“Pag-aalaga: Isang Pandaigdigang Inisyatiba para sa Kapakanan ng Kababaihan at mga Bata,” Liahona, Hulyo 2025.
Mga Babaeng Nakipagtipan
Pag-aalaga: Isang Pandaigdigang Inisyatiba para sa Kapakanan ng Kababaihan at mga Bata
Dinadala natin ang pagmamahal at ginhawang hatid ni Jesucristo sa buong mundo kapag inaalagaan natin ang mga tao sa ating sariling tahanan, mga kapitbahay, at komunidad.
Ang inspiradong gawain ng Relief Society ay nakaugat nang malalim sa pagkakawanggawa at pag-aalaga sa mga nangangailangan mula nang simulan ito ng Diyos noong 1842. Noong ika-20 siglo, nagpadala ang mga Relief Society sister ng mga butil na naimbak nila para mapakain ang mga naapektuhan ng kalamidad na dulot ng kalikasan at taggutom. Nagtayo sila ng mga ospital, tumulong sa mga kababaihan na mag-aral sa medical school, at nag-train ng kababaihan sa nursing at midwifery, na lubos na nagpababa sa dami ng namamatay na mga ina at bagong-silang na sanggol. Itinaguyod din nila ang edukasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga paaralan at mga programa sa pagbasa at pagsulat.
Ngayon, halos walong milyong Relief Society sister sa buong mundo ang nananatiling tapat sa pag-aalaga sa mga nangangailangan. Sinusuportahan ng Relief Society ang mga karanasan ng kababaihan para ihatid at matanggap ang tulong ng Tagapagligtas—temporal at espirituwal—sa lahat ng anak ng Diyos. Kapag nagbigay at tumanggap ng ginhawa ng Tagapagligtas ang kababaihan, higit silang nagiging katulad Niya, nadarama nila ang Kanyang pagmamahal, at naghahangad sila ng mas malalim na pakikipagtipan sa Kanya.
Ang pandaigdigang inisyatiba ng Simbahan na mapabuti ang kapakanan ng kababaihan at mga bata ay isang karanasan—isang oportunidad na maghatid ng temporal at espirituwal na ginhawa sa lahat ng mga anak ng Diyos. Ginagawa natin ito na kasama ang Kanyang Espiritu, ang Kanyang inatasang awtoridad sa priesthood, at ang Kanyang kapangyarihan, na natatanggap natin sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan sa Kanya.
Sa inisyatibang ito, hangad nating gawin ang pinakamalaking epektong posible upang mapagpala ang buhay ng kababaihan at mga bata sa pamamagitan ng apat na area na pinagtutuunan ng pansin:
-
Nutrisyon ng mga bata
-
Pag-aalaga sa mga ina at bagong-silang na sanggol
-
Mga pagbabakuna
-
Edukasyon
Bakit natin itinutuon ang ating lakas, puso, at resources sa isang pandaigdigang inisyatiba para mapabuti ang kapakanan ng kababaihan at mga bata? Dahil naniniwala tayo na ang pandaigdigang pag-unlad ay nagsisimula sa kababaihan at mga bata. Itinuro ni Pangulong Johnson: “Kapag pinagpala mo ang isang babae, pinagpapala mo ang isang pamilya, isang komunidad, isang bansa. Kapag pinagpala mo ang isang bata, namumuhunan ka sa hinaharap.”
Bilang bahagi ng pandaigdigang inisyatiba, inaprubahan ng Unang Panguluhan ang $55.8-milyong inisyatibang pinangungunahan ng Simbahan para mapabilis ang pagpapabuti ng nutrisyon at pag-aalaga sa kalusugan sa 12 bansa na may malaking pangangailangan. Sa pakikipagtulungan sa walong malalaking organisasyong hindi pag-aari ng pamahalaan, sinuportahan ng Simbahan ang mga programa na nagbigay ng pakinabang sa kalusugan at kapakanan ng mahigit 14 na milyong bata at mga bagong-panganak at nagdadalang-taong ina noong 2024.
Kinausap ni Pangulong Camille N. Johnson ang isang ina na may tatlong anak sa isang food donation event sa Costa Rica. “Labis siyang nagpasalamat sa pagkain para sa gutom niyang mga anak,” sabi ni Pangulong Johnson. “Sinabi ko sa kanya na mahal ko siya at, ang mas mahalaga, na mahal siya ng Diyos.”
Bahagi ng Isang Mahalagang Adhikain
Nang maglakbay ako (si Pangulong Johnson) sa Costa Rica noong nakaraang taon, nagkaroon ako ng oportunidad na tumulong sa isang food donation event. Naantig ako nang makilala ko ang maraming kababaihan at mga bata na dumating para tumanggap ng masustansyang pagkain. Naisip ko na ginagawa natin ang gustong ipagawa sa atin ng Tagapagligtas. Nakilala ko si Yumana at ang kanyang tatlong magagandang anak. Nagbebenta ang tapat na babaeng ito ng ribbon roses na ginawa niya para matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Laking pasasalamat niya sa pagkain para sa gutom niyang mga anak. Sinabi ko sa kanya na mahal ko siya at, ang mas mahalaga, na mahal siya ng Diyos. Tumanggap si Yumana ng temporal na ginhawa at espirituwal na ginhawa nang madama at kilalanin niya ang pagmamahal ng Diyos.
