“Ang Pagmamahal at Malasakit ng Tagapagligtas para sa Isang Tao,” Liahona, Hulyo 2025.
Ang Pagmamahal at Malasakit ng Tagapagligtas para sa Isang Tao
Hinihilingan tayo na mahalin at paglingkuran ang isa’t isa tulad ni Jesucristo—bawat isa.
Paglalarawan ni Alex Nabaum
Hindi nagtagal matapos akong binyagan noong Agosto 1984, nabalitaan ko na may masayang aktibidad na may musika at barbecue na di-kalayuan sa tirahan ko sa Kwekwe, Zimbabwe. Sabik na kami ng mga kaibigan ko na pumunta, pero Linggo iyon. Hindi miyembro ng Simbahan ang mga kaibigan ko noon.
Sabi ko sa kanila, “Magsisimba ako pero pupuslit ako pagkatapos ng sacrament meeting at sasama ako sa inyo.”
Sabi ng mga kaibigan ko, na alam ang kahinaan ko, “Kapag ginawa mo iyan, hindi ka makakaabot. Pagdating mo, ubos na ang barbecue.”
Kinailangan kong magpasiya. Magsisimba ba ako o pupunta para makakain ng barbecue? Pinili ko ang barbecue pero nalaman ko noong Linggo ng umaga na hindi natuloy iyon. Sa oras na iyon, huli na ang lahat para magsimba, kaya nanatili na lang ako sa maliit na kuwartong inuupahan ko.
Maaga pa nang hapong iyon, may narinig akong boses: “Dito ba nakatira si Eddie Dube?”
Ang branch president ko iyon, si John Newbold, kasama ang asawa niyang si Jean. Gusto kong magtago sa ilalim ng kama ko! Pero bago pa ako nakakilos, nakatayo na sila sa tabi ng kurtina na naghihiwalay sa kuwarto ko sa iba pang bahagi ng bahay.
“Ah, Eddie,” sabi nila, “na-miss ka namin sa simbahan ngayon.”
Nag-usap kami sandali, at pagkaalis nila, ang kabaitan nila sa pagsasabing, “Eddie, na-miss ka namin,” ay nanatili sa aking isipan. Nagpapasalamat ako kina John at Jean Newbold. Mula sa araw na iyon, napagpala ako dahil tinulungan nila akong makita, sa personal na paraan, ang pagmamahal at malasakit ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo para sa isang tao.
Isa-isa
Dumating si Jesus bilang isang nabuhay na mag-uling nilalang sa mga Nephita pagkatapos Niyang makapiling ang Ama. Dumating Siya para aliwin ang mga tao. Mapagmahal Niya silang inanyayahan:
“Bumangon at lumapit sa akin, upang inyong maihipo ang inyong mga kamay sa aking tagiliran, at upang inyo ring masalat ang bakas ng pako sa aking mga kamay at aking mga paa, upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
“… At ito ay ginawa nila, isa-isang nagsilapit hanggang sa ang lahat ay makalapit, at nakita ng kanilang mga mata at nadama ng kanilang mga kamay, at nalaman nang may katiyakan at nagpatotoo, na ito ay siya nga, na siyang isinulat ng mga propeta, na paparito” (3 Nephi 11:14–15; idinagdag ang diin).
Kalaunan, inanyayahan sila ng Tagapagligtas na dalhin ang lahat ng maysakit, nasaktan, o “nahihirapan sa anumang dahilan … at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya” (3 Nephi 17:7, 9; idinagdag ang diin). Pagkatapos ay “kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:21; idinagdag ang diin).
Ang wariin na 2,500 katao ang naroon ay tunay na nagpapadama ng pagpapakumbaba (tingnan sa 3 Nephi 17:25). Dahil isinilang at lumaki ako sa Africa, madalas kong ilarawan ang Tagapagligtas sa aking isipan na nakatayo sa maningning na araw, naghihintay na pagalingin, aliwin, hikayatin, at mahalin ang lahat ng lumapit sa Kanya. Bilang Kanyang mga disipulo, hinilingan tayo na paglingkuran ang mga nasa paligid natin na katulad Niya—nang paisa-isa.
