“Paglilingkod sa mga Taong May Allergy sa Pabango,” Liahona, Hulyo 2025.
Paglilingkod sa mga Taong May mga Allergy sa Pabango
Ang mga akomodasyon ay nangangailangan ng galing at habag mula sa lahat ng nasasangkot.
Mga paglalarawan ni Elia Sampo
Ang paanyaya ng ating Tagapagligtas ay para sa “lahat [sa atin] na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33). Ang isang mahalagang paraan ng paglapit natin sa Tagapagligtas ay sa pagsisimba at pakikilahok sa mga aktibidad ng simbahan. Kung minsan, maaaring maging hamon ang pagsisimba sa iba’t ibang kadahilanan. Maaari itong maging mahirap lalo na para sa isang taong nabubuhay nang may kapansanan, allergy, o iba pang mga problema sa kalusugan.
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, nais nating madama ng lahat na sila ay tanggap at makakadalo sa simbahan at mga aktibidad. Halimbawa, nagpapakita tayo ng konsiderasyon para sa mga taong may allergy sa pagkain sa pamamagitan ng paghahanda ng sakramento na walang gluten. Naglalaan ito ng paraan para makatanggap ng sakramento ang mga taong ito at mapanibago nila ang mga sagradong tipan sa Panginoon.
Nahihirapan ang ilang miyembro na magsimba o sa iba pang mga pampublikong pagtitipon dahil sa pagiging sensitibo sa amoy ng mga kemikal tulad ng pabango at mga cologne. Ang mga taong may mga kundisyong tulad ng hika, allergy sa pabango, o maselan sa maraming kemikal ay mas maselan sa amoy ng mga kemikal at maaaring magkaroon ng reaksyon. Tulad ng mga allergy sa pagkain, hindi mo masasabi na ang isang tao ay maselan sa maraming kemikal sa pagtingin lamang sa kanila. Dahil dito, ang kundisyong ito ay kadalasang hindi nakikita, pero malaki ang epekto nito sa kakayahan ng taong iyon na gawin ang mga normal na gawain sa buhay.
Mga Sintomas
Ang mga sintomas ay iba-iba at maaaring kabilangan ng pagduwal, pagkahilo, sakit ng ulo, pagod, pagkabalisa, hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib at lalamunan, at iba pa.
Ang mga sintomas ay mula sa banayad hanggang sa malubha. Habang ang isang tao ay maaaring sumakit ang ulo na nawawala pagkaraan ng ilang oras, ang isa pang tao ay maaaring magkaroon ng malubhang reaksyon na maaaring tumagal nang ilang araw o na nagiging dahilan para itakbo siya sa ospital.
Ang mga pagkaselan sa amoy ng kemikal ay maaaring makagambala sa buhay ng isang tao at magbigay ng pakiramdam na naiiba siya. Nagpaliwanag ang isang miyembrong nakararanas ng matitinding sintomas: “Ang mga pang-araw-araw na aktibidad, tulad ng shopping, pagbisita sa mga kaibigan, pagdalo sa mga miting ng Simbahan, o pagkain sa labas ay maaaring maging mabibigat na hamon. Humahantong ito sa mga damdamin ng pagkabigo, paglayo, at labis na kalungkutan. Bukod dito, madalas nating maramdaman na hindi tayo nauunawaan at hinuhusgahan tayo ng mga tao sa ating paligid na hindi ‘nakikita’ ang ating karamdaman at ang pakiramdam ay makasarili at nakakatawa tayo dahil ‘ayaw natin ang amoy.’”
Malubha ang hika ng isang mag-ama dahil sa amoy ng mga kemikal. Naghahanda ang anak na magsalita sa sacrament meeting bago umalis papunta sa misyon. Isang linggo bago ang kanyang mensahe, sinabi ng bishop sa mga miyembro ng ward na may matinding problema sa paghinga ang binata kapag nalalantad sa matatapang na pabango at hiniling sa mga miyembro na tandaan iyon kapag nagsimba sila sa susunod na linggo. Dahil dito ay nagkaroon ng pinakamagandang Linggo ang mag-ama sa simbahan.
Mga Akomodasyon
Sa Simbahan, ang isang taong medyo maselan sa amoy ng mga kemikal ay maaaring piliing umupo nang malayo sa ibang mga tao. Para sa iba pa, maaaring kailanganin ang mas matitinding interbensyon, tulad ng pagsusuot ng filtering facepiece respirator, pagdadala ng air purifier sa simbahan, o panonood ng sacrament meeting online.