Itinuturing natin ang pandaigdigang inisyatibang ito bilang bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Kapag nakatanggap ng temporal na kaginhawahan ang mga tao, umaasa tayo at inaasahan natin na madarama nila ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanila at hahangarin nilang makipagtipan o mapalalim ang pakikipagtipan nila sa Kanya.
Ang pagsisikap na mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng kababaihan at mga bata ay pagtupad sa banal na responsibilidad na alagaan ang mga nangangailangan. Subalit ang inisyatibang ito ay nagpapala sa mga tao sa iba pang mga paraan:
-
Dinaragdagan nito ang intelektuwal at pisikal na kakayahan ng lumalaking henerasyon, at tinutulungan silang maabot din ang kanilang espirituwal na potensyal.
-
Pinag-iibayo nito ang pagtulong sa ating mga kapitbahay at kaibigan, at marami sa kanila ay nais ding matutuhan kung paano tulungan ang sarili nilang mga anak.
-
Naglalaan ito ng isang adhikaing nakasentro sa ebanghelyo na nagtataguyod ng makabuluhang paglilingkod at ng mga oportunidad na maglingkod para sa kababaihan, lalo na sa kababaihang young adult.
Nais ng henerasyon ng mga young adult ngayon na maging bahagi ng isang mahalagang adhikain, isang adhikaing gumagawa ng tunay na epekto at kaibhan sa mundo. Umaasa kami na ang pandaigdigang inisyatibang ito ay makakatulong sa ating kababaihan na makita na kabilang na sila sa isa sa mga pinakadakilang adhikain sa lupa: ang banal na organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, ang Relief Society.
Naniniwala kami na ang pandaigdigang inisyatibang ito ay magbibigay ng inspirasyon sa ating mga miyembro at kaibigan na maglingkod sa kanilang mga komunidad. Umaasa kami na makikita nila na:
-
Inuuna ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga isyung nakakaapekto sa kababaihan at mga bata at naglalaan ng resources para mapabuti ang kanilang kalusugan at kapakanan.
-
Ang Simbahan at ang Relief Society nito ay nangunguna sa mundo sa pagtugon sa mga isyung pangkawanggawa.
-
Ang Relief Society ay pinamumunuan at binubuo ng kababaihang nagpapabuti sa buhay ng mga indibiduwal, pamilya, at komunidad.
Simula pa lamang ito ng isang pambihirang bagay na magpapala sa buhay ng napakaraming magbibigay at tatanggap ng ginhawa ng Tagapagligtas ngayon, at sa mga darating na mga taon, habang patuloy na umuunlad ang pandaigdigang inisyatibang ito.
Isang medical professional ang sumusuri sa isang bata sa Pilipinas. Ang nutrisyon ng bata ay isa sa apat na area na pinagtutuunan ng pansin ng pandaigdigang inisyatiba ng Simbahan upang mapabuti ang kapakanan ng kababaihan at mga bata.
Sa Ating mga Nasasakupan
Sa buong mundo, kumakatawan ang pandaigdigang Simbahan sa bawat isa sa atin bilang mga miyembro sa pagtitipon ng mga organisasyon na mga eksperto sa pagtugon sa malalaking isyu sa malalayong lugar. Magkagayunman, marahil ang pinakamahusay na tulong na pangkawanggawa ay ginagawa malapit sa bahay habang nag-aalok kayo ng tulong sa kabila ng bakod o sa tapat ng bahay ninyo. Ipinamumuhay ninyo ang inyong mga tipan at nakikibahagi sa ating pandaigdigang adhikain kapag kumikilos kayo nang may habag na tulad ni Cristo at mapagmahal na pinangangalagaan ang mga miyembro ng inyong sariling pamilya, mga kapitbahay, at komunidad.
Maaaring hindi ninyo makumpuni ang bubong ng isang kapitbahay o hindi kayo makapunta sa ibang bansa para linisin ang bahay ng mga tao pagkaraan ng isang matinding bagyo, pero maaari bang basahan ninyo ang isang bata, pakinggan ang isang kaibigang nahihirapan, o magbigay kayo ng handog-ayuno? Bawat pagsisikap ay napakahalaga sa gawaing ito na alagaan ang mga nangangailangan. Salamat sa pagiging daluyan sa pagtanggap ng iba ng ginhawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagiging Kanyang magigiliw na kamay, Kanyang maliliksing paa, Kanyang mga taingang nakikinig, Kanyang mga labing magandang magsalita.
