itinataas natin ang liwanag ng Panginoon kapag kumakapit tayo nang mahigpit sa ating mga tipan at kapag sinusuportahan natin ang ating buhay na propeta habang sinasabi niya ang mga salita ng Diyos. …
Ang pagsang-ayon sa propeta ay sagradong gawain. Hindi tayo nananahimik lamang kundi aktibong nagtatanggol sa kanya, sumusunod sa kanyang payo, itinuturo ang kanyang mga salita, at nananalangin para sa kanya. …
Mga kapatid, kailangan natin na higit na magbigay ng lakas kaysa bumulung-bulong pa, mas sumunod sa salita ng Panginoon, sa Kanyang mga pamamaraan, at sa Kanyang propeta. …
… Kapag sinasang-ayunan natin ang ating propeta, pinatototohanan natin na tinawag siya ng ating Tagapagligtas, “ang liwanag … ng sanlibutan.”