Sumulong nang May Pananampalataya
Ang Relief Society o elders quorum presidency sa inyong ward o branch, sa pahintulot ng bishop o branch president, ay nag-atas na sa inyo ng mga indibiduwal at pamilyang paglilingkuran. Ang ilan sa kanila ay maaaring halos hindi ninyo kilala. Baka kinakabahan kayong bumisita, tumawag, o kahit na mag-text sa kanila. Maaaring nag-aalala kayo na hindi nila gustong magpunta kayo sa bahay nila. Pero mapanalangin nang napag-isipan ng inyong mga lider kung ano ang maaaring maging kahulugan ng tungkuling ito para sa inyo at ang mga pagpapalang maihahatid nito sa inyo at sa mga pamilyang pinaglilingkuran ninyo. Kaya, sumulong nang may pananampalataya.
Ilang taon na ang nakararaan, sumama ako sa isang stake president sa timog-silangang Estados Unidos para bisitahin ang ilang pamilya bago sumapit ang isang stake conference. Pagdating namin sa isang bahay, nilapitan kami ng isang lalaking marumi ang damit.
“Ano ang gusto ninyo?” sigaw nito. “Ayaw kong nagpupunta ang mga tao sa bahay ko!”
Nag-alala ako nang maging nakakatakot ang kilos ng lalaki. Gusto kong sunggaban ang stake president at tumakbo pabalik sa kotse! Pero kalmado ang stake president. “Sori,” sabi niya. “Akala namin sinabi na sa iyo ng bishop mo na darating kami.”
Habang nag-uusap sila, nadama ko nang napakatindi ang Espiritu. Naglakas-loob ako, nilapitan ko ang lalaki, at sinabi ko, “Mahal naming brother, inatasan ako ni Pangulong Thomas S. Monson [siya ang propeta noon] na pumunta rito. Narito kami para makipagkita sa iyo. Inihahatid namin ang pagmamahal sa iyo ng propeta.”
Tiningnan ko ang mga mata ng lalaki at napansin kong naluluha ang mga ito. Sinimulan niyang ibahagi sa amin ang kanyang mga hamon sa buhay. May depresyon ang kanyang asawa. Kailan lang siya nawalan ng trabaho. Wala siyang maipakain sa kanyang mga anak. Tiniyak ng stake president sa lalaki na tutulong ang Simbahan sa kanya at sa kanyang pamilya. Naging maganda ang aming pag-uusap.
Pagkaraan ng ilang linggo, hiningan ko ang stake president ng update. Sinabi niya sa akin na tinutulungan ng bishop at ng ward council ang brother na ito at na nagsimula sila ng kanyang asawa, na hindi miyembro ng Simbahan, na makipag-usap sa mga missionary.
Nagsimula ang paglilingkod sa pagtulong sa iba nang may pananampalataya at pagmamahal. Kapag sumusulong tayo nang may pananampalataya, na nagtitiwala sa Panginoon, maaari tayong humingi ng paghahayag mula sa Kanya tungkol sa Kanyang mga plano at layunin para sa mga pakikipag-ugnayan natin sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Tutulungan Niya tayong malaman kung ano ang sasabihin at gagawin at gagabayan tayo kung paano “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan,” “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9). Kapag ginawa natin ito, malalaman natin kung gaano talaga kamahal ng Tagapagligtas ang isang tao.
Anong Laki ng Inyong Kagalakan
Hanggang ngayon, nakikipag-ugnayan pa rin ako kina John at Jean Newbold. Sa nagdaang mga taon, nagagalak ako dahil sa pagmamahal na ipinaabot nila sa akin. At nagalak silang makita na umuunlad ako sa ebanghelyo. Ito ang maaaring mangyari kapag naglilingkod tayo—tayo at ang mga taong pinaglilingkuran natin ay nagiging mas malapit sa isa’t isa at mas konektado sa Tagapagligtas.
Itinuro ng Tagapagligtas, “Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos. …
“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at mag[da]dala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (Doktrina at mga Tipan 18:10, 15; idinagdag ang diin).
Kung hindi naging prayoridad sa inyo ang paglilingkod, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “lahat tayo ay maaaring gumawa ng mas mahusay at maging mas mahusay nang higit pa kaysa noon.” Inaanyayahan ko kayong magbago at magbagumbuhay. Ipinapangako ko na kapag nakibahagi kayo sa paglilingkod, makakahanap kayo ng mga solusyon sa mga hamong kinakaharap ninyo ngayon.
Totoo ang pangako ng Tagapagligtas: “Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito” (Mateo 16:25).
Sa tulong ng Tagapagligtas, maaari kayong maging ministering brother o sister na kailangan Niya para makagawa kayo ng kaibhan sa buhay ng mga anak ng Ama sa Langit—bawat isang mahalagang tao.