Mula sa Lingguhang YA
Ang Bigla Kong Natanto tungkol sa Pagiging Disipulo sa Isang Pamilyang Hindi Aktibo sa Simbahan
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay higit na tungkol sa pagmamahal sa iba kaysa sa pagsisikap na baguhin sila.
Noong lumalaki ako, kumplikado ang mga relasyon sa pamilya ko. Nang umalis ako papunta sa misyon, kami lang ng nanay ko ang aktibong miyembro ng Simbahan.
Nang matapos ang aking misyon, nadama ko na responsibilidad kong tulungan ang tatay ko at dalawang kapatid na babae na mabalik ang kanilang pananampalataya. Naisip ko na parang pagtuturo lamang ito sa mga estrangherong nakasalubong ko sa daan noong missionary ako.
Higit kailanman, inasam kong tulungan ang pamilya ko na madama ang kagalakang nadama ko sa pamumuhay ng ebanghelyo. At higit sa lahat, inasam ko na sa huli ay mabuklod kami bilang pamilya sa templo, isang bagay na pinangarap ko mula pa noong bata pa ako.
Sa halip, nakakanerbiyos ang mga relasyon sa aming pamilya. Puno ng pagtatalo ang pamilya ko at nanatiling hindi natutugunan ang aking mga inaasahan at ang mga pagkukumpara ko sa ibang pamilya ay nagpalala sa pagkabagabag ng konsiyensya ko. Naramdaman ko ang matinding kakulangan sa kakayahan, at binigyang-diin kapwa ng mga kaibigan at kapamilya ko ang aking mga pagkakamali bilang returned missionary.
Hindi ko maintindihan kung paano nakatulong sa pamilya ko ang aking tapat na paglilingkod. May mali ba akong ginawa?
Pagmamahal na Katulad ng kay Cristo
Pagkaraan ng ilang sandali ng pag-iisip tungkol sa isyung ito, bigla kong natanto ang tungkol sa pagiging disipulo. Natanto ko na ang ebanghelyo ay higit pa sa paghikayat sa mga tao na magsimba; tungkol iyon sa pagpapalakas ng mga relasyon at pagpapakita ng pagmamahal na katulad ni Cristo. Ang pagbabagong ito sa pananaw ay hindi nangangahulugan na sumuko na ako—sa halip, pinili kong magtuon sa pagmamahal.
Sabi ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, “Bagama’t hindi perpekto ang ating pamilya, maaari nating gawing perpekto ang ating pagmamahal hanggang sa ito ay maging permanente, hindi nagbabago, walang pinipili—ang uri ng pagmamahal na naghihikayat ng pagbabago at paglago at pagbabalik-loob.”
Alam ko na mayroong kailangang magbago. Sa halip na subukang hikayatin ang pamilya ko na ipamuhay ang ebanghelyo, nakatuon ako sa pagmamahal at pagpapatibay ng ugnayan ko sa kanila. Nagpasiya akong mahalin sila hindi dahil sa kanilang ginawa o hindi ginawa kundi dahil gusto ko lang magpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao para sa mga pinakamamahal ko sa mundong ito.
Mga Tanong na Hindi Nasagot
Kahit may ganitong pagbabago ng pag-iisip, marami akong tanong na hindi nasagot kung ano ang magiging tingin ng aking pamilya sa kawalang-hanggan. Isa akong planner, at nakakatakot na hindi malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
Ang isang bagay na nagbigay sa akin ng kapanatagan ay ang aking patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan. Kahit hindi ko nakikita ang hinaharap, ang Diyos—na lubos na matalino, mapagmahal, at maawain—ay kaya itong gawin. Bagama’t may mga tanong pa rin ako kung ano talaga ang magiging takbo ng mga bagay-bagay, alam ko na magiging maayos ang mga ito.
Ipinayo ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maaari nating subuking saka na lamang itanong kung paano at kailan at magtuon tayo sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, na mayroon Siyang kapangyarihang itama ang lahat at nasasabik Siyang gawin iyon.” Hindi ko maipaliwanag ang ginhawang nagmumula sa pagbibigay ng lahat ng aking kawalang-katiyakan at kalungkutan sa Tagapagligtas.
Alam ko na “lahat ng di-makatarungan sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Naniniwala ako na ang plano ng Diyos ay perpekto, at dahil tayo ay Kanyang mga anak, nais Niya tayong maging masaya. Walang nakapagdulot sa akin ng higit na kagalakan at katiyakan kaysa sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo.
At walang nagbigay-daan sa akin na puspusin ang puso ko ng mas tunay na pagmamahal sa aking pamilya at mga kaibigan kaysa sa pagsunod sa Kanya.