2025
Companionship Council: Paglikha ng Intensyonal na Kaligayahan sa Pagsasama ng Mag-asawa
Hulyo 2025


“Companionship Council: Paglikha ng Intensyonal na Kaligayahan sa Pagsasama ng Mag-asawa,” Liahona, Hulyo 2025.

Companionship Council: Paglikha ng Intensyonal na Kaligayahan sa Pagsasama ng Mag-asawa

Ang mga mag-asawa, tulad ng mga missionary, ay maaaring gumamit ng mga companionship council para mapabuti ang kanilang relasyon.

paglalarawan sa mga ibon na nakaupo sa sanga ng isang puno

Bilang bata pang estudyante ng peace and conflict studies sa kolehiyo, nagkaroon ako ng malaking interes sa anumang proseso na maaaring magamit sa paglutas ng hidwaan. Isang nagpapabago ng buhay na pakikipag-usap sa isang kaibigan ang nagturo sa akin ng isang proseso na noon ko lang narinig: companionship council.

Habang nagbabahagi tungkol sa kanyang misyon, sinabi sa akin ng kaibigan ko na ang companionship council ay ang regular na pakikipag-usap kung saan tinatalakay ng mga missionary companionship kung paano sila nagtutulungan at kung paano sila huhusay. Natuklasan ng kaibigan ko ang proseso na napakalaking tulong bilang missionary kaya nagplano siyang gamitin iyon sa pakikisama niya sa kanyang asawa balang-araw. Natanim sa isip ko ang ideyang ito. Binasa ko ang tungkol sa companionship council sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at kinausap ang iba pang mga returned missionary tungkol sa kanilang mga karanasan dito. Nakita ko kung paano magagamit ang mga companionship council, na katulad ng mga family council, para tugunan at pigilan ang marami sa mga mapanirang hidwaang kinakaharap natin sa ating mga relasyon ngayon.

Nagsimula kami ng asawa kong si James na magdaos ng lingguhang companionship council bago pa man kami ikinasal. Naaalala ko pa ang una naming pag-uusap. Si James ay tapat na tapat, mabait, maunawain, at handang seryosohin ang aking mga saloobin kaya naging tiwala ako sa kakayahan naming bumuo ng isang maligayang pagsasama.

Ngayong matagal na kaming nagsasama, naipagpatuloy namin ang tradisyon ng lingguhang companionship council. Bagama’t hindi perpekto ang aming relasyon, pareho kaming sumasang-ayon na ang maraming sesyon na idinaos namin ay nakatulong sa amin na magkaroon ng mas malaking kagalakan at katuparan sa aming pagsasama kaysa inakala namin.

Pagtingin sa mga Pagkakaiba Bilang Isang Oportunidad

Lumikha ang Diyos ng isang mundo na paulit-ulit Niyang hinati at pinag-iba-iba, at “nakita [Niya] na ito ay mabuti” (Genesis 1:10, 12, 18, 21, 25). Ang magandang pagkakaiba-ibang iyon ay isang impluwensya na nagreresulta sa iba’t ibang uri ng karanasan at pananaw sa mga anak ng Diyos. Habang maaaring parang nakakatakot na matanto na kahit ang mga mag-asawang tapat sa isa’t isa ay maaaring magkaroon ng malalaking pagkakaiba ng opinyon tungkol sa mahahalagang paksa, hindi tayo kailangang matakot. Dahil ang Tagapagligtas ang ating huwaran, maaari nating piliing unawain ang mga pagkakaiba-ibang ito sa mapagmahal, malikhain, at kapaki-pakinabang na mga paraan na humahantong sa mas kumpletong mga solusyon at mas maliligayang relasyon.

Kapag nakikipag-ugnayan tayo sa isa’t isa sa mas mataas at mas banal na paraang ito, nauunawaan natin na ang pagtatalo man o ang walang-kibong pagtanggap sa mga opinyon ng bawat isa ay hindi na kailangan, na ang pagiging tugma ay hindi katumbas ng pagiging magkapareho. Sa pagsasanay, ang magkakasalungat na opinyon ay magsisimulang magmukhang mga oportunidad para makipag-ugnayan sa halip na mga hadlang sa daan. Mapapalitan ang pagtatalo ng pagtutulungan, tiwala, at pagmamahal.

Ang companionship council, na sinamahan ng pagmamahal na tulad ni Cristo, ay maaaring makatulong sa inyo na gawing isang pagpapala ang hidwaan sa inyong sariling relasyon. Narito ang apat na tip na tutulong sa inyo na makapagsimula:

Pagdaraos ng Sarili Ninyong Companionship Council

1. Mangako

Isiping pagpasiyahan bilang mag-asawa na mas pagandahin ang inyong relasyon sa pamamagitan ng regular na companionship council, kahit test run lang ito sa maikling panahon. Hindi gaanong gagana nang maayos ang proseso kung walang lubos na pakikilahok ng mag-asawa.

