2025
Magalak sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo
Hulyo 2025


“Magalak sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo,” Liahona, Hulyo 2025.

Magalak sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo

Ang huling kalalabasan ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos ay mga pagpapalang naghahatid ng kaligayahan at kagalakan.

nakangiting mga miyembro ng Simbahan sa Thailand

Larawan ng masasayang miyembro ng Simbahan sa Thailand na kuha ni Christina Smith

Habang naglilingkod bilang mission leader sa Japan ilang taon na ang nakararaan, dumalo ako sa isang weekend conference sa isang lungsod sa kanayunan sa isa sa malalayong sulok ng aming mission. Pinainterbyu sa akin ng district president ang isang lalaking sumapi sa Simbahan isang taon na ang nakararaan at naghahangad na makatanggap ng temple recommend. Inasam nitong makatanggap ng sarili niyang endowment pagsapit o bago sumapit ang unang-taong anibersaryo ng kanyang binyag.

Sa aming pag-uusap, ipinaliwanag ng bagong miyembrong ito kung gaano kalaki ang kanyang pasasalamat sa saganang pagpapalang natanggap niya sa taon na iyon mula nang mabinyagan siya. Masaya siya sa pagdalo sa lingguhang sakramento at sa iba pang mga miting. Naging malalim ang kanyang pakikibahagi sa mga aktibidad ng kanyang branch. Para sa akin, nagpakita siya ng tiwala sa tipan nang maunawaan niya ang kanyang layunin sa ebanghelyo, na ngayo’y isa nang mahalagang bahagi ng buhay niya. Siya ay isang nagbalik-loob na disipulo ni Cristo na nakaranas ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2).

Ang natitirang bahagi ng aming pag-uusap ay sumunod sa isang huwaran ng pag-asa. Tinalakay namin ang mga ordenansa at tipan na magiging bahagi ng kanyang karanasan sa templo. Sumang-ayon siya sa bawat isa sa mga pamantayang tanong na may kaugnayan sa pagtanggap ng temple recommend.

Pagkatapos ng interbyu, naaalala ko na sinabi ko sa district president kung gaano kalaki ang pasasalamat ko na makilala ang gayon kahusay na lalaki. Sinabi ko sa kanya kung gaano kalaki ang paghanga ko na natagpuan ng mga missionary at miyembro, at espirituwal na inalagaan, ang isang taong gayon kahusay at malayo ang mararating.

Nagulat ako nang ibahagi ng district president na nang magsimulang tumanggap ng mga lesson ang lalaking ito mula sa mga missionary at magsimba mahigit isang taon na ang nakararaan, wala siyang tirahan at talagang dukha—halos walang pag-asa—ang sitwasyon. Pagkatapos ay ipinaliwanag ng district president kung paano humantong ang pag-aaral ng ebanghelyo ng brother na ito at ang kanyang pagbabalik-loob sa loob ng ilang buwan sa kanyang mahimalang pagbabago, na nagtulak sa kanya na tumahak sa landas kapwa ng espirituwal at ng temporal na pag-asa sa sarili at nagbigay sa kanya ng layunin at kagalakan.

Ang ebanghelyo ay nagbigay sa kanya ng malinaw na larawan ng layunin ng kanyang buhay. Nasagot ng malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo ang mahahalagang tanong tungkol sa mortalidad, simula sa kaalaman na “ang Diyos ang ating Ama sa Langit, at tayo ay mga anak Niya. … Kilala tayo ng Diyos nang personal at mahal Niya tayo.” Sa Kanyang plano, “Ang Ama sa Langit ay … nagbigay ng maraming kaloob at gabay para tulungan tayong makabalik sa Kanyang piling.”

Gayon ang naging pagpapala para sa lalaking ito, na matatanggap din ng lahat ng mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang Layunin ng Buhay

Dahil ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, “nauunawaan natin ang layunin ng buhay, kung sino tayo,” pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023). Sa kanyang huling patotoo sa Simbahan, sinabi ni Pangulong Ballard, na noon ay Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Alam natin kung sino ang Diyos; alam natin kung sino ang Tagapagligtas, dahil kay Joseph, na nagpunta sa kakahuyan noong bata pa, na naghahangad na mapatawad ang kanyang mga kasalanan. …

“Namamangha ako, at tiyak kong gayon din ang marami sa inyo, na napakapalad nating malaman ang alam natin tungkol sa ating layunin sa buhay, kung bakit tayo narito, at kung ano ang dapat nating sikaping gawin at isakatuparan sa ating pang-araw-araw na buhay.”

Para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kabilang sa kaalamang iyon ang pagkaunawa sa “perpektong plano” ng kaligtasan ng Diyos. Kilala rin bilang “dakilang plano ng kaligayahan,” “plano ng pagtubos,” at “plano ng awa” (Alma 42:8, 11, 15), ito ay “nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap.” Kinakailangan sa planong iyan “ang doktrina ni Cristo,” na mahalaga sa layunin ng buhay.

