2025
Mga Simpleng Paraan para Maging Higit na Katulad ni Cristo sa Ating Ministering o Paglilingkod
Hulyo 2025


“Mga Simpleng Paraan para Maging Higit na Katulad ni Cristo sa Ating Ministering o Paglilingkod,” Liahona, Hulyo 2025.

Mga Simpleng Paraan Para Maging Higit na Katulad ni Cristo sa Ating Ministering o Paglilingkod

Nasa buong paligid natin ang mga oportunidad na mag-minister o maglingkod na katulad ng Tagapagligtas.

paglalarawan kay Jesucristo na inaaliw ang isang binatilyo

Paglalarawan ni Jen Tolman

Ang gawain ng ministering o paglilingkod, na mula sa langit, ay hindi kumplikado. Ang pag-aalok ng higit na malasakit at pag-aalala ay kinabibilangan ng ilang pangunahing kasanayan na, kapag pinag-isipan nang mabuti, ay tumutulong na “[buksan] ang ating espirituwal na mga mata at [ipamuhay] ang batas ng pag-ibig nang walang itinatangi.”

Pinapayuhan tayo na “[pangalagaan ang ating] mga tao, at … [pangalagaan] sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan” (Mosias 23:18). Ang ilan sa mga pangunahing paraan ng paglilingkod ay:

  • Makipag-ugnayan sa kanila. Ganito nabubuksan ang mga oportunidad na maglingkod.

  • Ipaalam sa kanila na nagmamalasakit ka sa pamamagitan ng pagkilala sa kanila at pakikiramay.

  • Ipagdasal na magkaroon ng mga oportunidad na maglingkod at humingi ng inspirasyon na malaman ang kanilang mga pangangailangan.

  • Regular na makipag-ugnayan upang maging handa kang maglingkod.

Nasa buong paligid natin ang mga oportunidad na mag-minister o maglingkod na katulad ng Tagapagligtas. Narito ang apat na halimbawa na nagtatampok sa paglilingkod na tulad ni Cristo.

Kilalanin ang Iba

Ni Francisco Lázaro Campos de Sousa, Brazil

Sa isang elders quorum presidency meeting, nadama ko ang pagnanais na makilala ang isang miyembro ng korum na hindi aktibo, isang taong hindi ko pa kilala. Isang araw matapos mag-shopping ay bigla kong nahiwatigang pumunta sa bahay niya. Nag-alangan ako, pero lalong tumindi ang pakiramdam ko na makipagkita sa kanya. Nagpakilala ako at sinabi ko ang mga bagay na sumaisip ko. Sinabi ko sa kanya na kailangan siya ng Panginoon, at kailangan niya ang Panginoon.

Ibinahagi niya ang sakit ng kanyang pag-iisa at ang iba pang mga paghihirap. “Makakakita ka ng mga kaibigan sa korum na tutulong at susuporta,” sabi ko sa kanya. Agad niyang tinanggap ang aking paanyaya at dumalo siya sa mga Sabbath meeting.

Hindi ko siya kilala noong una, pero kilala siya at ramdam ng Panginoon ang nadarama niya. Muling napagtibay ang aking pananalig. Kapag naglilingkod tayo sa mga anak ng ating Ama at ipinagdarasal nating malaman ang kanilang mga pangangailangan, inaakay tayo ng Panginoon sa kanila. Nakikibahagi tayo sa masayang karanasang “itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (Doktrina at mga Tipan 81:5).

Tumulong

Ni Ana Rodriguez Ramirez, Spain

Isang araw sa misyon ko, nahiwatigan namin ng kompanyon ko na bisitahin ang isang sister sa ward. Gumupit kami ng mga pusong papel at sinulatan namin ang mga iyon ng mga mensahe ng pagmamahal para ipaalala sa kanya na mahalaga siya.

Dumating kami sa bahay niya, na inaakala na nasa bahay siya. Habang inaayos namin ang mga pusong papel, pumarada ang kotse niya sa tapat ng bahay. Sinubukan naming magkompanyon na magtago para hindi mawala ang magandang sorpresa, pero hindi namin nagawa. Nakita niya kami.

Lumuluha siyang bumaba ng kanyang sasakyan. Niyakap niya kami at sinabing, “Mga anghel ko kayong dalawa. Lagi kayong nariyan kapag kailangang-kailangan ko kayo. Salamat.”

Pinapasok niya kami at ikinuwento sa amin ang mahabang araw na ginugol niya sa pagharap sa isang malubhang sitwasyon sa pamilya. Nakinig lang kami sa kanya. Ibinahagi namin kung gaano siya kamahal ng Diyos at na hindi Niya nakalimutan ang pinagdaraanan niya. Nagbasa kami ng mga banal na kasulatan na kasama niya, at puspos ng Espiritu Santo ang bahay niya nang umalis kami.

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay “nahahandang … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Nagtitiwala Siya sa atin na maging bahagi ng Kanyang dakilang gawain—mas dakila at mas banal na paglilingkod. Kapag nag-uukol tayo ng panahon na makilala ang mga tao at makinig sa kanila, mas handa tayong maging mga anghel ng Diyos sa lupa.

