“Pagbabahagi ng Musika sa Iba” Liahona, Hulyo 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pagbabahagi ng Musika sa Iba
Lahat tayo ay maaaring maghanap ng mga paraan para maibahagi ang mga kaloob at talentong kaloob sa atin ng Diyos, na inaangat ang iba mula sa ating kinatatayuan.
Paglalarawan ni David Malan/Malan Creative
Noon pa man ay gusto ko nang tumugtog sa Orchestra at Temple Square, ang orkestra ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tumutugtog ako ng clarinet at mayroon akong degree sa musika, pero malamang na hindi ako kailanman magkaroon ng oportunidad.
Kasi, sa New Zealand ako nakatira.
Gayunman, ipinaaalala sa akin ng Espiritu Santo na maaari akong “malugod” (Alma 29:3) sa pagiging isang musical pioneer ng Simbahan sa New Zealand at sa iba pang mga lugar. Ang una kong calling sa edad na 18 ay bilang music leader sa nursery. Mula noon, napagpala na akong mamahala at bumuo ng mga stake at ward musical production, at tumugtog din ng piyano sa Primary. Nagbahagi na ako ng musika sa buong New Zealand at sa Pilipinas at tumugtog ng piyano sa pagsaliw sa isang musical open house para sa isang district ng Simbahan sa Shanghai, China. Nakipagduweto na ako sa Provo Missionary Training Center.
Musika ang nagpanatili sa akin sa Simbahan sa buong panahon ng mahirap na pakikibaka ko sa pagkabalisa at depresyon. Nang madama ko na wala na akong ibang magagawa, alam ko na maaari akong pumayag na tumulong sa musika. Tinutulungan ako ng musika na tingnan ang mundo sa pamamagitan ng espirituwal na mga mata.
Nakakakatha ako ng musika na kasama ang asawa ko at tatlong anak. Sama-sama na kaming nakapagtanghal sa ward, nakakatha ng isang kontribusyong musikal para sa isang missionary broadcast sa Auckland New Zealand Mission, at nakakanta na para sa isang online stake conference. Alam ko kung paano inaanyayahan ng salita ng Diyos, sa pamamagitan ng mga himno ng Simbahan, ang Espiritu Santo at inaantig ang puso ng ating mga pamilya at ward.
Patuloy kong minamahal ang Orchestra at Temple Square mula sa malayo, pero alam ko na pinagpapala tayo kapag naghahanap tayo ng mga oportunidad na paglingkuran at purihin ang Panginoon saanman tayo naroroon at sa anumang paraang kaya natin (tingnan sa Mga Awit 150:6). Nagpapasalamat ako na maaari tayong magbahagi ng ating patotoo sa pamamagitan ng ating mga kaloob at talento, pati na sa musika. Pinagpala tayo, at pinagpapala natin ang iba, kapag ibinabahagi natin ang mga kaloob at talentong iyon sa mga anak ng Diyos at “[binubuhat ang iba] kung saan tayo nakatayo.”