2. Gumawa ng agenda

Ang iyong relasyon ay may natatanging mga kalakasan, kakulangan, at pangangailangan. Nasasaisip ito, tukuyin ang mga paksa na sa pakiramdam ninyo ay mahalagang talakayin sa inyong companionship council, tulad ng intimasiya, estilo ng pag-aalaga sa mga anak, pag-iskedyul, o pananalapi.

Kapag ginawa ninyong regular ang mga paksang ito sa inyong agenda, magkakaroon kayo ng puwang para sa mga saloobin at damdamin na maaaring lumitaw o marahil ay hindi nakikita sa mahihirap na sitwasyon.

3. Mag-iskedyul ng pagtikular na oras at maging handa

Isiping maglaan ng partikular na oras para sa inyong companionship council. Magpasiya kung ano ang pinakamainam para sa inyo at pagkatapos ay idaos talaga ito nang regular, na handang makinig nang may pagdamay, magbahagi nang tapatan, at maging mabait. Maaari mo ring itala ang napag-usapan ninyo sa inyong companionship council. Ang mga tala natin sa nakaraang linggo ay makakatulong sa atin habang naghahanda tayo para sa darating na sesyon.

Ang pagtatala ay makakatulong din sa inyo na maalala—sa mga salita ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985)—”ang inyong mga tagumpay laban sa paghihirap, ang inyong paggaling matapos mahulog, ang inyong pag-unlad noong tila madilim ang lahat, [at] ang inyong kagalakan kapag kayo ay [nagtagumpay].” Lubos kaming nagpapasalamat ni James na naitala namin ang halos 800 sesyon ng companionship council na naidaos namin sa mga nakaraang taon. Kaylaking kagalakang magbalik-tanaw sa nakaraan at makita kung gaano na kami umunlad!

4. Gawin ito nang regular

Maaaring parang nakakaasiwa o nakakatakot ang companionship council sa simula, pero magiging mas madali iyon kapag nasanay na kayo. Sa regular na pag-uusap, malalaman ninyong mag-asawa ang maliliit na isyu bago pa lumaki ang mga problema.

Ang hindi namin inasahan, nangyari ang isa sa pinakamasasakit na pagtatalo namin ni James sa companionship council. Mabilis at di-inaasahang lumaki ang hidwaan hanggang sa mag-away na kami, at pareho kaming nasaktan doon. Pero ang masakit na hidwaang iyon na nagsimula sa companionship council ay nalutas din sa companionship council. Alam namin na magkakaroon kami ng isa pang pagkakataon sa susunod na linggo at sa susunod pa.

Kaya pagkaraan ng isang buong linggo ng pagninilay at pagpapalamig ng ulo, sinubukan namin iyong muli, at sa huli ay nagkasundo kami sa kabila ng aming mga pagkakaiba. Nadama ko nang husto ang “personal na kapayapaan at biglang paglakas ng espirituwal na momentum” na ipinangako sa atin kapag nilulutas natin ang mga hidwaan sa paraan ng Tagapagligtas. Bawat hidwaang nalulutas natin nang may pagkamalikhain at pagmamahal ay magpapasulong sa atin at mag-aanyaya ng dagdag na impluwensya mula sa Espiritu Santo sa ating mga relasyon.

Maaaring may mga pagkakataon na pakiramdam ninyo ay wala kayong anumang hidwaan sa inyong relasyon, kaya maaari kayong matuksong laktawan ang companionship council. Nagdesisyon na kaming mag-asawa na huwag gawin iyon. Iyon ang mga panahon na maaaring maging dalisay na kagalakan ang companionship council—kapag pinag-uusapan natin kung ano ang tamang nangyayari, nagtatawanan tayo, nagbabahaginan tayo ng malalalim na saloobin, at lumilikha ng mga alaala.

Ang Pangako

Ginawa ng Ama sa Langit na natatangi ang bawat isa sa atin at pagkatapos ay inorganisa tayo sa mga relasyon. Inaasahan Niya na lulunasan natin ang ating mga pagkakaiba, hindi sa pagtatalo (tingnan sa 3 Nephi 11:29) kundi sa dalisay na pagmamahal ni Jesucristo, dahil alam Niya na mas maglalapit ito sa atin at sa Kanya (tingnan sa Mateo 5:9; Moroni 7:48).

Ibinigay sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na paratang na may pangako: “Ipakita natin na may mapayapa at magalang na paraan para malutas ang mga kumplikadong isyu at inspiradong paraan para malutas ang mga hindi pagkakasundo. Kapag nagpakita kayo ng pag-ibig sa kapwa na ipinapakita ng tunay na mga [alagad] ni Jesucristo, pag-iibayuhin ng Panginoon ang inyong mga pagsisikap nang higit pa sa inyong pinakamimithi.”

Maaari tayong sumulong sa landas ng tipan, na puno ng tiwala sa katiyakang iyon mula sa ating pinakamamahal na propeta. Malulutas natin ang ating mga hidwaan nang may pagkamalikhain at habag, “na ang [ating] mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).