Habang pinagsasama-sama ng Simbahan ang mga organisasyon upang magtulungan para sa kalusugan at kapakanan ng kababaihan at mga bata sa iba’t ibang bansa, pinagsasama-sama ng kababaihan ng Relief Society ang mga tao para matugunan ang mga hamon sa sarili nilang mga komunidad. Ang kababaihan ng Relief Society ay kinikilala ang mga pangangailangan, nangangalap ng resources, at tumutulong na tugunan ang mga hamon. At ginagawa natin ito sa tulong ng Espiritu, na naghahatid ng pagmamahal at ginhawa ni Jesucristo sa lahat ng mga anak ng Diyos.
Nang makita ang mga pangangailangan ng mga imigrante sa Milan, Italy, nag-organisa ang kababaihan ng Relief Society ng isang oportunidad na maglingkod para mabigyan sila ng damit at mga gamit sa bahay. Namigay ng gamit nang mga item ang ilang kababaihan, samantalang ang iba naman ay nag-organisa at naglinis ng mga donasyon. Mahalaga ang handog ng bawat babae. Tinulungan ng kababaihan ng Relief Society ang mga bisita na madama ang pagmamahal ni Jesucristo nang magpunta sila sa donation center. Sabi ni Monia, isang babae sa Relief Society roon, “Mula sa maliliit na bagay ay nagmumula ang mga dakilang bagay. At mapagpapala natin ang mga tao sa loob at labas ng Simbahan. Ito ang ebanghelyong kumikilos.”
Sa pagsasalita sa kaoorganisa pa lamang na Relief Society, sinabi ni Propetang Joseph Smith sa kababaihan, “Nasa sitwasyon kayo ngayon na makakakilos kayo ayon sa pagdamay na iyon sa kapwa na itinanim ng Diyos sa inyong puso.”
Habang nasa Guadalajara, Mexico, nalaman at nakita ni Sister Yee ang napakaraming magagandang halimbawa ng kababaihan na kumikilos ayon sa mga pagdamay na iyon nang hangarin nilang matugunan ang isang pangangailangan sa lugar.
Isa sa mga babaeng iyon si Sister Pulido, na nakakita sa pangangailangan sa isang lokal na ospital na tulungan ang mga pamilya at indibiduwal na nagmula sa malayo at nangangailangan ng pagkain at damit habang naghihintay silang magamot. Tinipon niya ang 120 kababaihan ng Relief Society, ilang missionary, at iba pa sa komunidad para makahanap ng mga donasyong pagkain, tubig, kumot, at damit. Mga 1,500 katao ang namigay ng mga produkto, at naghanda ang kababaihan at iba pa ng tanghalian at pagkain para sa halos 1,200 katao. Ibinigay ang mga produkto sa mga naghihintay na magamot sa ospital.
Sinabi ng sister na ito na ginagawa niya ito dahil nahabag siya sa mga taong ito. Habang lumuluha, mapagpakumbaba niyang ipinaliwanag na naranasan na rin niyang pumunta sa ospital at maghintay para maipagamot ang kanyang asawa sa kanser. Sinabi niya na ang pinakamalaking pagpapala at hangarin niya ay maglingkod na tulad ng Tagapagligtas.
Paghahatid ng Ginhawa ng Tagapagligtas
Mga kapatid, ipinagkatiwala sa atin ang sagradong gawain na ihatid ang ginhawa ng Tagapagligtas—temporal at espirituwal—sa buong mundo. At magagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga tao sa sarili nating nasasakupan. Napakagandang kaloob at pagpapala nito. Ang pakikilahok sa pandaigdigang inisyatibang mapabuti ang kapakanan ng kababaihan at mga bata ay isa sa maraming karanasan na mas naglalapit sa atin sa Tagapagligtas. Sa pagkilos na tulad Niya, nadarama natin ang Kanyang pagmamahal; at lumalago ang ating katapatan, at pakikipagtipan sa Kanya.
Salamat sa pagtulong sa amin na maihatid ang pagmamahal at ginhawa ni Jesucristo sa ating mga kapatid sa lahat ng dako.
Sa pagsisikap na tularan si Jesucristo, ang pinakamahalagang kinakailangan natin bilang Kanyang mga disipulo ay kilalanin ang agarang indibiduwal na mga pangangailangan sa ating paligid at tumugon nang may tiyaga at pagmamahal.
Sinabi sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson sa Pandaigdigang Debosyonal ng Relief Society noong 2024, “Binabasbasan ko kayo na matanto na ang inyong mga banal na kaloob bilang anak ng Diyos ay nagbibigay sa inyo ng kapangyarihang baguhin hindi lamang ang mga buhay kundi ang mundo!”
Iyan ang di-pangkaraniwang utos sa atin!
Maluwalhating panahon ang maging kababaihang nakipagtipan at mga miyembro ng isang samahan na naghahatid ng ginhawa ng Tagapagligtas—temporal at espirituwal—sa ating mga kapatid sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang pinakalayunin sa pagbibigay ng ginhawa at pag-asa sa sarili ay upang ihanda ang daan para sa ating mga kapatid na hangarin at tanggapin ang pagmamahal at awang matatangap ng mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos.
Nagpapatotoo kami na si Jesucristo ay ginhawa at na ang ginhawang alok Niya ay walang hanggan.