Mensahe Ng Area
Nakatulong ang Maputik na “Barya” Para Manatili ang Pamiilya sa Landas ng Tipan
Noong 2015, nagpunta ang tatlong-taong-gulang na si Arwen Villapando mula sa Quezon City sa tindahan sa kanilang lugar para bumili. Habang naghihintay na masilbihan, nakatayo siya sa isang maputik na bangketa at napansin niya ang isang mukhang malaking barya sa natuyong putik. Sa pag- aakalang pera iyon, iniuwi niya iyon.
Ang kanyang amang si Ireneo ay bagong-binyag na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang kanyang inang si Maribel ay tinuturuan noon ng mga missionary. Gusto nilang usisain ang maputik na baryang iniuwi ng kanilang bunsong anak kaya nilinis nila iyon. Inabot ng ilang araw ang paglilinis niyon, at kinailangan pa nga nilang gumamit ng steel brush. Nang kayurin nila ang putik, lumitaw ang mga salitang “Aaronic Priesthood” at pagkaraan ng ilang sandali ay lumitaw ang mga larawan ng templo at tatlong personahe. Ang pamilyar na mga ukit na iyon ay naghikayat sa kanila na linisin ang medalyon at itago iyon bilang souvenir. Hindi nila iyon sinabi kahit kanino hanggang noong Setyembre 2017 sa isang Stake Family Discovery Day.
May maliit na kahon sa isang booth na binisita ng nanay ni Arwen kung saan nakadispley ang isang pamilyar na barya. Nagulat siyang makita na katulad iyon ng kanilang barya! Matapos magtanong, nalaman niya na iyon ay isang medalyon na ibinibigay sa mga kabataang lalaki na tagumpay na nakatapos ng programang Tungkulin sa Diyos.
Sa huli ay ikinuwento ng pamilya Villapando kung paano nila natagpuan ang medalyon. Gusto silang tulungan ng mga miyembro na mahanap ang may-ari ng medalyon pero walang makapagturo sa kanila. Para sa pamilya, ang medalyon ay isang paalala mula sa Ama sa Langit na manatili silang tapat sa mga tipan na ginawa nila bilang mga miyembro ng Simbahan.
Si Arwen ay nabinyagan sa panahon ng pandemya. Lumaki siyang malapit sa kanyang dalawang ate na sina Marian at Myaka, kahit hindi pa sumasapi si Myaka sa Simbahan. Mayroon nang sariling tatlong anak na babae si Marian, sina Franz (8), na nabinyagan kamakailan, Reign (5), at Angela, (3).
Sa paglipas ng mga taon, ang medalyon ay naging isang paalala kay Brother Ireneo na payabungin ang kanyang priesthood at akayin ang kanyang pamilya sa pagsasabuhay ng ebanghelyo. Para kay Sister Maribel, isang aral iyon na hindi ang materyal na kayamanan o pera ang pinakamahalagang bagay sa mundo. Iyon ay ang pagkakaroon ng isang masaya at malusog na pamilya at pananatiling nagkakaisa sa paglilingkod sa Panginoon. Para kay Arwen, ang medalyon ay nagtuturo sa kanya na siya ay anak ng Diyos, at na ang kanyang potensyal sa walang- hanggang paglago ay walang hangganan.
Hanggang sa araw na ito, itinatago pa rin ng pamilya Villapando ang medalyon bilang isang paalala na gumawa sila ng tamang desisyon nang sumapi sila sa Simbahan, at gagawin nila ang lahat para manatili sa landas ng tipan.