Katawanin ang Tagapagligtas

Ni Talia Rodríguez, Switzerland

Ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng paglilingkod na tulad ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng panalangin ay maaaring magsimula ang ating paghahanap para malaman kung sino ang pagpapalain. Makakatulong ito sa atin na maunawaan ang kalooban ng langit kung paano magpala. Ang panalangin ay isang mahalagang hakbang din sa pagkatuto kung paano gampanan ang ating tungkulin.

Ang asawa kong si Mario ay nagkaroon ng COVID noong mga unang araw ng sakit na ito bago lumabas ang mga bakuna. Hinilingan ng bishop ang isang elder sa aming ward na si Moroni na bigyan siya ng priesthood blessing.

Dahil ayaw niyang mahawahan ng virus at maikalat ito sa kanyang pamilya, kinailangan ni Moroni ng pagpapatibay ng langit bago magpatuloy. Lumuhod silang mag-asawa sa panalangin, na naghihintay ng payapang katiyakan. Nang madama nila ang kapayapaan, sinabi sa kanya ng kanyang asawa, “Isuot mo ang iyong baluti, Moroni.”

Pagpasok niya sa bahay namin, nakita namin ang isang mandirigma ng Panginoon. Napaluha sa kagalakan ang asawa ko nang makita niya ang brother na matapang na lumalapit para ibigay sa kanya ang blessing na ninais niya. Hindi maipaliwanag ang karanasang iyon.

Dumating ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang lingkod, ang aming mahal na si brother Moroni, na ipinatong ang kanyang mga kamay sa ulo ni Mario at binasbasan siya tulad ng gagawin ni Cristo.

Tulungan Silang Matanggap ang mga Pagpapala ng mga Tipan

Ni Geiziane Morais Freitas Duarte, Brazil

Minsa’y naglingkod ako sa isang sister na hindi na nagsisimba. Nang bisitahin ko siya, ibinahagi ko kung gaano kamahal ng Tagapagligtas ang sister na ito at ang kanyang pamilya. Lagi ko silang inaanyayahang magsimba sa susunod na Linggo. Ang gawaing ito ay nagpatuloy sa loob ng mahabang panahon, ngunit hindi sila nagsimba kailanman. Pinanghinaan ako ng loob. Malakas ang tuksong sumuko. Pero tuwing bibisita kaming magkompanyon sa bahay nila, nasusulyapan namin ang langit. Lagi namin silang naiisip na nasa templo, nakasuot ng puti. Alam namin na kailangan naming patuloy na magsikap.

Matapos ang maraming panalangin at pagbisita, dumating din ang araw sa wakas—nagsimba ang pamilya! Patuloy silang nagbalik bawat linggo. Nagsikap ang pamilya na mapalago ang kanilang pananampalataya at tumahak sa landas ng tipan. Naging malinaw na napalakas sila ng ebanghelyo.

Kalaunan, nakatanggap ako ng paanyaya sa pagpapabuklod nila sa templo. Nang panoorin ko ang sagradong ordenansa, hindi ko napigilang mapaluha sa kagalakan. Isang himala iyon.

Kung minsa’y gusto ko nang sumuko. Pero tuwing bibisita ako sa kanila, nakikita ko ang templo. Ipinakita sa akin ng Diyos ang Kanyang plano para sa pamilyang ito. Kinasangkapan Niya ako para palagi silang makaugnayan. Nagpapasalamat ako sa Kanya sa pagpapakita sa akin ng tunay na ideya ng paglilingkod.

Pagsunod sa Halimbawa ni Cristo

Ang kagalakan at kapangyarihan ng paglilingkod ay matatagpuan kapag tayo ay naging pagpapala sa buhay ng isang tao, na pinaglilingkuran sila na tulad ng Tagapagligtas. Itinuro ni Relief Society General President Camille N. Johnson na “tuwing may gagawin kayo na maghahatid ng ginhawa sa iba—temporal [man] o espirituwal— … [inihahatid] ninyo sa kanila ang pagmamahal ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na sa paggawa ninyo nito, kayo ay makatatagpo ng ginhawa sa Kanya.”

Nagiging higit na katulad tayo ng Tagapagligtas sa ating paglilingkod kapag humingi tayo ng tulong sa Panginoon sa ating mga pagsisikap. Sinusunod natin ang mga pahiwatig, kinikilala ang mga pinaglilingkuran natin, ipinagdarasal sila, tinutulungan silang gumawa at tumupad ng mga tipan, at nagpupursige sa ating mga pagsisikap.

Ang paglilingkod ng Tagapagligtas—nang paisa-isa—ay isang magandang huwaran para sa ating sariling paglilingkod (tingnan sa 3 Nephi 11:15). Tulad ng itinuro ni Elder Juan Pablo Villar ng Pitumpu: “Kung tutularan natin si Jesucristo—ang Punong Lingkod—at maglilingkod tayo sa iba tulad ng gagawin Niya, palalakasin Niya tayo at bibigyan ng kapangyarihan. Sa pamamagitan ng ating paglilingkod, mapagpapala natin ang buhay ng iba at makasusumpong tayo ng kapayapaan at kagalakan para sa ating sarili.”