Sesyon sa Sabado ng Hapon
Pag-ayon ng Ating Kalooban sa Kanyang Kalooban
Mga Sipi
Mahal kong mga kaibigan, kung pipiliin natin ang Diyos na maging pinakamakapangyarihang impluwensiya sa ating buhay nang higit sa mga makasariling hangarin, makasusulong tayo sa ating pagkadisipulo at madaragdagan ang ating kakayahang pag-isahin ang ating isipan at puso sa Tagapagligtas. Sa kabilang banda, kung hindi natin hahayaang manaig ang pamamaraan ng Diyos sa ating buhay, tayo ay maiiwan sa ating sarili, at dahil walang inspiradong patnubay ng Panginoon, maaari nating pangatwiranan ang halos anumang bagay na ating gagawin o hindi gagawin. Maaari din tayong magdahilan para sa ating sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay ayon sa ating paraan, na [parang sinasabi na], “Ginagawa ko lang ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan.” …
… Bagama’t nakakaimpluwensya ang mga personal na kalagayan tulad ng genetics, heograpiya, at pisikal at mental na mga hamon sa ating mortal na paglalakbay, sa mga bagay na tunay na mahalaga, tayo ay may kakayahang mag-isip at malaya tayong pumili kung magdedesisyon tayong sumunod o hindi sa huwarang inihanda ng Panginoon para sa ating buhay. …
Bilang mga disipulo ni Cristo, ninanais nating lumakad sa landas na Kanyang minarkahan para sa atin sa Kanyang mortal na ministeryo. Hindi lamang natin ninanais na gawin ang Kanyang kalooban at lahat ng nakalulugod sa Kanya kundi hinahangad din nating tularan Siya. …
Pinatototohanan ko sa inyo na ang pagsunod sa kalooban ng Panginoon sa buhay natin ay magbibigay sa atin ng kakayahang mahanap ang pinakamahalagang perlas sa mundo—ang kaharian ng langit. Dalangin ko na ang bawat isa sa atin, sa ating oras at panahon, ay maipahayag, nang may tiwala sa tipan, sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas na si Jesucristo na “kung ano po ang naaayon sa Inyo ay naaayon din po sa akin.”