2025
Ramdam Ko ang Kapayapaan sa Puso Ko
Hulyo 2025


“Ramdam Ko ang Kapayapaan sa Puso Ko,” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Ramdam Ko ang Kapayapaan sa Puso Ko

Bilang isang nursing student, nadama ko na wala akong oras para sa calling ko sa Simbahan at sa aking pag-aaral. Pero natutuhan ko noong kabataan ko na ang paglilingkod at pagsunod sa mga utos ng Diyos ay humahantong sa masayang buhay.

pamilyang magkakasamang naglalakad sa kalye

Mga larawang kuha ni Christina Smith

Noong tinedyer pa ako, naisip kong ihiwalay ang sarili ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pero kasabay nito, natanto ko na hindi ko sinusunod ang lahat ng turo ng Simbahan. Nagpasiya ako na kung ihihiwalay ko ang sarili ko sa Simbahan, gusto kong maging maganda ang pakiramdam ko tungkol doon.

Kaya, nagpasiya ako na sisikapin kong sundin ang lahat ng itinuturo ng ebanghelyo. Pagkatapos, kung nadama ko sa aking kalooban na walang katuturan ang mga turo, maaari akong umalis nang walang anumang pagsisisi.

Buong “kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2) kong sinikap na sundin ang itinuturo ng Panginoon at hinintay ang magiging resulta. Sa pamamagitan ng karanasang iyon, binigyan ako ng isang panahon ng kaligayahan sa antas na halos hindi ko pa naranasan kailanman. Sa pananatili sa Simbahan, nadama ko na maaari akong mamuhay nang masaya, na nalalaman kung ano ang tunay na kaligayahan.

Matapos ang karanasang iyon, ipinasiya kong magmisyon at ibahagi ang kapayapaang nadama ko sa puso ko. Anuman ang mga pagsubok na haharapin ko, natutuhan ko na kung magdarasal ako sa Diyos, susuportahan Niya ako, bibigyan ng pag-asa, at tutulungan akong maunawaan ang dahilan ng aking mga paghihirap.

Ano po ang Dapat Kong Gawin?

Pagkatapos ng misyon, habang nag-aaral ako para maging nurse, gumugugol ako ng maraming oras bawat araw sa paggawa ng on-the-job training. Pagkatapos, gumagawa ako ng mga takdang-aralin hanggang alas-2 o alas-3:00 ng umaga. Pagkatapos ay natutulog ako nang kaunti bago gumawa ng iba pang on-the-job training kinabukasan.

Sa panahong iyon, naglilingkod ako bilang ward Young Men president. Napakahirap para sa akin ang mag-aral at gampanan ang calling ko sa Simbahan. Gayunman, alam ko na kung titigil ako sa aking calling, hindi ko maituturo sa mga kabataang lalaki ang kahalagahan ng pagsunod sa landas ng Diyos o matatanggap ang mga pagpapalang inilaan Niya para sa akin.

“Ano po ang dapat kong gawin?” tanong ko sa Ama sa Langit. “Naguguluhan ang aking katawan at isipan, at palagay ko ay hindi ko ginagawa ang uri ng trabaho na nais Ninyong ipagawa sa akin.”

Pagkatapos kong magdasal, napanatag ako. Nadama ko na sinasabi sa akin ng Diyos, “Ang oras na ito na ginugugol mo sa katatrabaho ay mahalaga para sa iyo. Maaaring mahirap ang iyong abalang iskedyul, pero kung madaraig mo ang pagsubok na ito ngayon, kakasangkapanin kita para pagpalain at tulungan ang marami pang iba sa hinaharap.”

Ang sagot na ito ay nagbigay sa akin ng katiyakan na ako ay may layunin, na kung magtitiis ako, magagawa ko ang isang espesyal na gawain sa hinaharap.

Inamin ko sa mga kabataang lalaki kung gaano kahirap ang pag-aaral para sa akin. Pero sinabi ko rin sa kanila na mahalaga ang Simbahan at ang ebanghelyo at dapat maging sentro ng aming buhay ang mga ito kahit sa gitna ng mga paghihirap. Ipinahayag ko ang aking pagmamahal sa kanila at sinabi ko sa kanila na nagsisikap akong gampanan ang calling ko dahil mahalaga rin sila sa akin tulad ng aking pag-aaral. Napaluha sila nang maantig ng katotohanan ng mga bagay na ito ang puso nila.

Pinagpala sa Paglilingkod

Habang patuloy kong pinaglingkuran ang mga kabataang lalaki at tinuruan sila ng ebanghelyo, pinag-isipan ko nang husto ang kanilang masalimuot na damdamin bilang mga tinedyer habang nasisimba sila at natututuhan ang ebanghelyo. Nakatuon ako sa kalusugan ng kanilang isipan at tinulungan ko sila sa kanilang indibiduwal na mga pangangailangan.

Ang paglilingkod sa mga kabataang lalaki ay nakatulong sa akin na magkaroon ng kakayahang masdan at pansinin ang maliliit na pagbabago sa mga tao. Ngayong nagtatrabaho na ako bilang nurse at nag-aalaga sa napakaraming pasyente, sinamantala ko ang kakayahang iyon kapag nakikipag-ugnayan ako sa iba.

“Sabi ng pasyenteng iyon, nauunawaan mo talaga ang damdamin niya,” sabi sa akin ng mga katrabaho ko. O maaaring sabihin ng isang pasyente, “Para sa akin ay madali kang kausapin.”

pamilyang nakatipon sa paligid ng mesa

Ang paglilingkod sa mga calling sa Simbahan ay nagpala rin sa akin sa tahanan. Natutuhan kong unahin ang asawa ko dahil natuto ako na di-gaanong magtuon sa sarili.

“Kung ako ang Ama sa Langit,” tanong ko sa sarili ko, “paano Niya patatatagin ang pamilyang ito, at ano ang dapat kong gawin para makamit iyan?”

Dahil buong puso kong pinag-aralan ang ebanghelyo, alam ko kung paano at bakit dapat ituro sa aking mga anak na mahalaga ang Simbahan. Alam naming mag-asawa kung paano pangalagaan ang aming pamilya sa espirituwal na paraan dahil ibinabatay namin ang aming mga turo sa mga turo ng Tagapagligtas.

pamilyang nagdarasal

Nadarama ko ang pag-asa at kapayapaan sa puso ko sa pagsunod sa mga turo ng Panginoon at pakikinig sa Kanyang mga pahiwatig. Nasa tabi ko Siya sa buong paglalakbay ko, at pinagpapala ako dahil sa aking pagsunod at mga calling upang pagpalain at tulungan ang iba. Anuman ang mga pagsubok, nais kong mamuhay sa isang paraan na magagawa ko ang nais ni Jesucristo (tingnan sa 2 Nephi 32:3).