Anuman ang kalubhaan ng pagiging maselan ng isang tao sa amoy ng mga kemikal, mahalagang tandaan na totoong nakapag-aalala ito. Ang mga akomodasyon ay nangangailangan ng galing at habag mula sa lahat ng nasasangkot. Ang mga tao ay gumagamit ng mga pabango at iba pang mga naaamoy na bagay dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan, tulad ng kagustuhan o personal na kalinisan. Kakailanganin ang paggalang at pag-unawa sa isa’t isa para matugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng nasasangkot.
Kung maselan kayo sa amoy ng kemikal, kausapin ninyo ang isang miyembro ng inyong bishopric. Bagama’t maaaring hindi posible ang mga akomodasyon sa lahat ng sitwasyon, makakatulong na ipaalam sa mga ward leader ang inyong mga pangangailangan. Maaaring makipagtulungan sa inyo ang ward council nang magawa nila ang lahat para mapaunlakan ang pagiging maselan ninyo sa amoy ng mga kemikal. Maiiba-iba ang tamang diskarte ayon sa mga sitwasyon at dapat ay balanse na nauunawaan na hindi lahat ng sitwasyon ay maaaring tumugon sa mga pangangailangan ng lahat.
Ilang ideya para sa mga lider:
-
Ipaunawa sa mga miyembro na ang pagiging maselan sa amoy ng mga kemikal ay totoong nakapag-aalala para sa mga apektado.
-
Maglaan ng regular na mga anunsyo at paalala kung paano tayo magiging mahabagin sa iba na maselan sa amoy ng mga kemikal at may iba pang problema sa kalusugan at kung paano natin matutulungan ang lahat na sumama sa pagsamba sa Panginoon.
-
Isiping tumawag ng isang ward o stake disability specialist para tumulong sa pagtugon dito at sa iba pang mga isyu.
-
Isiping mag-organisa ng training session para sa mga lider at miyembro tungkol sa pagiging maselan sa amoy ng mga kemikal at iba pang mga kundisyon na maaaring makaapekto sa kakayahan ng isang tao na makilahok sa mga miting ng Simbahan.
Ilang ideya para sa mga akomodasyon:
-
Maglaan ng mga oportunidad para sa mga indibiduwal na maselan sa amoy ng mga kemikal na ibahagi ang kanilang mga pangangailangan at alalahanin sa mga ward leader.
-
Kung maaari, gawin ang lahat para maipatupad ang mga patnubay para sa mga miting at aktibidad na nagtutulot sa mga tao na maselan o may mga allergy na komportableng makadalo.
-
Isiping maglaan ng online streaming ng mga miting para sa mga hindi makadalo at mag-alok ng mga paraan para makatanggap ng sakramento ang mga indibiduwal na ito.
-
Mga produktong inaprubahan at inilaan lamang ng meetinghouse facilities team ng Simbahan ang gamitin. Kung lumilikha ng isyu ang isa sa mga karaniwang produkto, makipagtulungan sa lokal na facilities manager para tumuklas sila ng mga alternatibo. Kung nagdadala ang mga miyembro ng sarili nilang mga air freshener o produkto sa paglilinis, maaaring magsanhi ng mga reaksyon ang mga produktong iyon sa mga indibiduwal na maselan ang pang-amoy.
-
Isaalang-alang ang pagiging maselan ng mga tao sa amoy ng mga kemikal kapag nagpaplano ng mga aktibidad.
-
Isaisip na gusto ng ilang tao na maselan sa amoy ng mga kemikal na maglingkod sa isang tungkulin na ligtas para sa kanila.
Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Para sa mga taong nakadarama na sila ay nalimutan na o malayo ang loob sa atin, ang init ng pagtanggap [natin] ay talagang napakahalaga. Sa huli, maaari nating itanong sa ating sarili kung anong klaseng sacrament meeting ang nais ng Tagapagligtas para sa atin. Paano kaya Niya nais madama ng Kanyang mga anak na sila ay malugod na tinatanggap, inaalagaan, inaaruga at minamahal? Ano kaya ang nais Niyang madama natin kapag tayo ay dumadalo para mapanibago ang ating sarili sa pamamagitan ng pag-alaala at pagsamba sa Kanya?”
Sa paglikha ng kamalayan sa isyung ito, maaaring madama ng mga taong maselan sa amoy ng mga kemikal na sila ay pinakikinggan, iginagalang, at mas lubos na kabahagi sa kanilang ward o branch. Kapag ang mga bishopric at ward council ay may habag at mapanalanging nakikipagtulungan sa mga taong apektado ng ganitong mga uri ng problema sa kalusugan, mas marami sa mga anak ng Ama sa Langit ang napapalakas kapag binibigyan sila ng mas maraming oportunidad na mas mapalapit kay Jesucristo. Kapag nagsasama-sama ang isang ward, “na [may] mga puso [na] magkakasama sa pagkakaisa at sa [pagmamahal]” (Mosias 18:21), naaantig at naghihilom ang mga puso.