Dahil nasa atin ang ebanghelyo, alam natin na tayo ay mga anak ng Diyos, isinugo sa lupa upang subukin, pinuhin, at ihanda na “[bumangon] sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, sa pamamagitan ng pagwawagi at kaluwalhatian ng Kordero” (Doktrina at mga Tipan 76:39). Alam natin ang mga kautusan at tinuruan tayo “nang sapat upang [ating] makilala ang mabuti sa masama” (2 Nephi 2:5). Alam natin na narito tayo sa lupa para magmahal at maglingkod. At alam natin na tinawag tayo ng Tagapagligtas na daigin ang mundo at tulungan ang iba na gawin din iyon (tingnan sa Juan 16:33; Doktrina at mga Tipan 64:2) bilang paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Kapag nakatuon tayo sa Kanya, ang tinawag ni Joseph Smith na “masayang himig ng Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo” ay magpapalakas sa atin sa mahihirap na araw at maghahatid ng kahulugan at layunin sa ating buhay at sa buhay ng iba.

Jesucristo

Every Knee Shall Bow [Bawat Tuhod ay Luluhod], ni Dan Wilson, hindi maaaring kopyahin

Pagsunod, mga Pagpapala, Kagalakan

Binigyan na tayo ng Diyos ng kalayaang moral upang tayo ang managot sa ating mga pasiya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:78; 2 Nephi 2:16). Bilang bahagi ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11), hinahayaan si Satanas na tuksuhin tayong gamitin sa maling paraan ang ating kalayaan.

Ngunit tinawag ng Panginoong Jesucristo, na “nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo” sa ating panahon, si Propetang Joseph Smith, “nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 1:17). Ang huwarang iyon kung saan inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga utos at kalooban sa Kanyang mga propeta ay nagpapatuloy sa ating panahon kay Pangulong Russell M. Nelson—at sa dahilan ding iyon. Hangad ng Diyos na akayin tayo tungo sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kaluwalhatiang selestiyal sa kabilang-buhay.

Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay dapat magmula sa ating debosyon at pagmamahal sa Kanya. Ipinahayag mismo ng Panginoong Jesucristo na ang mahalin ang Diyos “ang una at dakilang utos” (tingnan sa Mateo 22:37–38). Nagbigay Siya ng karagdagang kaalaman nang ipahayag Niya, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15).

May gantimpala para sa pagmamahal sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga utos. Sa dispensasyong ito ipinaliwanag Niya ang “isang batas, na hindi mababagong utos sa langit … , kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay—

“At kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (Doktrina at mga Tipan 130:20–21).

Kaya, ang huling kalalabasan ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa Panginoon sa pagsunod sa Kanyang mga utos ay mga pagpapalang naghahatid ng kaligayahan at kagalakan.

Ang pagtingin sa buhay sa pamamagitan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at makabagong paghahayag ay nagbibigay sa atin ng kalinawan. Taglay ang malinaw na pananaw tungkol sa ating banal na pinagmulan at tadhana, alam natin na “ang mismong mga bagay na magpapabuti sa [ating] mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa [ating] buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito!”

Pangwakas

Nagtatapos ako kung saan ako nagsimula, sa pag-alaala sa aking karanasan ilang taon na ang nakararaan sa isang bagong binyag sa Japan. Sa kanyang kasigasigan at sa kasigasigan ng mga missionary at miyembro, natagpuan niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nang matuklasan niya ang ebanghelyo, natuklasan din niya ang kanyang layunin, na nagpalawak sa kanyang pananaw. Natagpuan din niya ang dakilang plano ng kaligayahan. Ang pagsunod sa mga tipan sa ebanghelyo ng plano ay naghatid sa kanya ng mga pagpapala at kagalakan, na nagpasigla sa kanya sa temporal at espirituwal.

Ang paglalakbay niya tungo sa pagiging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay nagtulot sa kanya na maging saksi ni Jesucristo. Inilarawan ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kagalakang kasunod nito:

“Dahil sa mapagpalang plano ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak, at dahil sa mapagtubos na buhay at misyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, tayo ay maaaring—at dapat—maging pinakamasasayang tao sa buong mundo! Kahit na dumaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay sa magulong mundong ito, maaari tayong magkaroon ng kagalakan at kapayapaan ng kalooban dahil sa ating pag-asa kay Cristo at sa ating pag-unawa sa ating lugar sa magandang plano ng kaligayahan.”

Nagpapasalamat ako, at nagpapatotoo, sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang dakilang plano ng kaligayahang nakapaloob nang malalim dito. Inaanyayahan ko kayong makibahagi sa mga bunga ng ebanghelyo at makadama ng higit na kagalakan sa buhay na ito sa inyong paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan.